Pag-inom ng Gamot para sa Iyong Puso
Maaaring maging pangunahing kasangkapan ang gamot sa pamamahala ng sakit sa puso. Maaaring kailanganin mo ang ilang uri. Makatutulong ang ilang gamot upang maiwasan ang mga pamumuo ng dugo at plaque na nagdudulot ng mga atake sa puso. Makatutulong ang iba na makontrol ang kolesterol, diabetes, balanse ng likido, hindi regular na mga tibok ng puso, at mataas na presyon ng dugo.
Kung mayroon kang mga tanong tungkol sa iyong gamot, itanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan o sa pharmacist.
Alamin ang iyong mga gamot
Inirereseta ang mga gamot sa tamang dosis lamang para sa kondisyon ng iyong puso. Gumagana lamang ang mga ito kung iinumin mo ang mga ito nang eksakto tulad ng itinagubilin. Uminom ng mga gamot para sa puso sa parehong oras araw-araw. Pananatilihin nito ang dami ng gamot sa daluyan ng iyong dugo sa matatag na antas.
Magtakda ng rutina
Pinakamahusay inumin ang ilang gamot nang walang laman ang tiyan. Iniinom ang ilan kasama ng pagkain. Makatutulong sa iyo ang isang organizer ng gamot, o pill box, na inumin ang iyong mga tableta sa tamang oras bawat araw. Maaari mong i-set na mag-beep ang iyong relo kapag oras na para uminom ng tableta, mag-post ng paalala sa refrigerator o salamin sa banyo, o mag-set up ng app ng cell phone para alertuhin ka.

Mag-ingat sa mga interaksyon
Ang mga bitamina, supplementong halamang-gamot, at ilang gamot na nabibili nang walang reseta ay maaaring mapanganib na inumin kasama ng iyong mga gamot sa puso. Sabihin sa iyong mga tagapagngalaga ng kalusugan ang tungkol sa lahat ng produktong iniinom mo, kahit na ang mga simpleng remedyo para sa pananakit ng ulo, allergy, sipon, o pagtitibi.
Pagkaya sa mga masasamang epekto
May masasamang epekto ang ilang gamot tulad ng pagduduwal o pananakit ng ulo. Kung may masasamang epekto ka, maaaring bawasan o baguhin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan ang iyong gamot. Huwag kailanman ihinto ang pag-inom ng gamot o babaan mo mismo ang iyong dosis. Maaari itong magdulot ng biglaang mga problema sa puso.
Mga payong pangkaligtasan
-
Bilhin ang lahat ng mga iniresetang gamot sa parehong parmasya. Pinapanatili nito ang iyong mga rekord sa isang lugar.
-
Humingi sa iyong pharmacist o tagapangalaga ng kalusugan para sa isang fact sheet o iba pang impormasyon ng pasyente kapag nagsimula ka ng anumang bagong gamot.
-
Sabihin sa iyong tagapangalaga ng kalusugan at pharmacist kung mayroon kang mga allergy sa anumang gamot.
-
Sabihin sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung buntis ka o nagpapasuso.
-
Mag-order ng mga refill ilang linggo bago ka maubusan.
-
Magdala ng supply ng mga gamot kapag nabibiyahe ka.
-
Ilagay ang mga gamot sa isang malamig, tuyo, madilim na lugar na malayo mula sa mga bata o alagang hayop.
-
Huwag kailanman magbigay ng mga gamot sa ibang tao.
-
Magbigay ng kopya ng listahan ng iyong gamot sa iyong asawa o sa isang malapit na kaibigan.
-
Laging panatilihing napapanahon ang listahan ng iyong gamot at isang kopya mo.
Online Medical Reviewer:
Vinita Wadhawan Researcher
Date Last Reviewed:
3/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.