Related Reading
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Pananakit ng Tiyan

Ibig sabihin ng pananakit ng tiyan na pananakit sa sikmura o sa bahagi ng tiyan. Nagkakaroon ng uri ng pananakit na ito ang lahat paminsan-minsan. Kadalasan nawawala ito nang kusa. Maaaring ang ilang uri ng pananakit ng tiyan ay mula sa isang malubhang problema. Isang halimbawa ang appendicitis. Kaya mahalaga na malaman kung kailan hihingi ng tulong.

Tagapangalaga ng kalusugan na nagsusuri sa tiyan ng babae sa silid ng eksaminasyon.

Mga sanhi ng pananakit ng tiyan

Maraming dahilan ng pananakit ng tiyan. Kabilang sa mga karaniwang sanhi sa mga adulto ang:

  • Pagtitibi, pagtatae, o gas

  • Pamamaga ng sikmura at bituka dahil sa virus o bakterya (gastroenteritis)

  • Asido mula sa sikmura na umaakyat patungo sa esophagus (acid reflux)

  • Matinding acid reflux, tinatawag na gastroesophageal reflux disease (GERD)

  • Isang sugat sa pinakadingding ng sikmura o maliit na bituka (peptic ulcer)

  • Pamamaga ng apdo, atay, o lapay

  • Mga bato sa apdo o bato

  • Apendisitis 

  • Pagkabara ng bituka 

  • Isang organ na panloob na tumutulak sa isang kalamnan o iba pang tisyu (hernia)

  • Mga impeksiyon sa daanan ng ihi

  • Pananakit ng tiyan at puson kapag may regla

  • Mga fibroid o bukol sa matris

  • Mga cyst sa obaryo

  • Sakit na pamamaga ng balakang (pelvic inflammatory disease) sa mga kababaihan

  • Endometriosis

  • Crohn's disease

  • Ulcerative colitis o pamamaga ng malaking bituka

  • Irritable bowel syndrome

Pag-diagnose ng sanhi ng pananakit ng tiyan

Susuriin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan ang iyong katawan. Ito ay upang makatulong na mahanap ang sanhi ng iyong pananakit. Kung kinakailangan, magkakaroon ka ng mga pagsusuri. Maraming posibleng dahilan ang pananakit ng tiyan. Kaya maaaring magtagal nang kaunti para malaman ang dahilan sa iyong pananakit. Magbigay ng mga detalye tungkol sa uri ng pananakit na nararamdaman mo. Sabihin sa iyong tagapangalaga kung matindi ito o bahagya. Sabihin sa kanya kung saan at kailan mo nararamdaman ang pananakit. Sabihin sa kanya kung ano ang nagpapabuti o nagpapalubha rito. At sabihin sa kanya kung mayroon kang iba pang sintomas tulad ng:

  • Lagnat

  • Pagkapagod

  • Masakit na tiyan (pagduduwal)

  • Pagsusuka

  • Mga pagbabago sa paggamit ng palikuran

  • Dugo sa dumi o itim at mala-alkitrang dumi

  • Hindi inaasahang pagbaba ng timbang

Sabihin sa iyong tagapangalaga:

  • Kung mayroon kang kasaysayan ng pamilya ng mga problema sa sikmura o bituka o kanser

  • Ang tungkol sa iyong pag-inom ng alak at anumang ilegal na paggamit ng droga

  • Ang lahat ng gamot na iyong iniinom, parehong may reseta at walang reseta

  • Kung ano-anong mga bitamina, halamang gamot, at iba pang suplemento na iniinom mo

Paggamot sa pananakit ng tiyan

Ang ilang sanhi ng pananakit ay nangangailangan kaagad ng pang-emergency na medikal na pangangalaga. Kabilang sa mga ito ang apendisitis o pagkabara ng dumi. Maaaring magamot ang ibang problema sa pamamagitan ng pahinga, mga likido, o mga gamot. Maaari kang bigyan ng iyong tagapangalaga ng kalusugan ng mga tagubilin. Maaaring kailanganin mo ng paggamot o pangangalaga ng sarili batay sa kung ano ang nagdudulot sa iyo ng pananakit.

Kung ikaw ay nagsusuka o nagtatae, uminom ng tubig o iba pang malinaw na likido. Kapag handa ka nang kumain muli ng matitigas na pagkain, magsimula ng kakaunti. Kumain ng kaunting dami ng mga pagkaing mabilis matunaw at kaunti ang taba. Kabilang sa mga ito ang katas ng mansanas, tustadong-tinapay, o mga biskwit.

Tumawag sa 911

Tumawag kaagad sa 911 kung:

  • Hindi mapadumi at nagsusuka

  • Sumusuka ng dugo

  • Nagtatae na may dugo o may itim at mala-alkitrang dumi

  • May pananakit ng dibdib, leeg, o balikat

  • Nakakaramdam na parang mawawalan ng malay (mahihimatay)

  • May pananakit sa iyong paypay at pagduduwal

  • May biglaan at matinding pananakit ng tiyan

  • May bago at matinding pananakit na hindi mo pa dating naramdaman

  • Matigas ang tiyan at masakit kapag hinipo

Kailan dapat tumawag sa tagapangalaga ng kalusugan

Tumawag agad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung mayroon ka ng alinman sa mga ito:

 

  • Pananakit na matindi o hindi gumagaling

  • Pakiramdam na busog na matindi o hindi gumagaling

  • Pagkabundat na matindi o hindi gumagaling

  • Lagnat na 100.4°F (38°C) o mas mataas, o ayon sa ipinayo

  • Pagbaba ng timbang na walang dahilan

  • Patuloy na pagkawala ng gana

  • Dugo sa iyong dumi

 

Paano maiiwasan ang pananakit ng tiyan

Narito ang ilang payo na makakatulong para maiwasan ang pananakit ng tiyan:

  • Kumain ng kaunting dami ng pagkain sa bawat pagkain.

  • Huwag kumain ng malangis, pinrito, o iba pang pagkain na maraming taba.

  • Huwag kumain ng mga pagkain na magbibigay sa iyon ng hangin.

  • Mag-ehersisyo nang regular.

  • Uminom ng maraming likido.

Upang makatulong na iwasan ang mga sintomas ng GERD:

  • Ihinto ang paninigarilyo.

  • Bawasan ang alak at mga pagkain na nagpapataas ng asido sa sikmura.

  • Huwag gumamit ng aspirin o nonsteroidal anti-inflammatory drugs (mga NSAID).

  • Pababain ang sobrang timbang.

  • Tapusin ang pagkain nang hindi bababa sa 2 oras bago matulog o mahiga.

  • Itaas ang ng gawing ulo ng iyong higaan.

© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer