Checkup ng Batang Walang Sakit: 18 Buwan
Sa checkup sa ika-18 buwan, susuriin ng tagapangalaga ng kalusugan ang iyong anak at kukumustahin ang mga kaganapan sa bahay. Inilalarawan ng pahinang ito ang ilang maaari mong asahan.
Pag-unlad at mga tagumpay
Magtatanong ang tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa iyong anak. Oobserbahan niya ang iyong anak na paslit upang magkaroon ng ideya tungkol sa pag-unlad ng bata. Sa pagbisitang ito, karamihang bata ang gumagawa ng mga ito:
-
Pagturo upang ipakita sa iyo ang isang bagay na kawili-wili
-
Iniaabot ang mga kamay para hugasan mo ang mga ito
-
Sinusubukang magsabi ng 3 o higit pang salita bukod sa "mama" o "dada"
-
Sinusubukang gumamit ng kutsara
-
Umiinom mula sa tasa nang walang takip (maaaring tumapon kung minsan)
-
Sumusunod sa mga 1-hakbang na utos (gaya ng "pakidalhan mo ako ng isang laruan")
-
Lumalakad nang hindi humahawak sa sinuman o anuman
-
Gumuguhit
-
Ginagaya ka sa mga gawain, tulad ng pagwawalis gamit ang walis
-
Tumitingin sa ilang pahina ng libro kasama ka
Mga payo sa pagpapakain
Maaaring napansin mo na nagiging mapili sa pagkain ang iyong anak. Ito ay normal. Di-gaanong mahalaga kung gaano karami ang kinakain ng iyong anak sa isang kainan o sa isang araw kumpara sa pattern sa loob ng ilang araw o linggo. Normal din para sa isang bata sa ganitong edad na mamayat o magmukhang walang taba, basta't hindi nababawasan ang kanyang timbang. Kung mayroon kang mga alalahanin tungkol sa timbang o mga gawi sa pagkain ng iyong anak, banggitin ang mga ito sa tagapangalaga ng kalusugan. Narito ang ilang payo para sa pagpapakain sa iyong anak:
-
Panatilihin ang pagbibigay ng iba’t ibang kukutin habang kumakain. Huwag sumuko sa pag-aalok ng mga bagong pagkain. Madalas na inaabot ng ilang pagtatangka bago magsimula ang isang bata na magustuhan ang isang bagong lasa.
-
Kung nagugutom ang iyong anak sa pagitan ng mga pagkain, mag-alok ng masusustansiyang pagkain. Magagandang pamimilian ang hiniwang mga gulay at prutas, keso, peanut butter, at mga biskwit. Magtabi ng mga meryenda, tulad ng sitsirya o cookies, para sa mga espesyal na handog.
-
Maaaring mas gustuhin ng iyong anak na kumain nang madalas at kakaunti sa buong araw kaysa kumain nang marami nang minsan. Ito ay normal.
-
Huwag puwersahin ang iyong anak na kumain. Kakain ang batang nasa ganitong edad kapag gutom. Malamang na may mga araw na kakain siya nang mas marami kaysa ibang araw.
-
Dapat bawasan ng iyong anak ang pag-inom ng purong gatas bawat araw. Dapat manggaling sa matitigas na pagkain ang karamihan ng calories.
-
Bukod sa pag-inom ng gatas, tubig ang pinakamainam. Limitahan ang katas ng prutas. Dapat na 100% katas ng prutas ito. Maaari mo ring dagdagan ng tubig ang katas ng prutas. At huwag bigyan ng soda ang iyong anak na paslit.
-
Huwag hayaan ang iyong anak na magpalakad-lakad habang may hawak na pagkain o bote. Isa itong panganib na makasamid at maaari din itong humantong sa pagkain nang sobra habang tumatanda ang iyong anak.
Mga payo sa kalinisan ng katawan
-
Sipilyuhin ang mga ngipin ng iyong anak nang hindi bababa sa isang beses sa isang araw. Mainam ang dalawang beses sa isang araw, tulad ng pagkatapos ng almusal at bago matulog. Gumamit ng kaunting fluoride toothpaste na hindi mas malaki sa isang butil ng bigas. Gumamit ng sipilyo para sa sanggol na may malalambot na bristle.
-
Itanong sa tagapangalaga ng kalusugan kung kailan dapat ang unang pagbisita ng iyong anak sa dentista. Inirerekomenda ng karamihang dentista ng bata na dapat mangyari ang unang pagbisita sa dentista sa loob ng 6 na buwan pagkatapos tumubo ng unang ngipin sa gilagid, ngunit hindi lalampas sa unang kaarawan ng bata.
-
Magsisimulang magpakita ng kahandaan ang ilang bata para sa pagsasanay sa banyo nang kasing aga ng 18 hanggang 24 na buwan. Kasama sa mga palatandaan ng kahandaan ang:
-
Kayang maglakad nang mag-isa
-
Pananatiling tuyo nang mas matagal (nadagdagan ang pagkontrol ng pantog at bituka)
-
Mas nahihirapan sa maruming diaper
-
Nasasabi sa iyo na kailangan niyang magbawas
-
Nasusunod ang mga simpleng utos (mas malapit sa 24 na buwan)
Mga payo sa pagtulog
Sa edad na 18 buwan, maaaring bumaba sa 1 pag-idlip ang iyong anak at malamang na natutulog nang halos 10 hanggang 12 oras sa gabi. Kung natutulog siya nang higit o mas kaunti kaysa rito ngunit mukhang malusog, hindi ito dapat ikabahala. Upang tulungang matulog ang iyong anak:
-
Tingnan kung nakakukuha ang iyong anak ng sapat na pisikal na gawain sa araw. Tumutulong ito na makatulog nang mahimbing ang iyong anak. Makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan kung kailangan mo ng mga ideya sa masisiglang uri ng laro.
-
Sundin ang rutina sa oras ng pagtulog bawat gabi, tulad ng pagsisipilyo na susundan ng pagbabasa ng libro. Subukang sundin ang parehong oras sa pagtulog bawat gabi.
-
Huwag patulugin ang iyong anak nang mayroong anumang maiinom.
-
Kung problema ang pagpapatulog sa iyong anak sa buong gabi, humingi ng payo sa tagapangalaga ng kalusugan.
Mga payong pangkaligtasan
 |
Maglagay ng mga trangka sa mga pinto ng aparador upang makatulong na mapanatiling ligtas ang iyong anak. |
Kabilang sa mga iminumungkahi upang mapanatiling ligtas ang iyong anak ang:
-
Huwag hayaan ang iyong anak na maglaro sa labas nang walang sumusubaybay. Ituro ang pag-iingat sa paligid ng mga sasakyan. Dapat na palaging nakahawak ang iyong anak sa kamay ng nakatatanda kapag tumatawid ng kalsada o nasa paradahan.
-
Protektahan ang iyong paslit mula sa pagkahulog gamit ang matitibay na screen sa mga bintana at gate sa mga itaas at ibaba ng mga hagdanan. Subaybayan ang bata sa hagdanan.
-
Kung mayroon kayong swimming pool, dapat itong bakuran. Dapat isara at ikandado ang mga gate o pinto papunta sa pool. Huwag kailanman iwanan ang iyong anak nang mag-isa malapit sa anumang anyong-tubig. Kasama rito ang bathtub o isang timba ng tubig.
-
Sa edad na ito, sobrang mausisa ang mga bata. Posible silang mapalapit sa mga bagay na maaaring maging mapanganib. Maglagay ng mga kawit sa mga kabinet. Ilagay ang mga produktong tulad ng mga panlinis at gamot sa mga nakakandadong aparador, hindi nakikita at hindi kayang abutin. Pasakan ang mga hindi ginagamit na outlet. Siguruhing ligtas ang lahat ng kasangkapan.
-
Maging maingat sa mga bagay na maaaring makasamid. Bilang tuntunin, maaaring makasamid sa sanggol ang isang bagay na napakaliit na kasya sa loob ng toilet paper tube.
-
Sa kotse, palaging paupuin ang iyong anak sa car seat na nasa upuan sa likod. Dapat paupuin ang mga sanggol at paslit sa car safety seat na nakaharap sa likuran hangga’t maaari. Ibig sabihin, hanggang sa maabot nila ang pinakamataas na timbang at taas na pinapayagan sa kanilang upuan. Tingnan ang mga tagubilin para sa iyong safety seat. Mayroong mga limit sa taas at timbang ang karamihan sa mga convertible safety seat na nagpapahintulot sa iyong mga anak para sumakay nang nakaharap sa likuran para sa 2 taon o higit pa.
-
Turuan ang iyong anak na maging maamo at maingat sa mga aso, pusa, at iba pang hayop. Palaging bantayan ang iyong anak sa paligid ng mga hayop, kahit sa mga kilalang alagang hayop ng pamilya.
-
Ilayo ang iyong anak mula sa maiinit na bagay. Huwag mag-iwan ng maiinit na likido sa mga mesa na maaaring maabot ng iyong anak o may mga mantel na maaaring hilahin pababa ng iyong anak.
-
Kung mayroon kang baril, palagi itong itabi sa nakakandadong lugar, nang walang bala, at hindi maaabot ng iyong anak.
-
Itago itong numero ng telepono ng Poison Control sa isang lugar na mabilis makita, tulad ng sa refrigerator: 800-222-1222.
-
Limitahan ang oras sa screen. Hindi inirerekomenda ang oras sa screen (TV, mga tablet, telepono) sa mga batang wala pang 2 taong gulang. Limitahan ang oras sa screen sa mga video call sa mga mahal sa buhay.
Mga bakuna
Ayon sa mga mungkahi mula sa CDC, maaaring matanggap ng iyong anak ang mga sumusunod na bakuna sa pagbisitang ito:
Maghanda para sa “terrible twos”
Maaaring nakarinig ka na ng mga kuwento tungkol sa “terrible twos.” Maraming bata ang nagiging mas makulit at mas mahirap alagaan sa edad na 2. Sa katunayan, maaaring napapansin mo na ang mga pagbabago sa pag-uugali. Narito ang ilang maaari mong asahan, at mga payo sa pagkaya:
-
Magiging mas nakapagsasarili at mas sutil ang iyong anak. Karaniwan na subukan ang mga limitasyon, upang makita kung hanggang saan siya maaaring makalusot. Maaaring madalas mong marinig ang salitang “hindi”, kahit na waring oo ang ibig-sabihin ng bata! Maging malinaw at hindi pabagu-bago. Tandaan na ikaw ang magulang, at ikaw ang gumagawa ng mga tuntunin. Tandaan, ikaw ang nakatatanda, kaya subukang manatiling kalmado kahit na nag-aalburoto ang iyong anak.
-
Ito ang edad kung kailan madalas hindi masabi ng mga bata ang kanilang gusto. Sa halip, maaari silang tumugon nang may pagkainis. Maaaring dumaing, umiyak, sumigaw, sumipa, mangagat, o manghampas ang iyong anak. Depende sa personalidad ng iyong anak, maaaring bihira o madalas ang mga pag-alburoto. Nababawasan ang pag-aalburoto kapag natutunan ng mga bata kung paano ipahayag ang kanilang mga sarili gamit ang mga salita. Ilang minuto lang ang itinatagal ng karamihang mga pag-aalburoto. Kung mas matagal kaysa rito ang mga pag-aalburoto ng iyong anak, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan.
-
Gawin ang lahat ng iyong makakaya na huwag pansinin ang pag-aalburoto. Tingnan kung nasa ligtas na lugar ang iyong anak at bantayan siya. Ngunit huwag galawin hanggang sa matapos ang pag-aalburoto. Tinuturuan nito ang bata na hindi paraan ang pag-aalburoto upang makakuha ng atensyon. Kadalasang makatutulong sa paglutas ng pag-aalburoto ang paglipat sa iyong anak sa isang pribadong lugar na malayo sa atensyon ng iba.
-
Manatiling kalmado at subukang huwag magalit. Tandaan, ikaw ang nakatatanda. Maging huwaran kung paano kumilos kapag naiinis. Huwag paluin o sigawan ang iyong anak habang o pagkatapos ng pag-aalburoto.
-
Kapag gusto mong patigilin ang iyong anak sa kanyang ginagawa, subukan siyang istorbohin gamit ang bagong aktibidad o bagay. Maaari mo ring buhatin ang bata at ilipat siya sa ibang lugar.
-
Piliin ang iyong mga laban. Hindi kailangang pag-awayan ang lahat ng bagay. Pinakamahalaga ang isyu kung nasa panganib ang kalusugan o kaligtasan ng iyong anak o isa pang bata.
-
Makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan para sa iba pang payo tungkol sa kung paano pakitunguhan ang pag-uugali ng iyong anak.
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.