Checkup ng Batang Walang Sakit: 6 hanggang 10 Taon
Kahit na malusog ang iyong anak, ipagpatuloy pa rin ang pagdadala sa kanya sa mga taunang checkup. Tinitiyak ng mga pagbisitang ito na protektado ang iyong anak sa pamamagitan ng mga nakaiskedyul na bakuna at pagsusuri ng kalusugan. Susuriin din ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak ang kanyang paglaki at pag-unlad. Inilalarawan ng pahinang ito ang ilang maaari mong asahan.
Mga problema sa paaralan at pakikipagkapwa
 |
Maaaring magpahiwatig ang mga pakikibaka sa paaralan ng mga problema sa kalusugan o pag-unlad ng bata. Kung nagkakaroon ng problema ang iyong anak sa paaralan, makipag-usap sa doktor ng bata. |
Narito ang ilang paksa na maaaring gustuhing talakayin ninyo, ng inyong anak, at ng tagapangalaga ng kalusugan sa panahon ng pagbisitang ito:
-
Pagbasa. Hilig ba ng anak mo ang pagbabasa? Naaayon ba ang antas ng pagbabasa ng iyong anak para sa kanyang edad?
-
Mga pakikipagkaibigan. Mayroon bang mga kaibigan ang iyong anak sa paaralan? Paano sila nagkakasundo? Gusto mo ba ang mga kaibigan ng iyong anak? Mayroon ka bang mga alalahanin sa pagkikipagkaibigan ng iyong anak o mga problema na maaaring nangyayari sa ibang mga bata, tulad ng pambu-bully?
-
Mga aktibidad. Ano ang mga gustong gawin ng iyong anak para sa kasiyahan? Kasali ba siya sa mga gawain pagkatapos ng klase tulad ng sports, scouting, o music class?
-
Pakikipag-ugnayan sa pamilya. Kumusta ang mga bagay-bagay sa bahay? Maganda ba ang relasyon ng iyong anak sa iba pang miyembro ng pamilya? Nagkukuwento ba ang iyong anak tungkol sa mga problema? Kumusta ang pag-uugali ng iyong anak sa bahay?
-
Pag-uugali at pakikilahok sa paaralan. Paano kumikilos ang iyong anak sa paaralan? Sinusundan ba bata ang rutina sa silid-aralan at sumasali sa mga aktibidad ng grupo? Ano ang sinasabi ng mga guro tungkol sa pag-uugali ng bata? Natatapos ba sa oras ang mga takdang-aralin? Tumutulong ka ba o ang iba pang miyembro ng pamilya sa takdang-aralin?
-
Mga gawaing-bahay. Tumutulong ba ang iyong anak sa mga gawaing-bahay tulad ng paglalabas ng basura o paghahanda ng hapag-kainan?
Mga payo tungkol sa nutrisyon at ehersisyo
Maaaring humantong sa panghabambuhay na magandang kalusugan ang pagtuturo sa iyong anak ng malusog na mga gawi sa pagkain at pamumuhay. Upang makatulong, maging mabuting halimbawa sa iyong mga salita at kilos. Tandaan, mananatili sa iyong anak ang magagandang kaugalian na nabuo ngayon. Narito ang ilang payo:
-
Tulungan ang iyong anak na magkaroon ng di-kukulangin sa 30 hanggang 60 minuto ng aktibong paglalaro kada araw. Nakatutulong ang paglibot sa paligid para mapanatiling malusog ang iyong anak. Pumunta sa parke, magbisikleta, o maglaro ng mga aktibong laro tulad ng habulan o bola.
-
Limitahan ang “screen time” sa 1 oras bawat araw. Kabilang dito ang oras sa panonood ng TV, paglalaro ng video games, paggamit ng computer, at pagte-text. Kung mayroong TV, computer, o video game console sa kuwarto ang iyong anak, palitan ito ng music player. Para sa maraming bata, masayang paraan ng paggalaw ang pagsayaw at pagkanta.
-
Limitahan ang mga inuming matatamis. Maaaring magsanhi ng hindi malusog na pagtaas ng timbang at pagkabulok ng ngipin ang soda, juice, at sports drink. Pinakamainam inumin ang tubig at low-fat o nonfat na gatas. Sa katamtamang dami (6 na ounce para sa batang 6 na taong gulang at 12 ounce para sa batang 7 hanggang 10 taong gulang araw-araw), ayos ang 100% na katas ng prutas. Itabi ang soda at iba pang matatamis na inumin para sa mga espesyal na okasyon.
-
Magbigay masusustansyang pagkain. Magtabi ng iba’t ibang masusustansiyang pagkain para sa mga meryenda, kabilang ang mga sariwang prutas at gulay, karneng walang taba, at whole grain. Dapat bihira lamang ihain ang mga pagkaing tulad ng french fries, kendi, at mga pangmeryenda.
-
Ihain ang bahagi na angkop sa bata. Hindi kailangan ng mga bata ng kasing dami ng pagkain ng matatanda. Hainan ang iyong anak ng sapat na dami para sa kanyang edad at laki. Hayaan ang iyong anak na tumigil sa pagkain kapag busog na siya. Kung nagugutom pa rin ang iyong anak pagkatapos kumain, mag-alok pa ng mga gulay o prutas.
-
Tanungin ang tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa timbang ng iyong anak. Dapat madagdagan ng humigit-kumulang 4 hanggang 5 pound ang timbang ng iyong anak bawat taon. Kung labis dito ang nadadagdag na timbang sa iyong anak, makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa mga gawi sa pagkain at mga patnubay sa pag-eehersisyo.
-
Dalhin ang iyong anak sa dentista nang di-kukulangin sa dalawang beses sa isang taon para sa pagpapalinis at pagpapasuri ng ngipin.
Mga payo sa pagtulog
Ngayong pumapasok na sa paaralan ang iyong anak, higit pang mas mahalaga ang magandang tulog sa gabi. Sa ganitong edad, kailangan ng iyong anak ng humigit-kumulang 10 oras na tulog bawat gabi. Narito ang ilang payo:
-
Magtakda ng oras ng pagtulog at tiyaking sinusunod ito ng iyong anak bawat gabi.
-
Maaaring makaakit sa bata ang TV, computer, at mga video game at gawing mahirap upang mapanatag para sa gabi. I-off ang mga ito nang di-kukulangin sa isang oras bago matulog. Sa halip, magkasamang magbasa ng isang kabanata ng libro.
-
Paalalahanan ang iyong anak na magsipilyo at mag-floss bago matulog. Pangasiwaang mabuti ang pangangalaga ng iyong anak sa kanyang ngipin upang matiyak na nalilinis ang parehong likod at harap ng mga ngipin.
Mga payong pangkaligtasan
Kabilang sa mga iminumungkahi upang mapanatiling ligtas ang iyong anak ang:
-
Kapag nagbibisikleta, dapat magsuot ang iyong anak ng helmet na may nakakabit na strap. Habang nagro-roller-skate, nagro-roller-blades, o gumagamit ng scooter o skateboard, pinakaligtas na magsuot ng mga wrist guard, elbow pad, knee pad, at helmet.
-
Sa kotse, magpatuloy sa paggamit ng booster seat hanggang sa mas mataas na sa 4 na talampakan at 9 na pulgada ang iyong anak. Sa ganitong taas, nakauupo na ang mga bata nang wasto ang lapat ng seatbelt sa collarbone at balakang. Magtanong sa tagapangalaga ng kalusugan kung mayroon kang mga tanong tungkol sa kung kailan magiging handa ang iyong anak sa paghinto sa paggamit ng booster seat. Dapat umupo sa likod na upuan ng kotse ang mga batang wala pang 13 taong gulang.
-
Turuan ang iyong anak na huwag makipag-usap o sumama saanman sa mga hindi kakilala.
-
Turuang lumangoy ang iyong anak. Maraming mga komunidad ang nag-aalok ng murang pagtuturo sa paglangoy. Huwag hayaan ang iyong anak na maglaro sa pool o sa paligid nito nang walang nagbabantay, kahit na marunong siyang lumangoy.
Mga bakuna
Ayon sa mga mungkahi mula sa CDC, maaaring matanggap ng iyong anak ang mga sumusunod na bakuna sa pagbisitang ito:
-
Dipterya, tetano, at pertussis (edad 6 lamang)
-
Human papillomavirus (HPV) (edad 9 at pataas)
-
Trangkaso (flu), taon-taon
-
Tigdas, beke, at rubella (edad 6)
-
Polio (edad 6)
-
Varicella (bulutong-tubig) (edad 6)
Pag-ihi sa kama: Hindi ito kasalanan ng iyong anak
Maaaring nakadidismaya para sa iyo at sa iyong anak ang pagsala, o pag-ihi sa kama habang natutulog. Ngunit kadalasa’y hindi ito palatandaan ng malaking problema. Maaaring kailangan lamang ng higit pang oras para umunlad ang katawan ng iyong anak. Kung biglaang magsimulang umihi sa kama ang iyong anak, kadalasang sanhi ang pagbabago sa pamumuhay (tulad ng pagsisimula sa pagpasok sa paaralan) o nakaka-stress na pangyayari (tulad ng pagsilang ng kapatid). Ngunit anupaman ang sanhi, hindi ito direktang kontrolado ng iyong anak. Kung umiihi sa kama ang iyong anak:
-
Tandaan na hindi ito sinasadya ng iyong anak. Huwag parusahan o tuksuhin ang bata sa pag-ihi niya sa kama. Maaaring mapalala ng pagpaparusa o pagpapahiya ang problema at hindi mapabuti.
-
Para matulungan ang iyong anak, maging positibo at sumusuporta. Purihin ang iyong anak sa hindi pag-ihi sa kama at maging sa pagsusumikap na manatiling tuyo.
-
Huwag hainan ng anumang inumin ang iyong anak dalawang oras bago matulog.
-
Paalalahanan ang iyong anak na umihi bago matulog. Maaari mo rin siyang gisingin para umihi bago ka matulog mismo.
-
Magkaroon ng rutina sa pagpapalit ng kobre-kama at pantulog kapag napaihi ang bata. Subukang gawing mahinahon at maayos ang rutinang ito hangga’t maaari. Makatutulong ito para maiwasan ninyo ng iyong anak na sumama ang loob o mabigo sa muling pagtulog.
-
Maglagay ng kalendaryo o tsart at bigyan ang iyong anak ng star o sticker para sa mga gabing hindi siya napapaihi sa kama.
-
Hikayatin ang iyong anak na bumangon at subukang umihi sa banyo kung magising siya sa gabi. Maglagay ng panggabing ilaw sa kuwarto, pasilyo, at banyo upang matulungan ang iyong anak na maging mas ligtas sa paglalakad papuntang banyo.
-
Kung mayroon kang mga alalahanin tungkol sa pag-ihi sa kama, talakayin ang mga ito sa tagapangalaga ng kalusugan.
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.