Related Reading
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Mga Iniinom na Gamot para sa Type 2 Diabetes

Makatutulong ang mga tableta para sa diabetes na kontrolin ang iyong asukal sa dugo. Hindi insulin ang mga tabletang ito. Gumagana ang mga ito upang kontrolin ang iyong asukal sa dugo sa iba’t ibang paraan. Maaaring bigyan ka ng kombinasyon ng mga gamot. Palaging sundin ang mga tagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan.

Maaaring ilagay ka sa mas malaking panganib ng ilang tableta para sa mababang asukal sa dugo (hypoglycemia). Bantayan ang mga sintomas ng mababang asukal sa dugo (tingnan sa ibaba). Tumawag sa iyong tagapangalaga kung madalas mangyari ang mababang asukal sa dugo.

Uri ng mga tableta para sa diabetes

Biguanides

Tumutulong ang mga tabletang ito na makontrol ang dami ng asukal sa iyong dugo. Pinapababa nito ang dami ng asukal na ginagawa ng iyong atay. Hindi nagiging sanhi ang gamot na ito na gumawa ng insulin ang iyong pancreas. Tinutulungan nito ang iyong katawan na gumamit ng insulin nang mas mahusay. Madalas mong iniinom ang mga tabletang ito kasabay o pagkatapos ng bawat pagkain. Kasama sa mga posibleng masasamang epekto ang:

  • Pagtatae

  • Pagduduwal

  • Pagsusuka

  • Puno ang tiyan

  • Maraming hangin

  • May lasang kalawang sa bibig

  • Mababang lebel ng bitamina B12 sa dugo mula sa nabawasang pagsipsip mula sa gastrointestinal tract ng bitaminang ito

Madalas na ipasuri ang iyong mga lebel ng bitamina B-12 kung matagal mong ginagamit ang mga tabletang ito. Higit na mas mahalaga ito kung mayroon kang anemia or peripheral neuropathy.

Sulfonylureas

Tumutulong ang mga tabetang ito sa iyong pancreas na gumawa ng mas maraming insulin. Inumin ang mga ito 30 minuto bago kumain. Huwag inumim ang gamot na ito kung may allergy ka sa mga gamot na sulfa. Kasama sa mga posibleng masasamang epekto ang:

  • Mababang asukal sa dugo

  • Pagtaas ng timbang

  • Mababang lebel ng sodium sa dugo

Alpha-glucosidase inhibitors

Pinapabagal ng mga tabletang ito ang pagtunaw ng mga asukal at arina. Makatutulong ang mga ito na panatilihing hindi sobrang tumaas ang iyong asukal sa dugo pagkatapos kumain. Inumin ito kasabay ng unang kagat ng bawat pangunahing pagkain. Kasama sa mga posibleng masasamang epekto ang:

  • Paglaki ng tiyan

  • Pagduduwal

  • Pagtatae

  • Maraming hangin

Thiazolidinediones

Tumutulong ang mga tabletang ito sa iyong katawan na mas mahusay na tumugon sa insulin. Maaaring kailanganin mo ang mga lab test upang suriin ang iyong atay bago ireseta ang mga tabletang ito. Madalas na susuriin ang iyong atay habang iniinom mo ang mga ito. Kasama sa mga posibleng masasamang epekto ang: 

  • Pagtaas ng timbang

  • Dagdag na likido sa iyong katawan at pamamaga

  • Mas mataas na panganib sa pagpalya ng puso

  • Marurupok na buto (osteoporosis) at mas mataas na panganib sa pagkabali ng buto (fractures)

  • Pagtaas ng LDL (masamang) na kolesterol

Meglitinides

Pinasisigla ng mga tabletang ito ang iyong lapay upang dagdagan ang iyong insulin sa maikling panahon. Inumin ang mga ito bago kumain. Kasama sa mga posibleng masasamang epekto ang:

  • Mababang asukal sa dugo

  • Pagtatae

  • Pananakit ng ulo 

  • Bahagyang tumaas na panganib para sa mga sakit sa puso

DPP-4 inhibitors

Tumutulong ang mga tabletang ito na mapababa ang mga antas ng asukal sa dugo. Mas malamang na hindi magdulot ang mga ito ng mababang asukal sa dugo. Ngunit maaari itong magdulot ng mababang asukal sa dugo kung ininom kasama ng sulfonylurea o insulin. Iinumin moang mga ito isang beses sa isang araw. Kasama sa mga posibleng masasamang epekto ang:

  • Impeksiyon sa itaas na bahagi ng daanan ng hininga

  • Baradong ilong o tumutulong sipon

  • Pamamaga ng lalamunan

  • Pananakit ng ulo

Pinag-aaralan pa ang iba pang masasamang epekto.

SGLT-2 inhibitors

Tumutulong ang mga tabletang ito na mapababa ang mga lebel ng asukal sa dugo ng mga taong may type 2 diabetes. Inaalis ng mga ito ang labis na asukal mula sa iyong katawan. Ginagawa ito sa pamamagitan ng paglalabas ng asukal sa pamamagitan ng iyong mga bato. Kasama sa mga posibleng masasamang epekto ang:

  • Mga impeksiyon sa daanan ng ihi

  • Impeksiyon sa ari na sanhi ng fungus, lalo na sa kababaihan

  • Pagkawala ng tubig sa katawan (dehydration)

  • Mababang presyon ng dugo

  • Tumaas na panganib ng nabaling mga buto

  • Ketoacidosis habang ang asukal sa dugo ay bahagyang tumaas lamang sa target na saklaw

Naglabas ang FDA ng babalang pangkaligtasan para sa SGLT-2 inhibitor canagliflozin. Ipinakita ng mga kamakailang pag-aaral na pinatataas ng gamot na ito ang panganib ng amputation ng binti at paa. Kapag umiinom ng gamot na ito, sabihin kaagad sa iyong tagapangalaga kung mayroon kang anumang bagong pananakit o panghahapdi, mga sugat (mga ulcer), o impeksiyon sa iyong mga binti o paa. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago ihinto ang anumang gamot para sa diabetes. 

Ang mga gamot na ganito ang klase ay maaari din kung minsan na itaas ang panganib ng pagkabali ng buto. Dapat gamitin ang mga ito nang maingat kung hindi gumagana nang maayos ang iyong mga bato.

Dopamine D2 receptor agonist (bromocriptine mesylate)

Tumutulong ang mga tabletang ito na mapababa ang mga lebel ng asukal sa dugo ng mga taong may type 2 diabetes. Kasama sa mga posibleng masasamang epekto ang:

  • Pagduduwal

  • Pagsusuka

  • Nakararandam ng pagkapagod at panghihina (fatigue)

  • Pagkahilo

  • Mga pananakit ng ulo

GLP-1 receptor agonists

Pangunahing ibinibigay ang mga gamot na ito bilang mga turok (mga iniksyon) Ngunit hindi bababa sa 1 sa mga ito ay iniaalok na ngayon bilang tableta. Iniinom ito bago mag-almusal. Gumagana ito sa pamamagitan ng pagpaparami ng insulin na inilalabas ng iyong lapay kapag kumakain ka. Hindi ito dapat magdulot ng mababang asukal sa dugo, maliban kung ginamit ito kasama ng insulin o mga gamot na sulfonylurea.

Kasama sa mga posibleng masasamang epekto ng ganitong klase ng gamot ang:

  • Pagduduwal, pagsusuka, o pagtatae

  • Pancreatitis

  • Isng posibleng pagtaas ng panganib ng tiyak na hindi karaniwang anyo ng thyroid tumor (nakita sa mga pag-aaral sa iba pang hayop)

Mga kombinasyon ng tableta

Maaaring makatulong ang mga gamot na ito na panatilihin ang iyong asukal sa dugo sa iyong target na saklaw. Tumutulong din ang mga ito sa iyong lapay na gumawa ng mas maraming insulin. At maaaring tumulong ang mga ito sa iyong mga kalamnan na gamitin nang mas mahusay ang insulin. Nagdedepende ang masasamang epekto sa kung anong uri ng kombinasyon ang ginagamit mo. Masasabi sa iyo ng iyong tagapangalaga ang higit pa.

Bantayan ang mga sintomas ng mababang asukal sa dugo

Kabilang sa mga sintomas ang:

  • Mga pananakit ng ulo

  • Panginginig o pagkahilo

  • Pagkagutom

  • Malamig at nanlalagkit na balat

  • Pamamawis

  • Malakas at mabilis na tibok ng puso

  • Pagkatuliro o pagkamasungit

Kung sa palagay mo ay mababa ang iyong asukal sa dugo, suriin ang sample ng dugo gamit ang isang panukat. Kung mababa ang antas, kumain ng 1 ng mabilis na ihandang pagkain na nasa ibaba. Makatutulong ang mga ito na mabilis na itaas ang iyong asukal sa dugo:

  • 3 hanggang 4 na tableta ng glucose

  • 1 takal ng glucose gel

  • 1/2 tasa (4 na onsa) ng anumang katas ng prutas

  • 1/2 tasa (4 na onsa) ng regular (hindi diet) na soda

  • 1 kutsarita ng honey o asukal

  • 5 hanggang 6 na piraso ng matigas na kendi

Muling suriin ang iyong asukal sa dugo sa loob ng 15 minuto. Kung mababa pa rin ito, kumain ng isa pang takal. Kung nanatili itong mababa pagkatapos ng pangalawang meryenda, magpatingin sa doktor.

Online Medical Reviewer: Chris Southard RN
Online Medical Reviewer: Rajadurai Samnishanth Researcher
Online Medical Reviewer: Rita Sather RN
Date Last Reviewed: 3/1/2024
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer