Health Encyclopedia
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

MRSA (Methicillin-Resistant Staphylococcus Aureus)

Ang bakteryang staph (staphyloccus aureus) ay karaniwang mga mikrobyo. Madalas natatagpuan ang mga ito sa balat o sa ilong. Kadalasang hindi nagdudulot ng problema ang mga ito. Kung minsan, maaaring magdulot ang mga ito ng impeksiyon sa balat. Pero kung minsan, nagdudulot ng matinding impeksiyon ang staph. Maaari itong mangyari sa balat, o sa mga baga, dugo, o iba pang organ o mga tisyu.

Maaaring madaling magamot ang ilang impeksiyon ng staph. Ginagawa ito gamit ang karinawang gamot na antibayotiko. Pero mas mahirap magamot ang 1 uri ng impeksiyon ng staph. Ang uring ito ay MRSA (methicillin-resistant staphylococcus aureus). Hindi magagamot ang MRSA ng mga antibayotiko na nasa pamilya ng penicillin gaya ng methicillin. Lumalaban na ito sa klaseng ito ng mga antibayotiko. Nangangahulugan ito na hindi na gumagana ang mga ito. Kung hindi nagamot nang tama, maaaring maging napakalubha ng impeksiyon ng MRSA. Maaari din itong maging dahilan ng pagkamatay.

Karaniwan sa mga ospital ang MRSA. Karaniwan din ito sa mga nursing home at mga lugar ng pangmatagalang pangangalaga. Mas naging karaniwan na ito sa malulusog na bata. At sa mga adulto na tumira sa labas ng komunidad. Tinatawag itong MRSA na nakukuha sa komunidad.

Paano kumakalat ang MRSA?

Maaaring walang sintomas ang isang tao pero maaaring maging tagapagdala ng MRSA. O maaaring maysakit sila. Maaari silang magkalat ng mga mikrobyong MRSA sa iba pang taon sa parehong paraan:

  • Kolonisasyon ng MRSA. Ibig sabihin nito na mayroon kang bakteryang MRSA na nabubuhay sa iyong katawan pero wala kang sakit. Madalas natatagpuan ang MRSA sa iyong mga ilong o sa iyong balat. Maaaring magkalat ng MRSA sa iba ang taong kolonisado.

  • Impeksiyon ng MRSA. Ibig sabihin nito na maysakit ka dahil sa bakterya. Maaari kang magkalat ng MRSA sa iba pang tao.

Sa mga ospital at mga lugar ng pangmatagalang pangangalaga, maaaring kumalat ang MRSA mula sa pasyente patungo sa isang pasyente sa mga kamay ng mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan. Maaari itong kumalat sa mga bagay, gaya ng kariton o mga hawakan ng pinto at mga barandilya ng kama.

Sa labas ng mga lugar ng pangangalagang pangkalusugan, madalas kumakalat ang MRSA sa mga paraang ito:

  • Balat-sa-balat na pagkadikit

  • Hinihiram na mga tuwalya

  • Pagpapahiram ng mga kagamitang pang-isport o pang-gym

  • Malapitang pagdikit sa isang nahawa o kolonisadong tao

Sino ang nanganganib sa MRSA?

Maaaring magkaroon ng MRSA ang sinuman. Pero pinatataas ng ilang bagay ang panganib. Kabilang sa mga ito ang:

  • Kamakailan o matagal na pamamalagi sa ospital

  • Pagkakaroon ng sugat mula sa operasyon o IV (intravenous) line

  • Pagkakaroon ng mahinang resistensiya sa sakit dahil sa kondisyon ng kalusugan o paggamot

  • Paninirahan sa isang nursing home o pasilidad ng pangmatagalang pangangalaga

  • Kamakailang paggamit ng antibayotiko

  • Diabetes

  • Dialysis ng kidney

  • Impeksyong HIV

  • Paggamit ng iniiniksyong gamot o paghihiraman ng mga karayom

  • Panahon sa preso o bilangguan

  • Paninirahan sa matataong lugar, gaya ng dormitoryo sa kolehiyo

  • Serbisyo sa militar

  • Paghihiraman ng mga kagamitang pang-isport o pang-gym

  • Paghihiraman ng mga razor o iba pang matatalas na bagay

Ano-ano ang mga sintomas ng impeksiyon ng MRSA?

Madalas nagsisimula ang impeksiyon ng MRSA sa balat bilang maliliit na mapulang paga sa balat. Tila mga tagihawat ang mga ito. Maaaring mas lumaki ang maliliit na paga. Maaaring namamaga, masakit, mainit, at puno ng likido (nana) ang mga ito. Maaaring magdulot ng mga naknak sa balat ang MRSA. Tinatawag na mga pigsa o karbungko ang mas malalaking paga. Maaari ka ring magkaroon ng lagnat.

Maaari ding magsimula ang MRSA sa iba pang paraan. O maaari itong kumalat mula sa iyong balat patungo sa iyong dugo sa pamamagitan ng napakaliliit na punit sa iyong balat. Kapag ito ay nasa iyong dugo na, maaaring kumalat ang MRSA nang mas malalim patungo sa iyong katawan. Maaaring magdulot ang MRSA ng malulubhang problema, tulad ng mga impeksiyon sa:

  • Mga buto, kalamnan, at iba pang tisyu

  • 1 o parehong baga (pulmonya)

  • Mga sugat dahil sa operasyon

  • Dugo (bacteremia at sepsis)

  • Lining ng puso (endocarditis)

  • Daanan ng ihi (pantog at mga kidney)

May iba't ibang sintomas ang bawat uring ito ng malubhang impeksiyon. Maaaring kabilang sa mga ito ang mga bagay tulad ng:

  • Pananakit

  • Pagkapagod

  • Mataas na lagnat

  • Hirap sa paghinga

  • Pagkahilo

Paano nada-diagnose ang MRSA?

Para ma-diagnose ang isang impeksiyon: Kukuha ang tagapangalaga ng sampol ng dugo, ihi, o nahawang tisyu.

Para ma-diagnose ang kolonisasyon: Gagamit ng swab sa loob ng ilong ang tagapangalaga. O maaari siyang mag-swab sa isa pang bahagi ng katawan.

Pagkatapos, dinadala ang sampol sa laboratoryo. Sinusuri ito para sa MRSA. Kung maapektuhan ng impeksiyon ang buto, kasu-kasuan, o iba pang organ, maaaring gawin ang pagsusuri ng dugo o biopsy. Maaaring kailanganin ang mga pagsusuring imaging. Maaaring kasama sa mga ito ang X-ray o CT scan.

Paano ginagamot ang MRSA?

Ang impeksiyon ng MRSA sa balat ay kadalasang hindi kailangan ang gamot na antibayotiko. Ito ay kung ang impeksiyon ay nasa balat lang at tagihawat o maliit na pigsa lamang. Magagamot ito gamit ang maligamgam na pomento at pagsaid ng likido mula sa mga pigsa.

Kung kumakalat ang impeksyon, kadalasang ginagamot ang MRSA sa pamamagitan ng gamot na antibayotiko. Maaari itong gawin kasama ng pagsaid ng mga pigsa. Maaaring nasa anyong tableta na iniinom ang antibayotiko. O maaari itong ibigay sa ugat sa pamamagitan ng IV (intravenous) line.

Maaaring sumailalim sa isang prosesong tinatawag na decolonization ang mga taong nagpositibo sa pagsusuri para sa impeksiyon ng MRSA o colonization. Ang ipinapahid na antibayotiko ay inilalagay sa loob ng ilong o sa mga butas ng ilong. Ito ay para patayin ang bakterya. Maaaring gamitin ang espesyal na gamot para patayin ang bakterya sa balat. Madalas na kakailanganin ng pamilya at malalapit na kontak ng tao na ma-decolonize sa parehong paraan. At maaaring kailanganing gamutin ang kanilang bahay para patayin ang bakterya.

Maaari bang maiwasan ang mga impeksiyon ng MRSA?

Healthcare provider washing hands in sink.

Tumutulong ang mga ospital at nursing home para maiwasan ang MRSA sa pamamagitan ng:

  • Paghuhugas ng kamay. Ito ang pinakamahalagang paraan upang mapigilan ang pagkalat ng mga mikrobyo. Dapat kuskusin ng mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan ang kanilang mga kamay gamit ang sabon at malinis, dumadaloy na tubig nang hindi bababa sa 20 segundo bago at pagkatapos gamutin ang bawat tao. Kailangan nilang kuskusin ang ilalim ng mga kuko ng daliri at sa pagitan ng mga daliri. Dapat nilang hugasan ang kanilang mga kamay pagkatapos humawak ng anumang bagay na maaaring may mga mikrobyo. Kung wala silang sabon at tubig, dapat silang gumamit ng panlinis ng kamay na may hindi bababa sa 60% na alkohol.

  • Proteksyong damit. Maaaring magsuot ng guwantes at gown ang mga manggagawa sa pangangalaga ng kalusugan at mga bisita kapag pumapasok sa kuwarto ng isang taong may MRSA. Dapat nilang tanggalin ang mga bagay na ito bago umalis.

  • Mga pribadong kuwarto. Inilalagay sa mga pribadong kuwarto ang mga taong may impeksiyon ng MRSA. Ito ay para makatulong na maiwasan ang pagkalat ng impeksiyon.

  • Mga hiwalay na device. Maaaring may sarili nilang device sa pangangalaga ng kalusugan, tulad ng mga thermometer at stethoscope ang mga taong may MRSA. Nananatili sa silid ng tao ang mga bagay na ito.

  • Pagsubaybay. Binabantayan ng mga ospital ang pagkalat ng MRSA. Tinuturuan nila ang lahat ng tauhan tungkol sa pinakamahuhusay na paraan para maiwasan ito.

Kung mayroon kang MRSA, makakatulong kang maiwasan ang pagkalat nito. Tiyakin na:

  • Hilingin sa lahat ng tauhan ng ospital at mga bisita na maghugas ng kanilang mga kamay bago at pagkatapos kang hawakan. Huwag matakot na magsalita!

  • Madalas na hugasan ang sarili mong mga kamay gamit ang sabon at tubig. O gumamit ng panlinis ng kamay na may hindi bababa sa 60% na alkohol.

  • Hilingin na punasan ng alkohol ang mga stethoscope at iba pang gamit bago gamitin ang mga ito sa iyo.

  • Magpasuri para sa MRSA kung mayroon kang impeksiyon sa balat.

Kung nag-aalaga ka ng isang taong may MRSA:

  • Hugasang mabuti ang iyong mga kamay gamit ang sabon at tubig bago at pagkatapos ang kontak sa taong iyon. (Tingnan ang mga payo sa paghuhugas ng kamay sa ibaba.)

  • Magsuot ng mga guwantes kapag nagpapalit ng benda o humahawak ng sugat. Itapon ang mga gwantes pagkatapos ng bawat paggamit. Pagkatapos, hugasang mabuti ang iyong mga kamay.

  • Labhan ang mga sapin sa higaan, tuwalya, at damit ng tao sa mainit na tubig gamit ang sabong panlaba o likidong pampaputi.

Makakatulong ang bawat isa na maiwasan ang MRSA sa mga paraang ito:

  • Madalas na hugasan ang iyong mga kamay gamit ang sabon at malinis, dumadaloy na tubig.

  • Kung wala kang sabon at tubig, gumamit ng panlinis ng kamay na may hindi bababa sa 60% na alkohol.

  • Panatilihing malinis ang mga sugat at gasgas at takpan hanggang maghilom ang mga ito.

  • Takpan ang iyong ilong at bibig kapag umuubo o bumabahin. Hugasan ang iyong mga kamay o gumamit ng panlinis ng kamay na may alkohol pagkatapos.

  • Huwag hawakan ang mga sugat o benda ng ibang tao.

  • Huwag ipahiram ang mga tuwalya, pang-ahit, damit, o kagamitang pang-isport.

Mga payo sa paglilinis ng kamay

Para lubos na mahugasan ang iyong mga kamay:

  • Basain ang iyong mga kamay gamit ang malinis na dumadaloy na tubig. Lagyan ng sabon.

  • Kuskusin nang magkasama ang iyong mga kamay.

  • Linisin ang buong mga kamay, harap at likod.

  • Linisin ang singit ng iyong mga kuko, pagitan ng iyong mga daliri, at hanggang sa mga pulsuhan.

  • Gawin ito nang hindi bababa sa 20 segundo.

  • Banlawan, na hinahayaang dumaloy ang tubig sa iyong mga daliri, hindi pataas sa iyong mga galang-galangan.

  • Tuyuin nang mabuti ang iyong mga kamay gamit ang disposable na tuwalyang papel. Gumamit ng tuwalyang papel para isara ang gripo at buksan ang pinto.

Kung wala kang sabon at tubig, gumamit ng panlinis ng kamay na may hindi bababa sa 60% alkohol. Upang gawin ito:

  • Pumisil ng halos 1 kutsara ng panlinis sa palad ng iyong kamay.

  • Pagkuskusin nang mabilis ang iyong mga kamay.

  • Linisin ang likod ng iyong mga kamay, mga palad, sa pagitan ng iyong mga daliri, at pataas sa iyong mga pulsuhan.

  • Kuskusin hanggang matuyo ang iyong mga kamay.

Online Medical Reviewer: Chris Southard RN
Online Medical Reviewer: Rita Sather RN
Online Medical Reviewer: Sabrina Felson MD
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer