Health Encyclopedia
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Pag-unawa sa Norovirus

Ang norovirus ay labis na nakakahawang virus na maaaring makahawa sa sikmura at mga bituka. Nagdudulot ito ng pagtatae at pagsusuka. Ang norovirus ay pinakakaraniwang dahilan ng sakit na nagmumula sa kontaminadong pagkain sa U.S. Madaling kumakalat ang virus sa pamamagitan ng mga kontaminadong pagkain at ibabaw. Hindi nauugnay ang norovirus sa virus na influenza (flu).

Ano ang nagdudulot ng impeksiyon ng norovirus?

Maaari kang mahawa ng norovirus sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa isang taong may virus. O maaaring makuha mo ito sa pamamagitan ng paghawak sa kontaminadong ibabaw o pagkain ng kontaminadong pagkain. Ang paghuhugas nang mabuti ng iyong mga kamay ay maaaring magpababa ng iyong panganib na magkaroon ng virus. Maaaring makuha mo rin ito sa pamamagitan ng pagkain at tubig na kontaminado ng virus. Ang mga pagkaing pinakamalamang na marumihan ay kinabibilangan ng:

  • Shellfish

  • Mga salad at sandwich na handa nang kainin

  • Mga ani, tulad ng celery, mga melon, at madadahong gulay

Sundin ang mga payong ito para maiwasan ang impeksiyon:

  • Hugasan ang iyong mga kamay sa loob nang hindi bababa sa 20 segundo gamit ang sabon at tubig pagkatapos pumunta ng banyo, pagkatapos magpalit ng diaper, at bago hawakan ang anumang pagkain. Huwag maghanda ng pagkain para sa ibang tao kapag may sakit at 2 araw pagkatapos huminto ang mga sintomas.

  • Kung ang isang tao sa bahay ay may norovirus, idisimpekta ang lahat ng ibabaw na maaaring kontaminado. Gumamit ng panlinis na may bleach. Labhan kaagad ang mga damit o kumot na maaaring kontaminado.

  • Huwag kumain ng pagkain o uminom ng tubig sa mga lugar na may mga babala ng kontaminasyon.

Ano-ano ang mga sintomas ng norovirus?

Ang ilang tao ay maaaring walang sintomas. Sa mga taong may mga sintomas, biglang lumilitaw ang mga sintomas, madalas sa loob ng isang araw ng pagkalantad. Tumatagal ang sakit ng 1 hanggang 3 araw. Kabilang sa mga sintomas ang:

  • Lagnat

  • Pagtatae na walang dugo

  • Pagduduwal

  • Pagsusuka na walang dugo

  • Pananakit ng ulo

  • Pangingirot

  • Pamumulikat ng tiyan

Kadalasang nakikita ang mas maraming malubhang kaso sa mga sanggol, mas nakatatanda, at mga taong may iba pang problema sa kalusugan. Maaaring mas tumagal ang mga sintomas at magiging mas malala sa mga grupong ito.

Paano ginagamot ang norovirus?

Walang gamot para lunasan ang norovirus, ngunit maaaring gamitin ang ilan para mapaginhawa ang mga sintomas. Kabilang sa mga paggamot ang:

  • Magpahinga. Maaaring mas bumuti ang pakiramdam mo kung marami kang pahinga.

  • Mga likido. Makatutulong sa iyong manatiling hydrated ang pag-inom ng maraming likido. Huwag uminom ng alak o mga inuming may kape. Maaari nitong palalain ang iyong mga sintomas.

  • Gamot. Maaaring paginhawahin ang mga sintomas ng mga gamot na nabibili nang walang reseta para sa pagtatae. Dapat lamang gamitin ang mga ito ng mga adulto. Maaaring makatulong ang mga pampaginhawa ng pananakit, tulad ng acetaminophen o ibuprofen, sa mga pananakit ng ulo at pananakit ng katawan. Hindi epektibo ang mga antibayotiko sa paggamot ng norovirus.

Ano-ano ang mga posibleng komplikasyon ng norovirus?

Ang dehydration ay ang pangunahing alalahanin sa impeksiyon ng norovirus. Maaaring kailangang gamutin sa ospital ang matinding pagka-dehydrate. Maaaring kailangan mo ng likidong padadaanin sa pamamagitang ng IV (intravenous) line sa iyong ugat.

Kailan ako dapat tumawag sa aking tagapangalaga ng kalusugan?

Tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mangyari ang alinman sa mga sumusunod:

  • Lagnat na 100,4°F (38°C) o mas mataas, o ayon sa itinagubilin ng tagapangalaga ng iyong kalusugan

  • Pananakit ng tiyan na lumulubha

  • Matinding pagkahilo, lalo na kapag bumabangon sa kama

  • Matinding pagsusuka na hindi mo malunok ang mga likido

© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer