Health Encyclopedia
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Para sa mga Magulang: Pangangalaga sa Diabetes (3 hanggang 5 taon)

Hindi laging madali ang pangangalaga sa diabete sa maliliit na bata. Maaaring tila napakaraming dapat mong tandaan. Ngunit hindi mo ito kailangang gawin nang mag-isa! Makikipagtulungan ka sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak, nars, tagapagturo sa diabetes, dietitian, at iba pang tao para gumawa ng plano ng pamamahala ng diabetes.  

Tagapangalaga ng kalusugan at babaeng pinanonood ang batang naglalaro ng mga laruang medikal.
Makagagamit ang maliliit na bata ng hiringgilya na walang karayom para magsanay na magturok ng insulin sa mga stuffed na hayop.

Dapat mayroon kang plano ng pamamahala ng diabetes na nagtatagubilin sa iyo tungkol sa pangkalahatang plano ng paggamot para sa diabetes ng iyong anak. Dapat kasama rito ang: 

  • Kung ano-anong gamot ang iniinom ng iyong anak, paano inumin ang mga ito, at kailan gagamitin ang bawat isa

  • Paano suriin ang mga lebel ng asukal sa dugo

  • Ano-ano ang mga sintomas ng mababang asukal sa dugo (hypoglycemia) at paano gagamutin ito

  • Ano-ano ang mga sintomas ng mataas na asukal sa dugo (hyperglycemia) at paano gagamutin ito

  • Paano bibilangin ang mga carbohydrate (mga carb) sa mga pagkain at meryenda

  • Ano ang gagawin sa pisikal na aktibidad at sports

  • Ano ang gagawin kung may sipon o trangkaso ang iyong anak

  • Ano ang gagawin sa isang emergency

Siguraduhin din na sabihin ang tungkol sa pangangalaga sa araw at paaralan sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak. Turuan ang iba pang tagapag-alaga, kabilang ang mga nasa daycare o paaralan ng iyong anak, para alam nila ang tungkol sa kondisyon ng kalusugan ng iyong anak.

Pagsusuri ng asukal sa dugo ng iyong anak

Susuriin mo ang asukal sa dugo ng iyong anak gamit ang lancet device sa mga gilid ng dulo ng mga daliri. Sa una, maaaring matakot ang maliliit na bata sa mga finger stick para sa pagsusuri ng asukal sa dugo. Maaari mong matulungan ang iyong anak na makaramdam na mas may kontrol siya. Hayaan silang pumili ng daliri o lugar na gagamitin para sa pagsusuri. Kung kinakailangan, magbigay ng mga premyong hindi pagkain, gaya ng mga sticker o oras para maglaro ng mga paboritong laro. Makakatulong ito sa iyong anak na mas bumuti ang pakiramdam tungkol sa pagsusuri ng asukal sa dugo. Maaaring mabawasan ng lancing device na pinananatili sa pinakamababang setting ang kirot at takot na nauugnay sa pagsusuri ng asukal sa dugo. Sa edad na ito, madalas na kailangan ng mga bata ng pagsusuri sa gitna ng gabi. Maaari mong suriin ang asukal sa dugo habang natutulog ang iyong anak. Suriin ang asukal sa dugo ng iyong anak nang kasing dalas ayon sa ipinayo ng iyong tagapangalaga. Maaaring kailanganin mo ring suriin ang kanyang mga lebel ng asukal sa dugo kapag pinaghihinalaan mo ang hypo- o hyperglycemia.

Pagsusuri para sa mga ketone

Kung minsan, maaaring kailangan mong suriin ang ihi ng iyong anak para sa mga ketone. Ang mga ketone ay mga kemikal na ginagawa kapag ang taba, sa halip na glucose, ang sinusunog para sa enerhiya (ketosis). Para suriin ang mga ketone sa napakaliliit na mga bata, maglagay ng cotton ball sa loob ng diaper ng iyong anak para masipsip ang ihi. Pagkatapos, pisilin ang cotton ball sa ketone test strip. Kung hindi na nagda-diaper ang iyong anak, sundin ang mga tagubilin na kasama ng mga strip at mula sa kanyang tagapangalaga ng kalusugan, nars, o tagapagturo sa diabetes. Kung may mga ketone, palaging tumawag kaagad sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak. Gumagamit din ang ilang tao ng mga glucose at ketone monitor na pambahay para suriin ang dugo para sa ketosis. Magtanong sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak, nars, o tagapagturo tungkol sa diabetes para sa karagdagang impormasyon.

