Health Encyclopedia
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Paggamit ng Opioid na Gamot

Para sa iyong kalusugan at kaligtasan, mahalagang gamitin ang opioid na gamot nang eksakto ayon sa iniutos. Tumutulong ito upang matiyak na gumagana ito ayon sa nararapat. Pinabababa nito ang panganib ng mga side effect. Pinabababa nito ang panganib ng paggamit ng napakataas na dosis (labis na dosis). Magkakaiba ang bawat opioid na gamot at may kanya-kanyang tagubilin para sa paggamit. Ipaliliwanag ng iyong tagapangalaga ng kalusugan kung anong gamot ang inireseta sa iyo. Sasabihin sa iyo kung paano mo gagamitin ito. Kung may mga tanong o alalahanin ka, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalasugan. 

Ligtas na paggamit ng opioid na gamot

Maaaring gumana nang maayos ang opioid na gamot para mabawasan ang pananakit. Ngunit maaaring mapanganib ang labis na paggamit, paggamit nang mas matagal, o hindi paggamit sa tamang paraan. Para makatulong na mabawasan ang mga panganib sa iyong kalusugan, sundin itong mga payong pangkaligtasan:

  • Siguraduhing alam mo kung dapat mong gamitin ang gamot nang regular o kung kinakailangan lamang.

  • Sabihin sa iyong mga tagapangalaga ng kalusugan at parmasya ang tungkol sa mga gamot na iniinom mo. Kabilang dito ang opioid na gamot.

  • Magtanong sa iyong mga tagapangalaga tungkol sa mga pag-iingat at side effect na dapat malaman. Sundin ang kanilang mga tagubilin.

  • Kung dapat kang gumamit ng gamot nang regular, gamitin ito sa tamang oras at sa tamang dosis. Kung nakaligtaan mo ang isang dosis, huwag doblehin ang susunod na dosis.

  • Gumamit ng talaan ng gamot, app, o kalendaryo para subaybayan kung kailan mo gagamitin ang iyong gamot. Makatutulong ito sa iyo na manatili sa iskedyul at hindi makaligtaan ang mga dosis o gumamit ng ekstrang dosis.

  • Kapag gumagamit ng mga likidong dosis, gumamit ng pansukat na kutsara o dropper. Sa paraang ito maaari kang makatiyak na gumamit ka ng tamang dosis.

  • Sabihin sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mayroon kang anumang side effect.

  • Huwag gupitin, durugin, o palitan ang iyong gamot sa anumang paraan.

  • Huwag kunin ang opioid na gamot ng ibang tao. Huwag ibahagi ang iyong gamot sa ibang tao.

  • Huwag magmaneho kapag gumagamit ng opioid na gamot.

  • Huwag gumamit ng mapanganib na kagamitan o mga de-kuryenteng tool habang gumagamit ng opioid na gamot.

  • Regular na tingnan ang mga petsa ng pag-expire. Itapon nang tama ang anumang nag-expire na gamot. 

Mag-ingat sa pagsasama-sama ng mga gamot

Maaaring mapanganib ang ilang gamot kapag ginagamit kasama ng opioid na gamot. Sa ilang kaso, maaaring maging sanhi ng pagkamatay ang pagsasama-sama ng mga gamot. Siguraduhing sabihin sa iyong tagapangalaga ng kalusugan at parmasyutiko ang tungkol sa lahat ng gamot na iniinom mo. Kasama dito ang mga gamot na nabibili nang walang reseta o over-the-counter. Kasama dito ang mga bitamina, halamang gamot, at iba pang suplemento. At kasama rito ang mga iligal o ipinagbabawal na droga. Kabilang sa mga gamot na maaaring hindi ligtas na inumin kasama ng opioid na gamot ang:

  • Mga pain reliever na walang reseta, tulad ng acetaminophen

  • Iba pang inireresetang opioid na gamot

  • Benzodiazepines, tulad ng clonazepam o alprazolam

  • Mga pamparelaks ng kalamnan, tulad ng cyclobenzaprine o carisoprodol

  • Hypnotics, tulad ng mga pantulong sa pagtulog kagaya ng zolpidem

Babala: Huwag kailanman gumamit ng opioid na gamot kasama ng alak o ipinagbabawal na droga. Maaaring maging sanhi ito ng pagkamatay.

Mga sintomas ng labis na dosis ng opioid

Naaapektuhan ng opioid na gamot ang bahagi ng utak na kumukontrol sa paghinga. Maaaring labis na makapagpabagal ng paghinga ang labis na dosis ng opioid na gamot. Maaari pa nitong ihinto ang iyong paghinga. Maaaring maging sanhi ito ng pagkamatay. Tumawag sa 911 kaagad kung sa palagay mong ikaw o sinumang tao ang nagkaroon ng labis na dosis.

Tingnan ang 3 pangunahing sintomas na ito:

  • Napakaliit ang maiitim na bilog sa gitna ng mga mata (ituro ang pupils)

  • Bumagal o huminto ang paghinga

  • Hindi gising ang tao o may kamalayan at hindi nagigising (walang malay)

Kasama sa iba pang sintomas na dapat tingnan ang:

  • Malamyang katawan

  • Maputlang mukha

  • Malamig at mamasa-masang balat

  • Lila o asul na kulay ng mga labi at kuko

  • Pagsusuka

Naloxone para sa labis na dosis

Ang naloxone ay isang gamot na ibinibigay para baligtarin ang mga epekto ng labis na dosis. Mabibili ito nang walang reseta. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa mga sintomas ng labis na dosis at pagkakaroon ng naloxone. Para sa higit pang impormasyon tungkol sa labis na dosis ng opioid at naloxone, tingnan ang website ng CDC.

Ligtas na pagtatabi ng opioid na gamot

Kailangang ligtas na itabi ang opioid na gamot. Tumutulong ito na pangalagaan ang sinumang tao mula sa hindi sinasadyang paggamit ng gamot. Tumutulong itong maiwasan ang pagnanakaw at maling paggamit ng gamot. Kung maaari, itabi ang gamot sa isang nakakandadong lagayan o cupboard na hindi maa-access ng ibang tao. Itabi ang gamot sa isang malamig na tuyong lugar. Huwag itong itabi sa isang mamasa-masang lugar, tulad ng banyo. Palaging ibalik ang gamot sa ligtas na lugar pagkatapos ng bawat paggamit. 

Babae na naglalagay ng bote ng tableta sa kahong may panara sa kabinet.

Pagtatapon ng opioid na gamot

Pagtatapon ng hindi nagamit o nag-expire na opioid na gamot nang ligtas. Ito ay upang maiwasan ang pinsala sa ibang tao. Huwag itabi ang iyong gamot o ibigay sa ibang tao sa anumang kadahilanan. Maaaring humantong sa kamatayan ang kahit isang dosis ng opioid na gamot kung ginamit ng ibang tao. Para itapon nang ligtas ang iyong gamot:

  • Hanapin ang programa ng pagbabalik ng gamot sa iyong komunidad. Maaaring kailangan mong dalhin ang gamot sa isang lokal na himpilan ng pulisya o parmasya.

  • Magtanong sa parmasya tungkol sa programang pagbabalik ng gamot sa koreo. Maaaring maipadala mo ang gamot sa pamamagitan ng koreo. Ginagawa ito sa pamamagitan ng isang espesyal na sobre.

Kung hindi mo magagamit ang mga pagpipiliang ito, humingi ng tulong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan.

Mga tagubilin ng FDA para sa pagtatapon

May mga tagubilin din ang FDA para sa pagtatapon ng mga gamot. Maaari mo ring i-flush ang mga ito sa inidoro. O maaari mong itapon ang mga ito sa basurahan. Magtanong sa iyong lokal na kompanya ng pamamahala ng tubig at basura para malaman kung ano ang mga pinapahintulutan sa iyong lungsod o estado. Maaari kang matuto nang higit pa sa FDA website sa www.fda.gov/consumers/consumer-updates/where-and-how-dispose-unused-medicines.

Pagtigil ng paggamot gamit ang opioid na gamot

Kung gumagamit ka ng opioid na gamot sa loob ng higit sa ilang linggo, makakasanayan ito ng katawan mo. Kapag itinigil mo ang paggamit ng gamot, maaaring magkaroon ka ng mga sintomas ng withdrawal. May maraming uri ng mga sintomas ang withdrawal. Maaari itong mula sa banayad hanggang sa malubha. Maaaring kabilang sa mga ito ang:

  • Pagiging hindi mapakali

  • Kabalisahan

  • Mga pananakit ng kalamnan

  • Pamamawis

  • Malaki (nakadilat) na mga pupil

  • Pagluluha ng mga mata

  • Tumutulong sipon

  • Hirap sa pagtulog

  • Pagduduwal at pagsusuka

  • Pamumulikat ng tiyan (abdominal)

  • Pagtatae

  • Mabilis na tibok ng puso

Huwag itigil ang paggamit ng opioid na gamot nang walang tulong mula sa iyong tagapangalaga ng kalusugan. Kakailanganin mo ng plano para ligtas na itigil ang paggamit nito. Ito ay para makatulong na maiwasan ang mga sintomas ng withdrawal. Sa karamihang kaso, babawasan ang dami ng gamot na ginagamit mo. Paunti nang paunti ang gagamitin mo sa loob ng ilang linggo. Kung kinakailangan, maaaring kailangan mong gumamit ng iba pang gamot at paggamot para makatulong sa prosesong ito. Kapag nawala ang opioid na gamot sa iyong katawan, aangkop ang iyong katawan. Dapat nang mawala ang iyong mga sintomas ng withdrawal. Maaaring magkakaiba para sa bawat tao kung gaano ito katagal.

© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer