Health Encyclopedia
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Pagkakaroon ng Cardiac Catheterization

Maaaring nagkaroon ka ng pananakit ng dibdib (angina), pagkahilo, o iba pang sintomas ng sakit sa puso. Upang tulungan kang ma-diagnose ang iyong problema, maaaring ipayo sa iyo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan ang cardiac catheterization. Isa itong pamamaraan na naghahanap ng bara o makitid na bahagi ng mga arterya sa paligid ng puso. Maaari itong maging sanhi ng pananakit ng dibdib o atake sa puso kung hindi nagamot. Maaari din itong gamitin upang suriin ang iba pang problema sa iyong puso.

Maaari ding gamitin ang pamamaraang ito upang gamutin ang sakit sa puso. Maaari itong gawin bilang isang nakaplanong pamamaraan kung nagkaroon ka dati ng pananakit sa dibdib. O maaari itong gawin kaagad upang gamutin ang pinaghihinalaang atake sa puso.

Anino ng babae na pinapakita ang mga lugar na pagpapasukan ng catheter sa singit at sa braso.
Maaaring ilagay ang catheter sa braso o sa singit.

Bago ang pamamaraan

  • Sabihin sa iyong team ng tagapangalaga ng kalusugan kung ano-anong gamot ang iniinom mo at ang tungkol sa anumang allergy na mayroon ka.

  • Sundin ang anumang tagubiling ibinigay sa iyo para sa hindi pagkain o pag-inom bago ang pamamaraan.

Habang nasa pamamaraan

  • Maaaring gupitin ang buhok kung saan ipapasok ang catheter. Maaari itong sa iyong binti (singit), pulso, o braso.

  • Maaari kang bigyan ng mga gamot para marelaks bago ang pamamaraan.

  • Bibigyan ka ng lokal na anesthesia upang maiwasan ang pananakit sa lugar ng pagpapasukan.

  • Ipapasok ng isang tagapangalaga ng kalusugan ang isang tubo (sheath) sa isang daluyan ng dugo sa iyong singit o braso.

  • Sa pamamagitan ng sheath, isang mahaba at manipis na tubo na tinatawag na catheter ang ilalagay sa loob ng arterya. Pagkatapos, igagabay ang catheter patungo sa iyong puso sa paggabay ng X-ray.

  • Maaari nang gamitin ang catheter upang sukatin ang mga presyon sa puso. Maaari itong kumuha ng mga sampol ng dugo kung kinakailangan. Maaari din itong gamitin upang magturok ng contrast sa mga arterya ng puso para maghanap ng mga pagbara. Tinatawag itong angiography.

Pagkatapos ng pamamaraan

  • Sasabihin sa iyo ng iyong mga tagapangalaga ng kalusugan kung gaano katagal ang paghiga at manatiling hindi gumagalaw ang lugar ng pagpapasukan.

  • Kung nasa singit mo ang lugar ng pagpapasukan, maaaring kailanganin mong humiga na hindi gumagalaw ang iyong binti sa loob ng aabot sa 6 o higit pang oras. Maaaring gamitin ang tahi (suture) o device na pansara tulad ng collagen plug sa lugar ng arterya para isara ang lugar. Kung gayon, maaari kang makagalaw nang mas maaga. Depende ito sa anumang pagdurugo na nangyayari.

  • Kung ginamit ang iyong braso, maaaring kailanganin mong magsuot ng espesyal na uri ng immobilizing device at pressure bandage sa loob ng ilang oras pagkatapos ng pamamaraan.

  • Susuriin ng nars ang lugar na pinagpasukan at ang iyong presyon ng dugo.

  • Maaari kang painumin ng likido. Upang makatulong ito na mailabas ang contrast liquid sa iyong sistema.

  • Magkaroon ng isang taong magmamaneho sa iyo pauwi sa bahay mula sa ospital.

  • Normal na makakita ng maliit na pasa o bukol sa lugar ng pinagpasukan. Dapat mawala ito sa loob ng ilang linggo.

Kailan dapat tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan

Tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mayroon ka ng alinman sa mga ito:

  • Pananakit, pamamaga, pamumula, init, pagdurugo, o pagtagas ng likido sa lugar ng pinagpasukan

  • Bago at matinding pananakit ng likod o dibdib

  • Hindi makaihi

  • Dugo sa iyong ihi, maitim o madikit na dumi, o anumang iba pang uri ng pagdurugo

  • Lagnat na 100.4°F ( 38.0°C), o mas mataas, o ayon sa ipinayo ng iyong tagapangalaga

Tumawag sa 911

Tumawag sa 911 kung mayroon ka ng alinman sa mga ito:

  • Pananakit o presyon ng dibdib, pagduduwal o pagsusuka, labis na pagpapawis, pagkahilo, o pagkalula

  • Kakapusan ng paghinga o nahihirapan sa paghinga

  • Matinding pananakit, panlalamig, o may kulay asul sa binti o braso kung saan ipinasok ang catheter

  • Biglang pamamanhid o panghihina sa mga braso, binti, o mukha, o hirap sa pagsasalita

  • Napakabilis na mamaga ang lugar na pinagbutasan

  • Hindi bumabagal ang pagdurugo mula sa lugar ng pinagbutasan kapag pinisil mo ito nang madiin

Online Medical Reviewer: Callie Tayrien RN MSN
Online Medical Reviewer: Stacey Wojcik MBA BSN RN
Online Medical Reviewer: Steven Kang MD
Date Last Reviewed: 2/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer