Diabetes at ang Iyong Anak: Mababang Asukal sa Dugo
Nangyayari ang mababang asukal sa dugo (hypoglycemia) kapag masyadong kaunti ang asukal (glucose) sa dugo ng iyong anak. Maaaring sanhi ito ng paglaktaw sa pagkain o meryenda, pagkain ng napakakaunting pagkain, o pag-inom ng sobrang insulin o gamot sa diabetes. Maaari ding maging sanhi ng mababang asukal sa dugo ang maraming pisikal na aktibidad, kahit ilang oras pagkatapos.
Paano matukoy ang mababang antas ng asukal sa dugo
Magkakaiba ang mga sintomas ng bawat isa. Maaaring makaramdam ang iyong anak ng pagkahilo, panghihina, pagkagutom, pananakit ng ulo, pamamawis, o panginginig. Maaaring magmukhang masungit o nalilito ang iyong anak. Maaari din siyang tila nagkakaroon ng mga bangungot o umiiyak sa kanyang pagtulog. Maaaring maging sanhi ng mga kumbulsyon ang malubhang hypoglycemia. Kung nangyayari nang napakadalas ang pagbaba sa paglipas ng panahon, maaaring hindi na maramdaman ang mga ito ng iyong anak (hypoglycemia unawareness). Hikayatin ang iyong anak na tukuyin ang kanyang mga sintomas at sabihin kaagad sa iyo ang tungkol sa mga ito. Maaaring hindi mapansin ang medyo mababang antas ng asukal sa dugo, gayungman, sa malulubhang kaso, maaaring maging sanhi ang mababang asukal sa dugo ng mga kumbulsyon o pagkahimatay. Kinakailangan nito ang agarang medikal na pangangalaga.
Ano ang gagawin
Kasama sa mga aksyon na dapat gawin ang:
-
Manatiling kalmado para mas matulungan mo ang iyong anak.
-
Suriin ang asukal sa dugo ng iyong anak para masiguro na mababa ito. Kung hindi mo nasuri, gamutin ang mababang asukal sa dugo.
-
Bigyan ang iyong anak ng 15 hanggang 20 gramo ng mabilis ang bisa na asukal. Ang mga halimbawa ay 3 hanggang 4 na tableta ng glucose, isang tube ng gel ng asukal, kaunting cake icing, o 4 na onsa (½ tasa) ng juice o regular na soda. Hindi talaga makatutulong ang diet soda. Hindi mabilis na gagana ang tsokolate, mga cookie, at iba pang matatabang matatamis.
-
Huwag gumamit ng mga pinagkukunan ng carbohydrate na mataas sa protina gaya ng gatas o mani. Maaari nitong dagdagan ang pagtugon ng insulin sa dietary carbohydrates.
-
Kung maaari, muling suriin ang asukal sa dugo sa loob ng 15 minuto. Kung mababa pa rin ito, bigyan ang iyong anak ng isa pang 15 hanggang 20 gramo ng mabilis ang bisa na asukal.
-
Kapag normal na ang asukal sa dugo ng iyong anak, bigyan siya ng meryenda o pagkain.
-
Kapag hindi tumaas ang asukal sa dugo ng iyong anak, tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan o dalhin ang iyong anak sa emergency room.
Paano maiiwasan ang mababang asukal sa dugo
Maaaring makatulong ang mga payong ito sa iyong anak:
-
Tingnan kung kumakain at nagmemeryenda ang iyong anak sa tamang oras, at kumakain bago mag-ehersisyo.
-
Pagdalahin ang iyong anak ng asukal na mabilis ang bisa.
-
Huwag magturok ng insulin na malapit sa kalamnan na gagamitin sa pag-eehersisyo.
-
Madalas na suriin ang asukal sa dugo ng iyong anak, lalo na pagkatapos mag-ehersisyo at sa oras ng pagtulog.
-
Sa paraang naaangkop sa edad, turuan ang iyong anak tungkol sa mababang asukal sa dugo at kung paano pamahalaan ito.
-
Itanong sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak kung maaaring magkaroon ang iyong anak ng insulin na mabilis ang bisa na maaaring ibigay pagkatapos ng pagkain. Sa paraang iyon, masisiguro mo kung gaano karami ang nakain ng iyong anak bago siya maturukan.
-
Magpanatili ng isang detalyadong tala ng mga lebel ng asukal sa dugo ng iyong anak, kabilang ang anumang mababa. Sabihin ito sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak sa susunod na check-up. Kung patuloy ang pagkakaroon ng mababang asukal sa dugo ng iyong anak, itanong ang tungkol sa insulin pump. Maaaring mas gumaling ang iyong anak sa isang pump sa halip na maraming iniksyon.
Mga payo
Kabilang din sa iba pang payo ang:
-
Ipasuot sa iyong anak o dalhin ang medikal na ID na nagsasaad na mayroon siyang diabetes at kasama kung sino ang dapat kontakin kung sakaling magkaroon ng emergency.
-
Laging magtabi ng diabetes kit na pang-emergency. Tingnan kung may emergency kit din ang paaralan o daycare ng iyong anak.
Gamot na glucagon
Para sa malulubhang antas ng mababang asukal sa dugo, maaaring kailanganin ng iyong anak ng glucagon. Maaari din itong kailanganin ng iyong anak kung hindi siya makainom ng iniinom na glucose dahil nasusuka siya, o nahihirapang lumunok, o walang malay. Ang glucagon ay isang gamot na nagpapalaya sa glucose na nakaimbak na sa katawan ng iyong anak. Available ang glucagon bilang isang iniksyon o bilang isang pulbos na inilalagay sa ilong. Inaprubahan ang nasal glucagon sa mga batang 4 na taong gulang at mas matanda. Itanong sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak kung anong uri ng glucagon ang pinakamainam para sa iyong anak. Itanong ang tungkol sa mga glucagon emergency kit para sa bahay at paaralan. Magpaturo ka sa provider kung kailan at paano gamitin ang glucagon. Siguraduhing marunong ang iba pang tagapag-alaga ng iyong anak kung paano ito gamitin kung sakaling magkaroon ng emergency.
Online Medical Reviewer:
Dan Brennan MD
Online Medical Reviewer:
Jessica Gotwals RN BSN MPH
Online Medical Reviewer:
Shaziya Allarakha MD
Date Last Reviewed:
3/1/2024
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.