Mga Stent sa Puso
Isang maliit na metal coil o mesh tube ang stent na inilalagay sa kumitid na arterya upang panatilihin itong nakabuka. Tumutulong ito sa pagpapabuti ng pagdaloy ng dugo sa iyong puso. Tumutulong din ang stent na pigilin ang muling pagkitid ng arterya (restenosis). Nakabalot ang karamihang stent at dahang-dahang naglalabas ng gamot sa paglipas ng panahon. Binabawasan nito ang dami ng peklat na tisyu na nabubuo sa arterya, na tumutulong na mapigil ang restenosis. Ginagawa ng isang espesyalista sa puso, na tinatawag na interventional cardiologist, ang coronary angioplasty at paglalagay ng stent.


Habang nasa pamamaraan
-
Gagawin ng isang miyembro ng iyong team ng tagapangalaga ng kalusugan na namamanhid ang balat sa lugar ng pagpapasukan gamit ang lokal na anesthesia. Karaniwan itong sa singit o sa pulso na may lokal na anesthesia. Gagawa siya ng pagbutas gamit ang karayom upang ipasok ang catheter.
-
Ipapasok ng iyong doktor ang guide wire mula sa manipis at nababaluktot na tubo (catheter) at ilalagay sa makitid na bahagi sa arterya ng iyong puso. Sinusubaybayan ng iyong doktor ang paggalaw nito gamit ang pulsed X-ray na tinatawag na fluoroscopy. Gagawin ang isang angiogram na isang X-ray na movie ng daloy ng dugo sa arterya ng puso gamit ang contrast. Tinitukoy nito ang lokasyon ng stenosis.
-
Pagkatapos, ipapasok ng iyong doktor ang isang balloon-tipped catheter sa pamamagitan ng guide catheter at iti-thread ito sa ibabaw ng guide wire. Ipoposisyon niya ito sa makitid na bahagi ng arterya.
-
Dadalhin ng iyong doktor ang stent na naka-mount sa balloon-tipped catheter sa nabarahang bahagi ng iyong arterya.
-
Palalakihin niya ang balloon upang palawakin ang stent.
-
Higit pang sinisiksik ng pinalawak na stent ang plaque laban sa dingding ng arterya, pinararami at ibinabalik ang pagdaloy ng dugo sa kalamnan ng puso.
Pagkatapos ng pamamaraan
-
Bibigyan ka ng gamot ng iyong doktor para maiwasan ang pamumuo ng dugo sa bagong stent. Ipagpapatuloy mo ang pag-inom ng gamot na ito hanggang sa gumaling ang stent at arterya. Sasabihin sa iyo ng iyong pangkat ng tagapangalaga ng kalusugan kung gaano katagal mo ito dapat inumin. Reresetahan ka ng iyong doktor bago ka umuwi sa bahay. Kadalasang gamot na tinatawag na clopidogrel o iba pang katulad nito ang reseta. Iniinom ang gamot na ito kasabay ng aspirin upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga pamumuo ng dugo sa loob ng bagong bukas na bahagi ng arterya.
-
Kung nasa iyong singit ang lugar ng pagpapasukan, maaaring kailanganin mong humiga na di-gumagalaw ang iyong binti sa loob ng ilang oras. Maaaring nakadepende ang dami ng oras sa kung ginamit ba ang device na pangsara tulad ng tahi o collagen plug upang isara ang butas sa iyong arterya. Maaaring mas maikli ang oras na dapat kang di-gumagalaw kung ginamit ang isa sa mga device na ito. Magdedepende rin ang tagal ng oras kung may pagdurugo sa bahagi ng arterya.
-
Kung ang lugar ng pinagpasukan ay sa iyong pulso, maaaring gamitin ang pressure band upang pigilan ang presyon sa iyong pulso. Dahang-dahan itong inaalis kapag walang palatandaan ng pagdurugo.
-
Susuriin ng nars ang iyong presyon ng dugo at ang lugar ng pagtuturukan.
-
Maaari kang painumin ng likido para makatulong na mailabas ang contrast na likido sa iyong katawan.
-
Malamang na bibigyan ka ng iba pang reseta upang maiwasang kumitid ang iba pang bahagi ng mga arterya. Kasama rito ang gamot na para kontrolin ang kolesterol, gaya ng statins. Maaari ka ring bigyan ng beta blocker upang maiwasan ang atake sa puso. Inirereseta ang nitroglycerin upang gamutin ang mga yugto ng pananakit ng dibdib (angina) kung mangyari ito. Huwag ihalo ang nitroglycerin sa mga gamot na ginagamit upang gamutin ang erectile dysfunction o pulmonary hypertension. Maaari itong maging sanhi ng mapanganib na pagbaba sa iyong presyon ng dugo.
-
Kailangan mong magkaroon ng mga follow up appointment upang suriin kung gaano ka kahusay tumugon sa stent at sa mga bagong gamot. Maaari itong mas maaga sa isang linggo o kaya sa loob ng 2 hanggang 4 na linggo pagkatapos ng paglalagay ng iyong coronary stent.
-
Maaari ka ring umuwi na ng bahay sa araw ding iyon. O maaaring palipasin mo ang magdamag sa ospital pagkatapos ng iyong pamamaraan. Maaaring mas matagal ang iyong pananatili depende sa iyong kondisyon at mga resulta ng iyong pamamaraan. Bibigyan ka ng mga tagubilin sa kung ano ang gagawin kapag umuwi ka na sa bahay upang makatulong sa iyong paggaling.
-
Magkaroon ng isang taong magmamaneho sa iyo pauwi sa bahay mula sa ospital.
-
Normal na makakita ng maliit na pasa o bukol sa lugar ng pinagpasukan. Dapat itong mawala sa loob ng ilang linggo. Ipaalam sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung malaki o lubhang hindi maginhawa ang pasa.
-
Bibigyan ka ng mga tagubilin sa paglabas ng ospital na magsasabi sa iyo kung paano panatilihing malinis at tuyo ang lugar ng butas at kung anong mga paghihigpit sa gawain ang iyong susundin pagkatapos ng iyong pamamaraan. Siguraduhing magtanong sa iyong pangkat ng tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa anumang tanong o alalahaning mayroon ka pagkatapos ng iyong pamamaraan.
Kailan dapat tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan
Tumawag agad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mayroon ka ng alinman sa mga sumusunod:
-
Tumitinding pananakit, pamamaga, pamumula, pagdurugo, malawak na pasa, o pagtagas sa lugar na pinagpasukan
-
Lagnat na 100.4ºF (38ºC) o mas mataas, o gaya ng itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan
-
Mga sintomas ng impeksiyon tulad ng pamumula, pamamaga, pagtagas, o pag-iinit sa bahagi ng pinagpasukan
-
Problema sa pag-ihi
-
Dugo sa iyong ihi
-
Maitim o tulad ng alkitran na dumi
-
Anumang hindi karaniwang pagdurugo
-
Hindi regular, napakabagal, o napakabilis na pagtibok ng puso
-
Pagkahilo
Tumawag sa 911
Tumawag sa 911 kung mangyari ang alinman sa mga sumusunod:
-
Pananakit o kawalan ng ginhawa sa dibdib, likod, leeg, lalamunan, panga, mga braso, o mga balikat
-
Hirap sa paghinga
-
Biglang pamamanhid o panghihina sa mga braso, binti, o mukha, o hirap sa pagsasalita
-
Napakabilis na mamaga ang lugar na pinagpasukan
-
Pagdurugo mula sa lugar na pinagpasukan na hindi naaampat sa matatag na pagpisil
-
Matinding pananakit, panlalamig, pamamanhid, o may kulay asul sa binti o braso na pinaglagyan ng catheter
Online Medical Reviewer:
L Renee Watson MSN RN
Online Medical Reviewer:
Stacey Wojcik MBA BSN RN
Online Medical Reviewer:
Steven Kang MD
Date Last Reviewed:
4/1/2024
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.