Health Encyclopedia
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Mga Tagubilin sa Paglabas ng Ospital para sa Stroke

Mayroon kang mataas na panganib sa stroke, o TIA (transient ischemic attack). Sa panahon ng stroke, tumitigil ang pagdaloy ng dugo sa bahagi ng iyong utak. Ito ay makakapinsala sa mga dako sa utak na kumukontrol ng ibang bahagi ng katawan. Ang mga sintomas mula sa stroke ay depende sa kung anong bahagi ng utak ang naapektuhan.

Mga dahilan ng panganib sa stroke

Kapag ikaw ay nagkaroon na ng stroke, ikaw ay mayroong mas mataas na tsansa na muling ma-stroke. Nakalista sa ibaba ang ilang iba pang dahilan na maaaring magpataas ng iyong panganib para sa stroke:

  • Mataas na presyon ng dugo

  • Mataas na kolesterol

  • Paninigarilyo o paggamit ng tabako

  • Diabetes

  • Mga sakit sa carotid o iba pang arterya

  • Atrial fibrillation, atrial flutter o iba pang sakit sa puso

  • Hindi pagiging aktibo ng katawan

  • Sobrang katabaan

  • Ilang sakit sa dugo, katulad ng sickle cell anemia

  • Labis na pag-inom ng alak

  • Pag-abuso sa mga ipinagbabawal na gamot

  • Lahi

  • Kasarian

  • Kasaysayan sa stroke ng pamilya

  • Maaalat na pagkain, prinito, o mamantikang mga pagkain

Mga pagbabago sa pang-araw-araw na pamumuhay

Ang paggawa ng ilang pang-araw-araw na gawain ay maaaring mahirap pagkatapos mong magkaroon ng stroke. Ngunit maaari kang matuto ng mga bagong paraan para mamahala. Sa katunayan, ang paggawa ng araw-araw na aktibidad ay makakatulong upang bumalik ang lakas ng iyong kalamnan. Makatutulong ito sa iyong apektadong bisig o binti na makagalaw nang mas normal. Maging matiyaga. Bigyan ang iyong sarili ng panahon para mag-adjust. At pahalagahan ang pag-unlad na ginagawa mo.

Pang-araw-araw na aktibidad

Ikaw ay maaaring nasa panganib na mahulog. Magkaroon ng pagbabago sa iyong tahanan upang mas mabilis kang makalakad. Magpapasya ang isang therapist kung kailangan mo ng aparato na pantulong, tulad ng tungkod o walker, upang maglakad nang ligtas.

Maaaring kailanganin mong magpatingin sa isang occupational therapist (OT). O maaari kang magpatingin sa isang physical therapist (PT). Makatutulong sa iyo ang mga tagapangalaga ng kalusugan na ito upang matuto ng mga bagong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Halimbawa, maaaring kailangan mong gumawa ng mga pagbabago sa kung paano ka naliligo o nagbibihis. Maaari ding kailangan mo ang isang therapist sa pagsasalita. Ito ay isang taong tumutulong sa iyo na makapagsalita ulit nang normal at makalunok.

Mga mungkahi para sa paliligo

  • Suriin ang temperatura ng tubig gamit ang kamay o paa na hindi apektado ng stroke.

  • Gumamit ng mga hawakan, upuan sa shower, nahahawakang showerhead, at ng brush na mahaba ang hawakan.

  • Gamitin ang anumang iba pang device ayon sa ipinayo ng iyong mga therapist.

Mga tip sa pagbibihis

  • Magbihis habang nakaupo, simulan sa naapektuhang bahagi o kamay at paa.

  • Magsuot ng damit na mabilis na maisuot sa iyong ulo. Magsuot ng pantalon o palda na de-garter.

  • Gumamit ng mga siper na may nakakabit na kawit upang mahila ang mga tab.

Mga pagbabago sa pamumuhay

  • Inumin ang iyong mga gamot kung papaano ito itinagubilin. Huwag lumaktaw ng dosis.

  • Magsimula ng programa ng ehersisyo. Magtanong sa iyong tagapangalaga kung paano magsisimula. Itanong kung gaano karaming gawain ang dapat mong subukan na gagawin araw-araw o linggo-linggo. Maaari kang makinabang sa simpleng mga gawain tulad ng paglalakad o paghahardin.

  • Limitahan ang dami ng alak na iyong iinumin.

  • Kontrolin ang antas ng iyong kolesterol. Sundin ang mga payo ng iyong tagapangalaga kung paano gawin ito.

  • Kung ikaw ay naninigarilyo, tumigil na. Sumali sa programa ng pagtigil sa paninigarilyo para mapasulong ang iyong tsansang magtagumpay. Tanungin ang iyong tagapangalaga tungkol sa mga gamot o iba pang pamamaraan na tutulong sa iyong paghinto.

  • Alamin ang mga pamamaraan ng pamamahala ng stress. Makatutulong ang mga ito sa iyo na harapin ang stress sa iyong buhay sa bahay at trabaho.

Diyeta

Gagabayan ka ng iyong tagapangalaga ng kalusugan sa mga pagbabago na marahil kailangan mong gawin sa iyong diyeta. Maaaring ipayo nilang magpatingin ka sa isang rehistradong dietitian para sa tulong sa mga pagbabago. Maaaring mapabuti ng mga pagbabago ang iyong kolesterol, presyon ng dugo, at asukal sa dugo. Kabilang sa mga pagbabago ang:

  • Pagbawas sa dami ng mataba at makolesterol na kinakain mo

  • Pagbawas sa dami ng asin (sodium) sa iyong diyeta, lalo na kung ikaw ay may altapresyon

  • Pagkain ng mas maraming gulay at prutas

  • Pagkain ng mga maprotina, tulad ng isda, karneng manok, at mga beans at peas (legumes)

  • Pagbawas sa pagkain ng pulang karne at prinosesong karne

  • Paggamit ng mga produktong gawa sa gatas na mababa sa taba

  • Paglimita sa langis ng gulay at nut

  • Paglimita sa matatamis at prinosesong mga pagkain tulad ng chips, cookies, at pagkaing na-bake

  • Hindi pagkain ng trans fats. Kadalasan nang matatagpuan ang mga ito sa mga pagkaing prinoseso. Huwag kumain ng anumang pagkain na may hydrogenated oil na nakalista sa mga sangkap nito.

Follow-up na pangangalaga

  • Sundin ang iyong mga medikal na appointment. Napakahalaga ang masinsinang pag-folllow-up sa rehabilitasyon at pagpapagaling ng stroke.

  • Ang ilang gamot ay nangangailangan ng pagsusuri ng dugo para matingnan ang pagbuti o mga problema. Sundin ang mga follow-up na appointment para sa alinmang pagsusuri ng dugo na iniutos ng iyong mga tagapangalaga.

Tumawag sa 911

Tumawag sa 911 kaagad kung mayroon ka ng mga sumusunod na sintomas ng stroke:

  • Panghihina, pangingilabot, o kawalan ng pakiramdam sa isang bahagi ng iyong mukha o katawan

  • Biglaang pagkaduling o hirap na makakita ng isa o ng dalawang mata

  • Biglang hirap magsalita o nabubulol

  • Nahihirapang intindihan ang sinasabi ng iba

  • Biglaan, malalang pananakit ng ulo

  • Pagkahilo, nawawalan ng balanse, pakiramdam na natutumba

  • Mga pagkawala ng malay o kumbulsyon

Isang madaling paraan ang B.E. F.A.S.T. para matandaan ang mga palatandaan ng stroke. Kapag nakita mo ang mga palatandaang ito, alam mo na kailangan mong mabilis na tumawag sa 911.

Ang ibig sabihing ng B.E. F.A.S.T. ay:

  • B ay para sa balanse. Biglang pagkawala ng balanse o koordinasyon.

  • E ay para sa mga mata. Mga pagbabago sa paningin ng isa o ng dalawang mata.

  • F ay para sa lumalaylay ang mukha. Lumalaylay o namamanhid ang isang bahagi ng mukha. Kapag ngumiti ang isang tao, hindi pantay ang ngiti.

  • A ay para sa nanghihinang braso. Mahina o namamanhid ang isang kamay. Kapag sabay na itataas ng isang tao ang mga braso, naiiwan ang isa niyang braso.

  • S ay para sa nahihirapang magsalita. Mapapansin mong nabubulol ang pagsasalita o nahihirapang magsalita. Hindi niya kayang ulitin nang tama ang isang simpleng pangungusap kapag hiniling sa kanya na gawin iyon.

  • T ay ang oras na para tumawag sa 911 . Kung ang isang tao ay nagpapakita ng mga sintomas na ito, kahit na nawala ang mga ito, tumawag kaagad sa 911. Itala ang oras kung kailan unang nakita ang mga sintomas.

Online Medical Reviewer: Anne Fetterman RN BSN
Online Medical Reviewer: Deepak Sudheendra MD
Online Medical Reviewer: Raymond Kent Turley BSN MSN RN
Date Last Reviewed: 6/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer