Checkup ng Sanggol na Walang Sakit: 6 na Buwan
Sa check-up sa ika-6 na buwan, susuriin ng tagapangalaga ng kalusugan ang iyong sanggol. Kukumustahin niya ang mga kaganapan sa bahay. Inilalarawan ng pahinang ito ang ilang maaari mong asahan.
Pag-unlad at mga tagumpay
Magtatanong ang tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa iyong sanggol. Babantayan niya ang iyong sanggol upang magkaroon ng ideya tungkol sa kanyang pag-unlad. Sa pagbisitang ito, karamihang sanggol ay:
-
Kilala ang mga pamilyar na tao
-
Gumugulong mula sa tiyan hanggang likod
-
Sumasandal sa mga kamay para sa suporta kapag umuupo
-
Ngumangawa at tumatawa bilang pagtugon sa mga salita o ingay na ginawa ng iba
-
Umaabot para kumuha ng laruan
-
Inilalagay ang mga bagay sa kanyang bibig upang tuklasin ang mga ito
-
Isinasara ang mga labi kapag ayaw na niya ng maraming pagkain
At, sa 6 na buwan nagsisimulang tubuan ng ngipin ang ilang sanggol. Kung mayroon kang mga tanong tungkol sa pagtubo ng mga ngipin, magtanong sa tagapangalaga ng kalusugan.
Mga payo sa pagpapakain
 |
Sa sandaling masanay ang inyong sanggol sa pagkain ng matitigas, ipakilala ang bagong pagkain pagkalipas ng ilang araw. |
Upang matulungan ang iyong sanggol na kumain nang mabuti:
-
Magsimulang magdagdag ng matitigas na pagkain sa diyeta ng iyong sanggol. Sa una, hindi mapapalitan ng matitigas na pagkain ang mga regular na pagpapasuso ng gatas ng ina o formula ng iyong sanggol.
-
Hindi mahalaga kung ano ang unang matitigas na pagkain. Walang kasalukuyang pananaliksik na nagsasabi na ang pagpapakilala ng matitigas na pagkain sa anumang pagkakasunud-sunod ay mas mabuti para sa iyong sanggol. Karaniwan, inuuna munang ibigay ang mga cereal na single grain. Ngunit mainam din ang mga iisang sangkap na sinala o niligis na mga gulay o prutas.
-
Kapag unang nagbibigay ng matitigas na pagkain, haluan ito ng kaunting gatas ng ina o formula sa isang mangkok. Kapag naihalo na, dapat masabaw ang texture nito. Ipakain ito sa iyong sanggol gamit ang kutsara. Gawin ito isang beses kada araw sa unang 1 hanggang 2 linggo.
-
Kapag nagbibigay ng mga pagkaing may iisang sangkap tulad ng pagkain ng sanggol na lutong-bahay o binili sa tindahan, ipakilala ang 1 bagong lasa ng pagkain nang paisa-isa. Maaari mong subukan ang bagong lasa bawat 3 hanggang 5 araw. Pagkatapos ng bawat bagong pagkain, bantayan ang mga reaksyon sa allergy. Maaaring kabilang sa mga ito ang pagtatae, pantal, o pagsuka. Kung mayroon ang iyong sanggol ng alinman sa mga ito, ihinto ang pagbibigay ng pagkaing ito. Makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak.
-
Sa 6 na buwang gulang, kakailanganin ng karamihang sanggol na pinasususo ng karagdagang mapagkukunan ng iron at zinc. Maaaring makinabang ang iyong sanggol mula sa pagkain ng sanggol na gawa sa karne. Mayroon itong iron at zinc na madaling nasisipsip ng katawan ng iyong sanggol.
-
Pakainin ng matitigas na pagkain 1 beses kada araw sa unang 3 hanggang 4 na linggo. Pagkatapos, damihan ang matitigas na pagkain sa 2 beses sa isang araw. Panatilihin din ang pagpapakain sa iyong sanggol ng mas maraming gatas ng ina o formula tulad ng ginagawa mo dati.
-
Ang ilang pagkain, gaya ng mga mani at itlog, ay may mataas na panganib na magdulot ng allergy. Ngunit ipinapayo ng mga eksperto ang pagpapakilala ng mga pagkaing ito pagsapit ng edad na 4 hanggang 6 na buwan. Maaari nitong bawasan ang panganib ng mga allergy sa pagkain sa mga sanggol at bata. Kung nakakaya ng iyong sanggol ang iba pang karaniwang pagkain (cereal, prutas, at gulay), maaari kang magsimulang magbigay ng mga pagkaing maaaring magdulot ng allergy. Magbigay ng 1 bagong pagkain bawat 3 hanggang 5 araw. Tumutulong ito na ipakita ang anumang pagkain na nagdudulot ng allergy.
-
Tanungin ang tagapangalaga ng kalusugan kung kailangan ng iyong sanggol ng mga suplementong fluoride.
Mga payo sa kalinisan ng katawan
-
Magbabago ang dumi ng iyong sanggol matapos siyang magsimulang kumain ng matitigas na pagkain. Maaari itong maging mas malapot, mas maitim, at mas mabaho. Ito ay normal. Kung mayroon kang mga tanong, magtanong kapag nagpapa-checkup.
-
Itanong sa tagapangalaga ng kalusugan kung kailan dapat ang unang pagbisita ng iyong sanggol sa dentista.
Mga payo sa pagtulog
Sa 6 na buwang gulang, nakakatulog ang sanggol ng halos 8 hanggang 10 oras sa gabi na hindi nagigising. Ngunit maraming sanggol sa edad na ito ang nagigising pa rin ng 1 o 2 beses sa isang gabi. Kung hindi pa natutulog ang iyong sanggol sa buong gabi, maaaring makatulong ang pagsisimula ng rutina sa pagtulog (tingnan sa ibaba). Upang tulungan ang iyong sanggol na makatulog nang ligtas at mahimbing:
-
Ihiga ang iyong sanggol sa lahat ng pagtulog hanggang siya ay 1 taong gulang. Gumamit ng isang matibay at patag na higaan sa pagtulog. Maaari nitong mapababa ang panganib ng SIDS (syndrome na biglaang pagkamatay ng sanggol). Pinabababa nito ang panganib ng paglanghap ng mga likido (aspiration) at mabulunan. Huwag kailanman ihiga ang iyong sanggol nang patagilid o pataob para matulog o umidlip. Kung gising ang iyong sanggol, hayaang dumapa ang bata hangga't mayroong nagbabantay. Makatutulong ito sa bata na magkaroon ng malalakas na mga kalamnan sa tiyan at leeg. Makatutulong din ito na mabawasan ang pagiging sapad ng ulo. Maaaring mangyari ito kapag gumugugol ng maraming oras ang mga sanggol sa paghiga na nakalapat ang likod.
-
Huwag maglagay ng crib bumper, unan, maluluwag na kumot, o stuffed toy sa kuna. Maaari maging dahilan ang mga ito upang hindi makahinga ang sanggol.
-
Huwag ilagay ang iyong sanggol sa isang sopa o armchair para matulog. Inilalagay ang sanggol sa mas mataas na panganib ng pagkamatay, kabilang ang SIDS dahil sa pagtulog sa sopa o armchair.
-
Huwag gumamit ng upuan ng sanggol, upuan sa kotse, stroller, infant carrier, o duyan ng sanggol para sa rutinang pagtulog at araw-araw na mga pag-idlip. Maaari itong humantong sa pagkabara ng daluyan ng hangin ng sanggol o hindi makahinga.
-
Huwag itabi ang iyong sanggol sa kama (makitulog). Napatunayan na nadaragdagan ang panganib para sa SIDS ng pagtatabi sa sanggol sa iyong kama. Ipinapayo ng American Academy of Pediatrics na matulog ang mga sanggol sa parehong kuwarto ng kanilang mga magulang, malapit sa kama ng kanilang magulang, ngunit sa isang hiwalay na kama o kuna na angkop para sa mga sanggol. Ipinapayo ang kaayusang ito sa pagtulog na mainam sa unang taon ng sanggol. Ngunit dapat itong mapanatili sa loob ng unang 6 na buwan.
-
Laging ilagay sa lugar na walang panganib ang mga kuna, bassinet (kuna na gawa sa tambo o dayami), at palaruan. Ito ay upang mabawasan ang panganib ng pagkasakal. Siguraduhing walang mga nakabitin na lubid, kawad, o mga kurtina sa bintana.
-
Huwag ilagay ang iyong sanggol sa kuna na may bote.
-
Sa edad na ito, hinahayaan ng ilang magulang ang kanilang mga sanggol na umiyak hanggang makatulog. Ito ay personal na kagustuhan. Maaaring nais mong talakayin ito sa tagapangalaga ng kalusugan.
Pagtatakda ng rutina sa oras ng pagtulog
Nasa hustong gulang na ang iyong sanggol upang matulog buong gabi. Isang kakayahan ang pagtulog sa buong gabi na kinakailangang matutunan. Makatutulong ang rutina sa oras ng pagtulog. Sa paggawa ng mga parehong bagay bawat gabi, tinuturuan mo ang sanggol kapag oras nang matulog. Maaaring hindi mo kaagad mapansin ang mga resulta. Ngunit panindigan ito. Sa paglipas ng panahon, matututunan ng iyong sanggol na ang oras ng pagtulog ay oras ng pagtulog. Makatutulong ang mga payong ito:
-
Gawing espesyal na oras ang paghahanda sa pagtulog kasama ang iyong sanggol. Panatilihing pareho ang rutina sa bawat gabi. Pumili ng oras ng pagtulog at subukang panindigan ito bawat gabi.
-
Gumawa ng mga aktibidad na nakakarelaks bago matulog, tulad ng paliligo na sinundan ng pagdede sa bote.
-
Kantahan ang iyong sanggol o kuwentuhan bago matulog. Kahit na masyado pang bata ang iyong anak upang makaunawa, magiging nakagiginhawa ang iyong boses. Magsalita sa kalmado at mahinang tono.
-
Huwag maghintay na makatulog ang iyong sanggol bago siya ihiga sa kuna. Ihiga siya habang gising bilang bahagi ng rutina.
-
Panatilihing madilim at tahimik ang kuwarto. Siguraduhing hindi ito labis na mainit o labis na malamig. Magpatugtog ng nakagiginhawang musika o mga recording ng nakarerelaks na mga tunog, gaya ng mga alon ng karagatan. Maaaring makatulong ang mga ito upang makatulog ng iyong sanggol.
Mga payong pangkaligtasan
-
Huwag hayaan ang iyong sanggol na makahawak ng anumang maliit na bagay na maaaring makasamid sa kanya. Kabilang dito ang mga laruan, matitigas na pagkain, at mga bagay sa sahig na maaaring makita ng iyong sanggol habang gumagapang. Bilang tuntunin, maaaring makasamid sa sanggol ang isang bagay na napakaliit na kasya sa loob ng toilet paper tube.
-
Mas mahusay pa rin na panatilihin ang hindi nakalantad sa araw ang iyong sanggol nang madalas. Pahiran ng sunscreen ang iyong sanggol ayon sa itinagubilin.
-
Sa kotse, laging ilagay ang inyong sanggol sa upuang nakaharap sa likod. Dapat itong matibay at ligtas sa upuan sa likod. Sundin ang mga tagubilin na kasama ng upuan sa kotse. Huwag iwananang nag-iisa ang iyong sanggol sa kotse.
-
Huwag iwanan ang iyong sanggol sa mataas na ibabaw, tulad ng mesa, kama, o sopa. Maaaring mahulog at masaktan ang iyong sanggol. Mas malamang din ito sa sandaling maalam na ang iyong sangol kung paano gumulong.
-
Laging talian ang iyong sanggol kapag gumagamit ng mataas na upuan.
-
Malapit nang gumapang ang iyong sanggol, kaya tiyakin na ligtas sa bata ang iyong bahay. Maglagay ng mga trangka na pambata sa mga pintuan ng kabinet at takpan ang lahat ng saksakan ng kuryente. Maaaring masaktan ang mga sanggol sa paghablot at paghila sa mga bagay. Halimbawa, maaaring hilahin ng iyong sanggol ang mantel o kurdon at maaaring tamaan ng matitigas na bagay. Upang maiwasan ito, suriin ang kaligtasan ng anumang lugar kung saan namamalagi ang iyong sanggol.
-
Maaaring hawakan at laruin ng mas nakatatandang mga kapatid ang sanggol hangga't may nakabantay na nasa hustong gulang.
-
Hindi ipinapayo ang mga walker na may gulong. Mas ligtas ang stationary (hindi gumagalaw) na mga lugar ng aktibidad. Makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan kung mayroon kang mga tanong tungkol sa kung anong laruan at kagamitan ang ligtas para sa iyong sanggol.
Mga bakuna
Batay sa mga rekomendasyon mula sa CDC, maaaring makakuha ng mga sumusunod na bakuna ang iyong sanggol sa pagbisitang ito:
-
Dipterya, tetano, at pertussis
-
Haemophilus influenzae type b
-
Hepatitis B
-
Trangkaso (flu)
-
Pneumococcus
-
Polio
-
Rotavirus
-
COVID-19
-
Respiratory syncytial virus (RSV) monoclonal antibody
Itanong sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong sanggol kung aling mga bakuna ang ipinapayo sa pagbisitang ito. Makatutulong din ang pagkakaroon ng kumpletong bakuna ng iyong sanggol na mapababa ang kanyang panganib sa SIDS.
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.