Health Encyclopedia
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Mataas na Asukal sa Dugo (Hyperglycemia)

Tinatawag na mataas na asukal sa dugo (hyperglycemia) ang napakaraming asukal (glucose) sa iyong dugo. Maaari itong humantong sa 2 mapanganib na kondisyon na tinatawag na ketoacidosis at hyperosmolar hyperglycemic state. Sa malulubhang kaso, maaaring humantong ang mga ito sa pagkawala ng tubig (dehydration) at iba pang malubhang komplikasyon gaya ng coma.

Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa kung anong range ng asukal sa dugo ang normal para sa iyo. Makipagtulungan sa iyong tagapangalaga upang gumawa ng plano sa paggamot ng mataas na asukal sa dugo.

Mga posibleng sanhi ng mataas na asukal sa dugo

  • Hindi pagkakaroon ng magandang plano ng paggamot para sa diabetes 

  • Pagkakaroon ng sakit

  • Pagiging stress

  • Pag-inom ng ilang gamot, tulad ng steroids

  • Pagkain ng napakaraming pagkain, lalo na ang mga carbohydrate

  • Pagiging hindi gaanong aktibo kaysa sa karaniwan

  • Hindi pag-inom ng sapat na gamot sa diabetes

  • Hindi pag-inom ng gamot sa diabetes sa tamang oras

Mga sintomas ng mataas na asukal sa dugo

Maaaring walang sintomas ang mataas na asukal sa dugo. Kung mayroon kang mga sintomas, maaaring kasama sa mga ito ang:

  • Pagkauhaw

  • Tuyong bibig

  • Kailangang umihi nang mas madalas

  • Pakiramdam na pagod o nahihilo

  • Masakit ang tiyan (pagduduwal) at pagsusuka

  • Pananakit ng tiyan (abdomen)

  • Makati, tuyong balat

  • Malabong paningin

  • Mabilis na paghinga

  • Hininga na amoy prutas 

  • Panghihina

  • Pagkahilo

  • Pamumula ng mukha

  • Mga sugat o impeksiyon sa balat na hindi gumagaling

  • Hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang kung tumatagal nang higit sa ilang araw ang mataas na asukal sa dugo 

Ano ang gagawin

Kung mayroon kang mga sintomas ng mataas na asukal sa dugo o sa palagay mo ay maaaring mataas ito, suriin ang iyong asukal sa dugo. Kung mataas ang iyong asukal sa dugo, gawin ang sumusunod maliban kung iba ang sabihin ng iyong tagapangalaga:

  • Inumin ang iyong mga gamot para sa diabetes ayon sa inireseta. Maaaring itaas nang bahagya ang mga dosis ng mga gamot tulad ng insulin kung nananatiling mataas ang iyong asukal sa dugo. Ngunit dapat itong aprubahan ng iyong tagapangalaga. Huwag na ikaw mismo ang mag-adjust ng mga dosis.

  • Suriin nang mas madalas ang iyong asukal sa dugo, o ayon sa ibinilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan.

  • Uminom ng maraming likido na walang asukal at walang caffeine gaya ng tubig. Huwag uminom ng katas ng prutas.

  • Sundin ang iyong plano sa araw na maysakit sa pag-inom ng gamot.

  • Suriin ang iyong dugo o ihi kung may ketones ayon sa ibinilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan. Kung mayroon kang ketones, huwag mag-ehersisyo. Maaari nitong mas pataasin ang iyong asukal sa dugo.

  • Tumawag sa iyong tagapangalaga kung hindi bumbabalik sa iyong target na saklaw ang iyong asukal sa dugo at ketones.

Babaeng umiinom ng isang basong tubig.

Pag-iwas sa mataas na asukal sa dugo

Upang makatulong na maiwasang napakataas ng iyong asukal sa dugo:

  • Kontrolin ang stress.

  • Kapag maysakit, sundin ang iyong plano sa araw na maysakit. 

  • Sundin ang iyong plano ng pagkain. Kumain lamang ng dami ng pagkain batay sa iyong plano ng pagkain.

  • Sundin ang iyong plano ng pag-eehersisyo.

  • Inumin ang iyong insulin o mga gamot para sa diabetes ayon sa itinagubilin ng iyong team ng tagapangalaga ng kalusugan.

  • Suriin ang iyong asukal sa dugo ayon sa itinagubilin.

    Kung hindi gumagana para sa iyo ang iyong plano sa diabetes, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan.

Ano ang diabetic ketoacidosis (DKA)?

Kapag wala kang sapat na insulin para gamitin ang glucose sa iyong dugo, sinusunog ng iyong katawan ang taba para sa enerhiya. Naglalabas ito ng dumi na tinatawag na ketones. Maaaring humantong sa diabetic ketoacidosis (DKA) ang matataas na lebel ng ketones sa iyong katawan. Maaaring magbanta sa buhay ang DKA. Kung mayroon kang DKA, kailangan mong magamot sa ospital. Malamang na kabilang sa iyong paggamot ang:

  • Mga likido sa pamamagitan ng IV. Ito ay upang palitan ang mga likidong nawala dahil sa labis na pag-ihi. At tumutulong itong palabnawin ang labis na asukal sa iyong dugo.

  • Mga electrolyte. Ang mga ito ay mga mineral sa iyong katawan na tumutulong sa iyong mga nerbiyo, kalamnan, puso, at utak na gumana sa paraang nararapat. Maaaring pababain ng mababang insulin ang iyong mga lebel ng electrolyte.

  • Insulin. Tumutulong ang insulin sa iyong katawan para gamitin ang glucose at binabaliktad ang problema na humahantong sa DKA.

  • Mga gamot. Maaaring kailangan mo ng gamot para sa isang sakit na nagdulot ng DKA, gaya ng mga antibayotiko para sa isang impeksiyon.

Iba pang hakbang na pangkaligtasan

  • Magdala ng medical ID card o isang compact na USB drive. O magsuot ng isang pulseras o kuwintas na alertong medikal. Dapat nitong sabihin na mayroon kang diabetes. Dapat din nitong sabihin kung ano ang dapat gawin kung mawalan ka ng malay o ma-coma ka.

  • Siguraduhing alam ng iyong pamilya, mga kaibigan, at kasamahan sa trabaho ang mga palatandaan ng mataas na asukal sa dugo. Sabihin sa kanila kung ano ang dapat gawin kung sobrang tumaas ang iyong asukal sa dugo at kailangan mo ng tulong.

  • Makipag-usap sa iyong team na tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa pag-iwas sa mataas na asukal sa dugo.

 Kailan hihingi ng medikal na pangangalaga

Humingi kaagad ng medikal na pangangalaga kung mayroon ka ng alinman sa mga ito:

  • Asukal sa dugo na nananatiling mataas kahit pagkatapos ng paggamot

  • Mga sintomas ng mataas na asukal sa dugo na hindi gumagaling

  • Katamtaman o napakaraming ketones

  • Pagkatuliro

  • Kakapusan ng paghinga o mabilis na paghinga

  • Hininga na amoy prutas

  • Pagsusuka o hindi makakain o makainom

Online Medical Reviewer: Chris Southard RN
Online Medical Reviewer: Rajadurai Samnishanth Researcher
Online Medical Reviewer: Rita Sather RN
Date Last Reviewed: 4/1/2024
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer