Related Reading
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Diabetes at ang Iyong Anak: Pagsusuri ng Asukal sa Dugo

Sinabihan ka na may diabetes ang iyong anak. Nangangahulugan ito na dapat mong suriin ang lebel ng kanyang asukal sa dugo ayon sa ipinayo ng tagapangalaga ng kalusugan. Ito lang ang tanging paraan upang malaman kung gumagana ang plano ng pamamahala ng iyong anak. Tuturuan ka ng pangkat na nangangalaga sa kalusugan ng iyong anak kung paano suriin ang asukal sa dugo ng iyong anak. Matututunan mo kung gaano kadalas suriin at kung ano ang ibig sabihin ng mga numero para sa iyong anak. Tutulungan ka nito na panatilihin ang asukal sa dugo ng iyong anak na nasa malusog na range.

Paggamit ng blood glucose meter

Sinusukat ang lebel ng asukal sa dugo gamit ang isang blood glucose meter. Sinusukat ng meter kung gaano kadami ang glucose sa dugo ng iyong anak. Gagamit ka ng device na tinatawag na lanseta upang kumuha ng maliit na patak ng dugo. Kadalasang kinukuha ang dugo mula sa dulo ng daliri. Ngunit maaari ka ring magsuri sa braso o malapit sa pulso ng kamay. Inilalagay ang patak ng dugo sa isang maliit na strip na pumupunta sa meter. Pagkatapos, magbibigay sa iyo ang meter ng sukat na nagsasabi sa iyo ng lebel ng asukal sa dugo ng iyong anak. Mayroong ilang uri ng metro na magagamit. Tutulungan ka ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak na pumili ng meter na pinakanaaangkop sa mga pangangailangan ng iyong anak.

Glucometer at mga test strip.

Patuloy na pagmo-monitor ng glucose (CGM)

Maaaring maging opsyon ang patuloy na pagmo-monitor ng glucose (CGM) para sa pagsusuri ng mga lebel ng asukal sa dugo. Sinusubaybayan nito ang lebel ng asukal sa dugo ng iyong anak sa buong araw at gabi. Makatutulong ito sa iyo at sa iyong anak na gumawa ng mas mahuhusay na pagpili tungkol sa pagkain, mga gawain, at mga gamot. Maaari din nitong mahanap ang mga trend na maaaring makatulong sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak upang mas mahusay na pamahalaan ang diabetes ng iyong anak. Bukod sa pagbibigay ng asukal sa dugo ng iyong anak sa anumang oras, ibinibigay rin sa iyo ng CGM ang porsyento ng oras ng asukal sa dugo ng iyong anak na nasa normal na range. Sinasabi din nito sa iyo kung kailan naging mas mataas o mas mababa ang asukal sa dugo. Tinatawag itong oras-na nasa-range. Para sa karamihang bata, ang target ay 70% at ang target na range ay nasa pagitan ng 70 at 180 mg/dL.

Nakatutulong ang CGM na mapangasiwaan ang parehong type 1 at type 2 na diabetes. Maaaring imungkahi ng tagapangalaga ng iyong anak ang isang CGM device kung bago pa lamang na-diagnose ang iyong anak at kailangang gumamit ng insulin. Mainam ito para sa mga batang nangangailangan ng masinsinang pagkontrol ng asukal sa dugo. Tumutulong din ito sa mga batang maaaring hindi makapansin ng mga sintomas ng mababang asukal sa dugo. Itanong sa iyong tagapangalaga kung tama para sa iyong anak ang CGM.

Magagamit ang ilang device na CGM. Aprubado ang mga ito ng FDA na may reseta mula sa isang tagapangalaga ng kalusugan. Kasama rito ang sensor, transmitter, at receiver o monitor. Ang sensor ay isang maliit na device na inilalagay sa ilalim ng balat. Susukatin nito ang asukal sa dugo ng iyong anak nang ilang beses sa isang minuto. Nagpapadala ang transmitter ng impormasyon sa isang receiver. Maaaring ito ay bahagi ng isang insulin pump o hiwalay na device.

Maaaring kailanganin pa ring suriin ang asukal sa dugo ng iyong anak nang ilang beses sa isang araw gamit ang regular na glucose meter upang tingnan ang katumpakan. Kailangang palitan ang sensor sa ilalim ng balat tuwing 7 hanggang 14 na araw.

Puntiryahin ang target na range

Madalas hangga't maaari, dapat nasa target na range ang asukal sa dugo ng iyong anak. Ang target na range ay kung saan pinakamalusog ang kanyang lebel ng asukal sa dugo. Sikaping panatilihin sa target na range ang asukal sa dugo ng iyong anak. Makatutulong ito na mabawasan ang panganib ng mga problema sa kalusugan, kasama ang diabetic ketoacidosis (DKA) o mababang asukal sa dugo (hypoglycemia). Tutulungan ka ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak na alamin kung ano ang dapat niyang target na range. Ilagay dito ang target na range ng iyong anak:

  • Pagkagising: Sa pagitan ng _________ at ____________

  • Bago kumain: Sa pagitan ng ________________ at ________________

  • 2 oras pagkatapos kumain: Sa pagitan ng ________________  at ________________

  • Oras ng pagtulog: Sa pagitan ng ________________  at ________________ 

Bakit susuriin ang asukal sa dugo?

Layunin mo na panatilihing malusog ang iyong anak hangga’t maaari sa pamamagitan ng pagkontrol ng mga lebel ng asukal sa dugo. Makikipagtulungan sa iyo ang pangkat na nangangalaga sa kalusugan ng iyong anak na magtakda ng mga target na range ng asukal sa dugo para sa iyong anak. Tuturuan ka nila kung paano suriin ang asukal sa dugo ng iyong anak. Tutulungan ka nito na panatilihin ang mga lebel ng asukal sa dugo ng iyong anak na nasa malusog na saklaw.

Pagsubaybay sa mga sukat ng iyong anak

Panatilihin ang isang talaan ng lahat ng sukat ng asukal sa dugo ng iyong anak. Maaari kang gumamit ng log book upang isulat ang mga numero. O, maraming meter ang kayang mag-imbak ng mga numero na maaari mong i-download sa isang computer. Tumutulong sa iyo ang pagpapanatili ng rekord na makita ang mga pattern, gaya ng matataas na numero pagkatapos ng ilang pagkain o aktibidad. Gamitin ang log book ng iyong anak upang makita ang mga pattern at gumawa ng mga pag-a-adjust sa kanyang plano ng pamamahala. Tutulungan ka nito na panatilihin ang asukal sa dugo ng iyong anak na nasa kanyang target na range nang mas madalas. Siguraduhing dalhin ang log book sa lahat ng appointment sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak. Magagamit din ang mga smartphone app upang itala ang mga sukat ng asukal sa dugo sa format na maida-download mo at ng tagapangalaga sa susunod na appointment.

Kung gusto mo ang electronic record keeping, may programa ang American Diabetes Association (ADA) na tinatawag na Diabetes 24/7. Nagbibigay ng mga kagamitan ang online na programang ito upang makatulong na i-monitor ang diabetes, kasama ang mga lebel ng glucose sa dugo. Maaari ding mayroong elektronikong medikal na rekord ang iyong tagapangalaga na nag-aalok ng parehong uri ng mga opsyon sa pagsubaybay.

Paglutas ng problema

Maaari mong gamitin ang log book ng iyong anak upang makita ang mga pattern at makahanap ng mga sagot sa mga problema. Halimbawa, makatutulong ang log na makita mo kung ano ang posibleng mangyari sa tiyak na oras ng araw, o kapag kumakain ang iyong anak ng partikular na pagkain. Maaaring maging isang uri ng laro ng pagsisiyasat ang paglutas ng problema para sa iyo at sa iyong anak. Magkasama, maaari kang makahanap ng mga pahiwatig at malaman kung ano ang ibig sabihin ng mga ito.

Bahagi ng buhay ang pagsusuri ng asukal sa dugo

Gawing bahagi ng pang-araw-araw na rutina ng iyong anak ang pagsusuri ng asukal sa dugo. Siguraduhing may panukat at mga supply ang iyong anak kapag wala siya sa bahay. Upang hikayatin ang iyong anak na regular na magsuri, siguraduhing alam niya ang layunin ng pagsusuri. Bahagi ito ng gawaing pagsisiyasat na tumutulong sa iyo at sa iyong anak na pumili at lutasin ang mga problema.

Mga payo

Upang hindi gaanong masakit ang mga finger stick:

  • Gamitin ang gilid ng daliri.

  • Gumamit ng meter na nangangailangan ng kaunting dugo.

  • Gumamit ng adjustable na lancing device.

  • Gumamit ng fine-point lancet.

  • Huwag linisin ng alkohol ang daliri—mainam ang sabon at tubig. Siguraduhing tuyo ang daliri bago kumuha ng sample ng dugo.

Gumawa ng isang kasunduan sa iyong anak

Ikaw, ang tagapagturo sa diabetes, at ang iyong anak ay maaaring gumawa ng kasunduan para sa pagmo-monitor ng asukal sa dugo. Dapat kasama rito ang:

  • Kailan sumang-ayon ang iyong anak na suriin ang kanyang asukal sa dugo.

  • Anong uri ng talaan ang pananatilihin ng iyong anak.

  • Isang sistema ng gantimpala para sa pananatili sa kasunduan at pagiging tapat. Pinakamainam ang mga gantimpala na hindi pagkain. Huwag kailanman gamitin ang paglaktaw sa turok na insulin bilang gantimpala.

Hikayatin ang iyong anak na gumawa pa ng marami

Habang tumatanda ang iyong anak, maaari siyang gumawa ng mas maraming gawain. Upang gawin ito, kakailanganing matutunan mo at ng iyong anak ang tungkol sa pamamahala ng diabetes. Kung gustong gawin ng iyong anak ang sarili niyang mga pagsusuri ng asukal sa dugo, magaling iyon! Ngunit tandaan na maaaring hindi gumana nang perpekto sa simula ang mga bagay-bagay. OK lang iyon. Maaari kayong patuloy na sumubok. Itanong sa iyong tagapangalaga ang tungkol sa mga suportang grupo para sa mga bata o mga kampo at programa ng diabetes na naaangkop sa edad.

 Kapag ang mga numero ng iyong anak ay wala sa saklaw

Kung minsan, magkakaroon ng matataas o mabababang numero ang iyong anak. Maaaring hindi mo kaagad malaman kung bakit nangyari ito. Huwag maiinis kung makakita ka ng mga numero na wala sa range. At subukang huwag husgahan ang pag-uugali ng iyong anak batay sa mga numerong ito. Maraming bagay ang makakaapekto sa lebel ng asukal sa dugo, kasama ang mga emosyon tulad ng pananabik. Kaya huwag parusahan ang iyong anak o mainis sa matataas o mabababang sukat. Kailangang magtiwala ang iyong anak na maaari siyang magpakita sa iyo ng anumang numero. Kung nagkakaproblema ka sa pagpapanatili ng target na range ng asukal sa dugo ng iyong anak, makipag-ugnayan sa kanyang tagapangalaga ng kalusugan. Maaari siyang makatulong sa iyo na i-adjust ang plano ng iyong anak kung kinakailangan.

Online Medical Reviewer: Callie Tayrien RN MSN
Online Medical Reviewer: Liora C Adler MD
Online Medical Reviewer: Raymond Kent Turley BSN MSN RN
Date Last Reviewed: 1/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer