Health Encyclopedia
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Operasyong Bariatric: Ang Iyong Karanasan sa Operasyon

Bago ang operasyon, gagawin ang mga pagsusuri upang suriin ang iyong kalusugan sa mga buwan na ikaw at ang iyong surihano ay nagtutulungan upang ihanda ka para sa operasyon. Kapag oras na para sa operasyon, imo-monitor ka at pananatilihing komportable hangga't maaari sa buong operasyon at paggaling. Pagkatapos ng operasyon, maaari kang manatili sa ospital sa loob ng isa o higit pang araw. Kung gaano katagal ay depende sa kung anong uri ng operasyon ang ginawa at kung gaano kahusay kang gumagaling.

Mga eksaminasyon at pagsusuri bago ang operasyon

Titingnan ka ng iyong tagapangalaga ng kalusugan ilang buwan bago ang operasyon at hihilingin ang mga pagsusuri ng dugo at iba pang pag-aaral. Maaari kang i-refer sa isang cardiologist o isang espesyalista sa baga. Tumutulong ang mga pagsusuring ito na ihanda ka para sa operasyon. Maaaring iutos ang mga X-ray ng dibdib upang suriin ang iyong mga baga. Maaaring gawin ang isang electrocardiogram (ECG) upang suriin ang ritmo ng iyong puso. Maaari ding hingin sa iyo ng iyong surihano at dietitian na magbawas ng kaunting timbang bago ang operasyon upang gawing mas ligtas ang operasyon. Maaari ka ring makipagkita sa isang tagapayo o propesyonal sa kalusugan ng pag-iisip upang tumulong na makayanan ang mga stress bago at pagkatapos ng operasyon. Sa ilang kaso, maaaring magkaroon ka ng pag-aaral ng pagtulog upang suriin ang sleep apnea o iba pang karamdaman.

Bago ang operasyon

Upang maghanda para sa operasyon, maaaring hingin sa iyo na:

  • Ihinto ang paninigarilyo.

  • Magbawas ng timbang sa pamamagitan ng pagsunod sa espesyal na diyeta.

  • Ihinto ang pag-inom ng ilang gamot, kabilang ang aspirin at mga panlaban sa pamamaga sa loob ng halos isang linggo bago ang operasyon. Itanong sa iyong surihano kung ano-anong gamot ang dapat na ituloy na inumin, at kung kailan ihihinto ang iba pang gamot. Siguraduhin na banggitin ang anumang gamot, halamang-gamot, o suplemento na walang reseta na iniinom mo.

  • Huwag kumain ng labis bago ang operasyon.

  • Sundin ang anumang tagubilin na ibinigay sa iyo para sa hindi pagkain o pag-inom bago ang operasyon.

Bago o sa araw ng operasyon

Sa o bago ang araw ng operasyon, kakailanganin mong pumirma sa anumang form ng pahintulot sa parehong operasyon at anesthesia.

Makikipag-usap sa iyo ang isang anesthesiologist. Sasabihin sa iyo ang tungkol sa mga gamot upang pigilin ang pananakit (anesthetics). Pananatilihin ka nitong tulog sa buong operasyon. Makikipag-usap din sa iyo ang anesthesiologist tungkol sa iyong kasaysayan ng kalusugan, mga gamot mo, at anumang allergy na mayroon ka. Sasabihin niya sa iyo kung aling mga gamot ang iinumin sa araw ng operasyon. Kung mayroon kang CPAP o BiPAP na makina para sa sleep apnea, dalhin ito sa ospital. 

Pag-abot sa mga organ

Sisimulan ng iyong surihano ang operasyon sa pamamagitan ng paggawa ng isa o maraming hiwa (pagtistis) sa iyong tiyan. Para sa pamamaraang laparoscopic, gumagawa ang surihano ng ilang maliliit na hiwa (port sites). Sa panahon ng pamamaraan, maglalagay ang surihano ng mga espesyal na kagamitan at isang maliit na kamera sa pamamagitan ng maliliit na tubo na inilagay sa mga maliliit na hiwang ito. Mag-oopera ang surihano sa pamamagitan ng pagtingin sa mga organ sa isang video monitor. Para sa bukas na operasyon (laparotomy), gagawa ang surihano ng isang malaking hiwa. Bago ang operasyon, ipaliliwanag ng surihano kung anong uri ng pamamaraan ang malamang na magkaroon ka. Sa ilang kaso, maaaring gawin ng iyong surihano ang pamamaraan sa tulong ng isang robotic system.

Pagkatapos ng operasyon

Magigising ka sa PACU (post anesthesia care unit). O maaaring nasa ICU (intensive care unit) ka. Maaaring nakakabit ang isa o higit pang IV (intravenous) na linya. Naghahatid ang mga linyang IV ng mga likido at gamot. Maaaring ikabit ang isang linyang IV sa isang PCA (patient-controlled analgesia) pump. Maaari mong gamitin ang pump na ito upang bigyan ang iyong sarili ng mga gamot sa pananakit nang ligtas kung kinakailangan. Maaari ding nakakabit ang mga tubo upang alisan ng tubig o higupin ang mga likido sa katawan. Sa ilang kaso, maaaring ilagay ang tubo sa iyong lalamunan sa buong magdamag upang matulungan kang makahinga. Maaari ka ring magkaroon ng espesyal na medyas sa binti upang tulungan kang mapahusay ang pagdaloy ng dugo, at tumulong na mapigil ang pamumuo ng dugo sa iyong mga binti. Maaaring mayroon kang catheter ng ihi na inilagay matapos kang makatulog. 

Sa ospital

Habang gumagaling ka mula sa operasyon, dadalhin ka sa isang kuwarto ng ospital. Hihingin sa iyo na maging aktibo sa lalong madaling panahon na kaya mo, at makatutulong ang mga nars na makabangon ka sa kama upang makalibot. Tumutulong ito na mapabilis ang iyong paggaling, at tumutulong na maiwasan ang mga kumplikasyon gaya ng pamumuo ng dugo sa iyong mga binti. Magsisimula ka sa likidong pagkain habang bumabawi ang iyong katawan mula sa operasyon. Hihingin din sa iyo na gumawa ng mga ehersisyong paghinga, gamit ang incentive spirometer upang tumulong na huminga nang malalim at umubo. Tumutulong ito na maiwasan ang pulmunya at panatilihing malusog ang iyong mga baga. Maaaring gawin ang mga pagsusuring X-ray para suriin ang iyong progreso. Sasabihin sa iyo ng iyong team kung kailan ka handa nang umuwi sa bahay.

Online Medical Reviewer: Jonas DeMuro MD
Online Medical Reviewer: Raymond Kent Turley BSN MSN RN
Online Medical Reviewer: Rita Sather RN
Date Last Reviewed: 10/1/2021
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer