Ano ang Kanser sa Prostate.
Ang kanser ay kapag nagbabago ang mga selula sa katawan at lumalaki nang hindi mapigilan. Ang mga selula ng kanser ay maaaring mabuo at maging kumpol ng tisyu na tinatawag na bukol. Tinatawag na kanser sa prostate ang kanser na nagsisimula sa prostate. Maaari itong lumaki at kumalat sa labas ng prostate. Mas mahirap gamutin ang kanser na kumakalat.

Pag-unawa sa prostate
Isang glandula sa mga lalaki ang prostate na halos kasing laki at hugis ng isang walnut. Pumapalibot ito sa itaas na bahagi ng urethra. Ang tubong ito ang nagdadala ng ihi mula sa pantog. Ang prostate ang gumagawa ng ilang likido na bahagi ng semen. Sa panahon ng orgasm, lumalabas sa katawan ang semen sa pamamagitan ng urethra.
Kailan nabubuo ang kanser sa prostate
Habang tumatanda ang lalaki, maaaring magbago ang mga selula sa kanyang prostate upang mag-anyong bukol o iba pang pagsibol. Kabilang sa mga uri ng pagsibol ang:
-
Hindi nakaka-kanser na pagsibol. Habang tumatanda ang lalaki, maaaring mas lumaki ang prostate. Tinatawag itong benign prostatic hyperplasia (BPH). Sa BPH, ang labis na tissue ng prostate ang madalas na pumipiga sa urethra, na nagdudulot ng sintomas tulad ng problema sa pag-ihi. Ngunit hindi kanser ang BPH at hindi ito patungo sa kanser.
-
Mga selula na atypical. Kung minsan ang mga selula ng prostate ay hindi mukhang normal (tipikal) na mga selula ng prostate. Tinatawag na prostatic intraepithelial neoplasia o PIN ang isang uri ng abnormal na paglaki. Bagaman hindi selula ng kanser ang selula ng PIN, maaaring tanda ang mga ito ng malamang na pamumuo ng kanser.
-
Kanser. Kapag hindi mapigilan ang paglaki ng abnormal na mga selula ng prostate at nagsimulang sakupin ang iba pang tissue, tinatawag ang mga ito na mga selula ng kanser. Maaari o hindi maaaring humantong sa mga sintomas ang mga selulang ito. Maaaring maramdaman ang ilang bukol sa panahon ng pagsusuri ng katawan, at ang ilan ay hindi. Maaaring lumaki ang kanser sa prostate sa mga kalapit na organ o kumalat malapit sa mga kulani. Ang mga kulani ay maliliit na organ sa paligid ng katawan na bahagi ng immune system. Sa ilang kaso, kumakalat ang kanser sa mga buto o sa mga organ sa malayong bahagi ng katawan. Tinatawag itong metastasis.
Pag-diagnose ng kanser sa prostate
Sa una maaaring hindi magsanhi ng mga sintomas ang kanser sa prostate. Kadalasan hindi palatandaan ng kanser ang mga problema sa pag-ihi, ngunit sanhi ng ibang kondisyon, tulad ng BPH. Upang malaman kung ikaw ay may kanser sa prostate, kailangang suriin ka ng tagapangalaga ng iyong kalusugan at magtagubilin ng iba pang pagsusuri. Tutulong ang mga pagsusuri na kumpirmahin ang pag-diagnose ng kanser. Tumutulong din ang mga ito na magbigay ng mas maraming impormasyon tungkol sa nakaka-kanser na bukol. Maaaring kabilang sa mga pagsusuri ang:
-
Pagsusuri na prostate specific antigen (PSA) Ang PSA ay isang kemikal na ginagawa ng tisyu ng prostate. Ang dami ng PSA sa dugo (antas ng PSA) ay sinusuri upang tingnan ang panganib ng isang lalaki sa kanser sa prostate. Sa pangkalahatan, maaaring magdulot ng panganib sa kanser ang mataas o tumataas na antas ng PSA. Hindi makikita sa mismong pagsusuri na PSA kung may kanser sa prostate ang isang lalaki. Ginagamit din ang pagsusuri na PSA upang tingnan ang tagumpay ng mga paggamot sa kanser.
-
Core needle biopsy. Ginagawa ang pagsusuring ito upang malaman kung may kanser sa prostate ang isang lalaki. Ginagamit ang hungkag na karayom upang alisin ang maliliit na piraso mula sa prostate. Tumutulong ito na magbigay ng mas maraming impormasyon tungkol sa mga selula. Bago ang pagsusuri, maaaring magbigay ng gamot sa pananakit upang maiwasan ang pananakit. Sa panahon ng pagsusuri, ipinapasok ang isang maliit na pansuri sa tumbong. Nagpapadala ang pansuri ng larawan ng prostate sa video monitor. Gamit ang larawang ito bilang gabay, gumagamit ng manipis at hungkag na karayom ang tagapangalaga ng iyong kalusugan upang alisin ang maliit na sampol ng tisyu mula sa prostate. Ipapadala ang mga ito sa laboratoryo kung saan titingnan ang mga ito para sa mga selula ng kanser.
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.