Pamamahala ng mababang asukal sa dugo

Napakahalaga para sa asukal sa dugo ng maliliit na bata na hindi labis na bumaba. Maaaring makaapekto sa umuunlad na utak ng isang bata ang napakababang asukal sa dugo (hypoglycemia). Kaya kontrolin ang asukal sa dugo ng iyong anak hangga't maaari nang hindi ito hinahayaang maging napakababa. Hindi masasabi sa iyo ng mga napakaliliit na bata kapag mababa ang kanilang asukal sa dugo. Sa paglipas ng panahon, matututunan mo kung ano ang normal para sa iyong anak. Tutulong ito sa iyo na makilala ang mga sintomas ng mababang asukal sa dugo. Bigyang-pansing mabuti kung paano kumikilos ang iyong anak. Maaaring may mababang asukal sa dugo ang iyong anak kung siya ay:

  • Maselan o iritable

  • Namamawis

  • Matamlay (inaantok) o maputla

  • Nakatitig sa kalawakan o hindi interesado

  • Nanginginig

  • Nalilito o nahihirapang mag-concentrate

  • Nagrereklamo ng mga problema sa paningin, pananakit ng ulo, o bangungot

  • Walang koordinasyon

  • Nahihilo

Kung sa palagay mo na may mababang asukal sa dugo ang iyong anak, suriin ito kaagad. Kung ang resulta ay mababa sa 70 mg/dL, o isa pang numero na ipinayo ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak, kumilos. Gamutin kaagad ang iyong anak gamit ang asukal na mabilis ang bisa gaya ng sinabi sa iyo ng tagapangalaga ng kalusugan. Suriing muli ang asukal sa dugo ng iyong anak sa loob ng 15 minuto para makasiguro na hindi na ito mababa. Kung mababa pa rin ito, bigyan ang iyong anak ng marami pang asukal na mabilis ang bisa. Kung nalilito, hindi tumutugon, walang malay, o nagkukumbulsyon ang iyong anak, maaaring mayroon siyang mababang asukal sa dugo. Gamutin kaagad ang iyong anak ng itinuturok na glucagon. Isa itong substansya na magpapataas sa asukal sa dugo ng iyong anak nang napakabilis. Lagi kang magkaroon ng isang emergency kit na may panturok na glucagon. (Tuturuan ka ng team ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak kung paano magturok ng glucagon). Itanong sa doktor ng iyong anak ang tungkol sa nasal glucagon. Inaprubahan ito sa mga batang 4 na taong gulang at mas matanda.

Mababang asukal sa dugo: Kailan tatawag sa tagapangalaga ng kalusugan

Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak, tumawag sa 911, o pumunta sa emergency department ng ospital kung ang iyong anak ay mayroon ng alinman sa mga sumusunod na sintomas. Ang iyong anak:

  • Ay mahirap gisingin o hindi tumutugon

  • Nahihimatay (nahihilo)

  • May lebel ng asukal sa dugo na mababa sa "mapanganib na numero" na ibinigay sa iyo ng tagapangalaga ng kalusugan

  • Nangangailangan ng glucagon

  • May kumbulsyon

Pamamahala sa mga turok

Maaaring mag-iba-iba ang dami ng insulin na kailangan ng iyong anak at kung gaano kadalas ito kinakailangan. Kasama rito ang parehong mabagal ang bisa at mabilis ang bisa na insulin. Palaging kailangan ang basal o background insulin kumakain man o hindi ang iyong anak. Ina-adjust ang insulin na nakabatay sa pagkain da kung gaano karami ang kinakain ng iyong anak. Tuturuan ka ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak, nars, o tagapagturo sa diabete kung kailan at paano ibigay sa iyong anak ang turok. Sa maliliit na bata, ang pinakamainam na lugar para magturok ay sa matatabang bahagi ng:

  • Pigi

  • Tiyan (manatiling 2 pulgada ang layo mula sa pusod)  

  • Mga gilid ng mga hita

  • Likod ng itaas na braso

Hingin sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak na turuan ka kung paano paikutin nang tama ang lugar ng iniksyon at kung paano lumayo mula sa mga lugar ng lipohypertrophy. Ito ay isang bukol sa ilalim ng balat sanhi ng pagtuturok ng insulin sa parehong lugar nang maraming beses. At, itanong ang tungkol sa tamang paraan ng pag-iiniksyon ng insulin at kung paano maiiwasan na iturok ang insulin sa kalamnan. Makakaapekto kung paano nasisipsip ang insulin ng aksidenteng pagtuturok sa kalamnan o sa isang lugar ng lipohypertrophy.

Habang tumatanda ang iyong anak, mayroong mas maraming pagpipilian para sa pagkontrol ng asukal sa dugo. Halimbawa, aprubado na ngayon ang mga insulin pump para gamitin sa mga batang may edad na 2 taon o mas matanda.

Pagkaya sa mga turok

Sa una, maaaring mayroon kang ilang alalahanin tungkol sa pagtuturok. Kung kinakabahan ka, maaari mong gustuhin na magsanay muna sa sarili mo. Magtanong sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak tungkol sa pagbibigay sa iyong sarili ng iniksyon ng sterile na saline para matutunan kung paano ang pakiramdam ng isang turok. (Kung natatakot ka sa mga karayom, maaaring makatulong na mawala ang iyong takot sa paggamit ng isang device sa pag-iiniksyon.). Maaaring magdepende sa kung gaano kakumportable ka nagtuturok kung gaano kabilis na mag-a-adjust ang iyong anak. Ituring ang mga turok na karaniwang rutina. Huwag pagbantaan o takutin ang iyong anak na isang uri ng parusa ang mga pagturok. Ang mga modernong insulin pen ay tumpak, madaling gamitin at halos hindi masakit kahit para sa mga batang may diabetes.

Pagtulong sa iyong anak na harapin ang mga turok

Hindi pambihira na umiyak ang mga bata at mabalisa kapag tinuturukan. Pero karamihang bata ang mag-a-adjust nang napakabilis sa pangangalaga sa diabetes. Sa simula, maaaring hindi madali para sa iyong anak na harapin ang mga turok at pagsusur ng asukal sa dugo. Hindi kailanman dapat maramdaman ng iyong anak na ang pagsusuri ng asukal sa dugoat mga turok ng insulin ay "parusa." Narito ang ilang payo upang makatulong na gawing mas madali ang pagtuturok para sa iyong anak:

  • Laging bigyan ang iyong anak ng pagmamahal at atensyon bago at pagkatapos ng turok. Hikayatin ang kooperasyon sa mga turok at iba pang paggamot.

  • Gumamit ng mga laruan o iba pang uri ng laro para makapokus ang iyong anak sa isang bagay na nakakatuwa.

  • Tulungan ang iyong anak na mag-adjust sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagtuturok sa mga stuffed na hayop. Maaari ding makapagsanay ang iyong anak na magturok sa mga stuffed na hayop gamit ang isang hiringgilya na walang karayom.

  • Makipag-usap sa team ng tagapangalagang kalusugan ng iyong anak tungkol sa iba pang paraan upang tulungan ang iyong anak na harapin ang mga turok na insulin.

Pagkain at maliliit na bata

Maaaring magsimulang matuto kahit ang maliliit na bata tungkol sa mga pagkain na pinakanakakaapekto sa asukal sa dugo. Tandaan ang mga bagay na ito:

  • Tuturuan ka ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak, nara, o tagapagturo sa diabetes tungkol sa mga carbohydrate. Ang carbohydrates ay isa sa mga macronutrients (ang iba pa ay protina at mga taba) sa mga pagkain na nagbibigay sa iyong anak ng enerhiya na kailangan nila para lumaki. Ngunit mas pinatataas at mas pinabibilis ng mga ito ang asukal sa dugo kaysa sa iba pang uri ng mga pagkain. Ngunit, hindi lahat ng mga carb ay pareho. Ang mga komplikadong carb, tulad ng nasa mga gulay at buong butil, ay hindi nagpapataas ng mga lebel ng asukal sa dugo kumpara sa naproseso o mga simpleng carb, tulad ng nasa mga candy, cake, at juice. Matututunan mo ang tungkol sa “pagbibilang ng carb.” Isa itong paraan upang tulungan kang malaman kung ilang carbohydrate ang kinakain ng iyong anak araw-araw. Tumutulong sa iyo ang pagbibilang ng carb na magpasya kung gaanong insulin ang kailangan ng iyong anak.

  • Tuturuan ka rin ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak, nars, o tagapagturo sa diabetes tungkol sa taba at protina. Ang mga pagkaing may mas maraming taba at protina ay maaaring maging sanhi kaagad ng pagbaba ng asukal sa dugo pagkatapos kumain, o pataasin ito kinalaunan kaysa karaniwan. Matututuhan mo kung paano ayusin ang dosis ng insulin ng iyong anak upang makatulong na mapanatili ang mas matatag na asukal sa dugo depende sa nilalaman ng pagkain.

  • Tandaan na hindi mo maaasahang kumilos ang mga bata na gaya ng mga adulto! Bagama't maaaring kailanganin mong limitahan ang pagkain paminsan-minsan upang makontrol ang mga lebel ng glucose, walang pagkaing dapat na "ipagbawal." Kukuha nang palihim ang mga bata ng mga treat, lalo na yaong mga gusto nila. At ilang bata ang napakamapili sa pagkain. Kaya lutuin ang mga pagkain na gustong kainin ng iyong anak sa kanyang plano ng pagkain. I-adjust ang dosis ng insulin kung kinakailangan. Matututunan mong i-adjust ang insulin ng iyong anak batay sa kung ano ang kinakain niya. Makipag-usap sa iyong dietitian kung nagkakaproblema ka sa pagpapanatili ng plano ng pagkain para sa iyong anak.

    Kung napapansin mo na tumatangging kumain kung minsan ang iyong anak gaya ng iyong inaasahan, itanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung maaaring gumamit ang iyong anak ng insulin na mabilis ang bisa na maaaring maibigay pagkatapos ng pagkain sa halip na bago kumain. Pabababain nito ang kanyang panganib ng pagkakaroon ng mabababang lebel ng asukal sa dugo.

Pisikal na aktibidad at maliliit na bata

Gaya ng pagkain at insulin, malaki ang tungkulin ng pisikal na aktibidad sa pagkontrol ng asukal sa dugo ng iyong anak. Tumutulong ang pagiging aktibo na mabawasan ang dami ng glucose sa dugo ng iyong anak. Ngunit maaaring maging sanhi ang sobrang aktibidad na sobrang bumaba ang asukal sa dugo ng iyong anak. Kaya mahalagang suriin ang asukal sa dugo ng iyong anak nang madalas kapag aktibo siya. Makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak upang matutunan kung paano balansehin ang aktibidad ng iyong anak sa pagkain at insulin.

Ang paaralan at maliliit na bata

Kung pumapasok ang iyong anak sa preschool o kindergarten, kakailanganin mong makipagkita sa mga guro at iba pang tauhan. Kakailanganin mong gumawa ng isang plano ng pangangalaga sa diabetes para sa iyong anak. Tinatawag ito kung minsan na isang "504 na plano." Maaari mo ring naisin na humanap ng tagapangalaga sa preschool o day-care na may karanasan sa pangangalaga sa diabetes. Tandaan na kailangan ng paaralan na makipag-ugnayan sa iyo kung sakaling may emergency.

Ipasuot sa iyong anak o dalhin ang medikal na ID na nagpapakitang mayroon siyang diabetes at kasama kung sino ang dapat kontakin kung sakaling magkaroon ng emergency.

Naaapektuhan ng diabetes ang buong pamilya

Full-time na trabaho ang pangangalaga sa isang maliit na batang may diabetes. Kung minsan, maaaring maramdaman mong pagod na pagod o napupuspos. Maaari itong humantong sa burnout. Ibig sabihin ng pakiramdam na pagod na pagod na maaaring mas nahihirapan kang kontrolin ang asukal sa dugo ng iyong anak. Makatutulong ang mga payong ito sa iyo:

  • Dapat na sangkot ang lahat ng adulto sa sambahayan sa pamamahala ng diabetes. Dapat na handa rin ang sinumang nag-aalaga sa iyong anak, gaya ng isang tagapag-alaga ng bata, para kontrolin ang diabetes ng iyong anak. Maaaring makatulong ang isang klase ng diabetes. Gayundin ang pagsali sa suportong grupo sa diabetes o pakikipag-usap sa isang social worker.

  • Maaaring magtagal para mag-adjust ang iyong pamilya sa pangangalaga sa diabetes. Sa simula, maaaring tila ang iyong anak na may diabetes ay nangangailangan ng mas maraming atensyon kaysa sa mga kapatid na walang diabetes. Subukang bigyan ang mga kapatid ng parehong atensyon. Makikinabang din ang iyong iba pang anak mula sa malusog na diyeta at sa mga aktibidad na sinusunod ng iyong anak na may diabetes.

Paggawa ng mga pag-a-adjust

Sa kabila ng iyong pinakamahusay na mga pagsisikap, kung minsan, maaaring sobrang mataas o sobrang mababa ang bilang ng asukal sa dugo ng iyong anak. Pero subukang tandaan na: Ang mga numero ay mga kasangkapan upang tulungan kang gumawa ng mga desisyon tungkol sa plano ng pamamahala ng iyong anak. Habang lumalaki ang iyong anak, mabilis na nagbabago ang kanyang katawan. Nangangahulugan ito na imposible ang perpektong pagkontrol sa asukal sa dugo. Hindi palatandaan ng pagkabigo ang mga pag-a-adjust sa plano ng pamamahala ng iyong anak. Ang mga ito ay normal na bahagi ng pangangalaga sa diabetes ng iyong lumalaking anak. Kahit ngayon, sa loob ng mga limitasyong ito, napapamahalaan ng karamihang pamilya na magkaroon ng napakahusay na pagkontrol sa asukal sa dugo. 

Online Medical Reviewer: Dan Brennan MD
Online Medical Reviewer: Heather M Trevino BSN RNC
Online Medical Reviewer: Shaziya Allarakha MD
Date Last Reviewed: 4/1/2024
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer