Ano ang Osteoarthritis?
Ang arthritis ay inflammation o pamamaga ng 1 o higit pang kasukasuan. Ang kasukasuan ay bahagi ng katawan kung saan magkasama ang 2 o higit pang mga buto. Mayroong mahigit sa 100 iba't ibang uri ng arthritis. Ang arthritis ay maaaring maging sanhi ng mga problema sa tisyu na malapit sa mga kasukasuan. Kasama rito ang mga kalamnan, mga litid, at ligamento. At, sa ilang uri ng arthritis, ang buong katawan ay maaaring maapektuhan.
Ang osteoarthritis (OA) ay kilala rin bilang wear-and-tear arthritis. Ito ang pinakakaraniwang uri ng arthritis. Sa OA, napupudpod ang kartilago. Ang cartilage ay isang makinis na tisyu na bumabalot sa mga dulo ng buto. Gumagana ito bilang sapin. Hinahayaan nito na dumulas nang banayad ang mga buto laban sa isa't isa. Kapag ang cartilage ay naupod, kumikiskis ang buto sa isa pang buto. Nagdudulot ito ng pananakit, pamamaga, at paninigas.
 |
Normal na tuhod |
 |
Tuhod na may arthritis |
Ano ang nangyayari sa osteoarthritis?
Hindi alam ng mga mananaliksik kung ano ang nagiging dahilan o nagsisimula sa pagkasira ng mga tisyu sa kasukasuan. Ngunit habang nagsisimulang mabuo ang osteoarthritis, maaari nitong mapinsala ang lahat ng bahagi ng kasukasuan, kabilang ang:
-
Kartilago, ang tisyu na tumatakip sa mga dulo kung saan nagsasalubong ang 2 buto para bumuo ng kasukasuan
-
Mga litid at ligamento
-
Ang lining ng kasukasuan (synovium)
-
Buto
-
Meniscus (uri ng kartilago sa pagitan ng mga butio) sa tuhod
Mga dahilan ng panganib
Kabilang sa mga dahilan ng panganib para sa OA ang:
-
Sobrang katabaan
-
Pagiging mas matanda sa 40 taon
-
Nakaraang pinsala sa kasukasuan
-
Pagkakaroon ng pamamaga ng arthritis
-
Paulit-ulit na paggamit ng kasukasuan
-
Kasaysayan sa pamilya ng OA
Mga sintomas
Maaaring maaapektuhan ng OA ang alinmang kasukasuan. Ang mga kasukasuan na nagdadala ng bigat ng katawan ay kadalasang apektado. Kasama rito ang mga balakang at tuhod. Ang mga karaniwang sintomas ay pananakit ng kasukasuan at paninigas. Maaaring lumala ang mga ito kapag hindi aktibo o labis na paggamit. Maaari kang magkaroon ng higit na paninigas sa umaga, karaniwang wala pang 30 minuto. O maaari kang magkaroon ng paninigas pagkatapos maupo nang mahabang oras. Maaari ka ring magkaroon ng mas maraming pananakit sa iyong mga balakang o tuhod kung lalakad ka nang mas malayo kaysa sa karaniwan.
Kabilang sa iba pang karaniwang sintomas ang:
-
Mahihinang kalamnan
-
Hindi matatag o nangangatog na mga kasukasuan
-
Ang paggiling o lumalagitik na mga ingay sa paggalaw
-
Mga kasukasuan na namamaga o may mga umbok
-
Hindi mabaluktot at maituwid ang mga kasukasuan (umikli ang abot ng paggalaw)
Kung mayroon ka ng anumang pagbabagong ito sa kasukasuan, magpatingin sa iyong tagapangalaga ng kalusugan. Maaari kayong magtulungan na lumikha ng plano ng paggamot. Maaaring makatulong ang planong ito na maibsan ang iyong pananakit at paninigas. Maaari nitong pigilan ang iyong mga sintomas na lumala.