Diabetes: Mga Eksaminasyon at Pagsusuri
Para sa iyong pangangalaga sa diabetes, maaari kang magpatingin sa iyong pangunahing tagapangalaga ng kalusugan o isang espesyalista 2 hanggang 4 na beses kada taon. Nasa ibaba ang isang gabay sa mga karaniwang eksaminasyon at pagsusuri na ipinapayo para sa mga taong may diabetes. Maaaring magmukha ito na maraming gagawin, ngunit magbubunga ang pangangalaga sa iyong sarili. Pareho nitong matutulungan ang iyong pisikal na kagalingan at ang kalidad ng iyong buhay sa darating na mga taon. Upang matuto nang higit pa, makipag-ugnayan sa American Diabetes Association sa www.diabetes.org o sa 800-342-2383.
Mga test at mga bakuna

Dapat gawin ang mga ito nang kasing dalas man lang ayon sa nakasaad sa ibaba:
-
Pagsusuri ng presyon ng dugo. Bawat pagbisita sa tagapangalaga ng kalusugan. O suriin sa bahay nang mas madalas kung ipinayo.
-
A1C. Sa una, bawat 3 buwan. Kung kontrolado, bawat 3 hanggang 6 na buwan.
-
Mga pagsusuri ng kolesterol at lipid sa dugo. Hindi bababa sa tuwing 12 buwan.
-
Mga pagsusuri ng ihi at dugo para sa paggana ng bato. Hindi bababa sa tuwing 12 buwan o mas madalas.
-
Mga bakuna laban sa trangkaso. Minsan sa isang taon.
-
Bakuna laban sa pulmonya. Itanong sa iyong tagapangalaga kung ano-anong bakuna laban sa pulmonya ang tama para sa iyo.
-
Mga bakuna laban sa Hepatitis B. Sa lalong madaling panahon kung mas bata ka sa edad na 60. O ayon sa ipinayo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan pagkatapos ng edad na 60.
-
Bakuna laban sa mamaso (shingles). Sa edad na 50 o mas matanda, o edad na 19 o mas matanda kung mayroon kang mahinang immune system. Magpabakuna kahit kung nagkaroon ka na ng mamaso (shingles) o nakaraang mamaso o bakuna sa chickenpox.
-
Bakuna laban sa Tdap. Tuwing 10 taon. Kabilang sa bakunang ito ang proteksyon laban sa tetano, diphtheria, at mahalak na ubo. Dapat magkaroon ng karagdagang dosis ang mga buntis.
-
Bakuna laban sa Covid-19. Paunang bakuna at na-update na mga booster.
-
Bakuna laban sa RSV. Isang dosis sa edad na 60 o mas matanda. Ang bakunang ito ay nagpoprotekta laban sa RSV (respiratory syncytial virus).
-
Personal na terapi sa nutrisyon. Isang beses man lang, pagkatapos ay mas madalas kung kinakailangan.
-
Pagpapayo sa paghinto sa paninigarilyo. Kung naninigarilyo ka pa rin, sa bawat pagbisita.
-
Pag-screen ng maagang pagpalya ng puso. Pagsusuri ng dugo na hindi bababa sa bawat taon.
-
Pag-scan ng densidad ng mineral ng buto. Karaniwang ipinapayo ang baseline scan para sa mga kababaihan kapag nagsimula sila sa menopause at para sa mga lalaki sa halos edad na 50.
-
Pag-screen ng peripheral artery disease (PAD). Ipinapayo para sa mga taong may mga sintomas ng PAD, mga taong walang sintomas ng PAD sa edad na 50 at pataas, anumang sakit sa maliliit na daluyan ng dugo, o pinsala sa pangunahing organ na nauugnay sa diabetes o mga komplikasyon sa paa. Isinasaalang-alang din ang pag-screen ng PAD para sa mga taong nagkaroon ng diabetes sa loob ng 10 o higit pang taon.
-
Iba pang mga pagsusuri o bakuna. Ayon sa ipinayo ng iyong tagapangalaga.
Mga regular na eksaminasyon
Maaaring makatulong ang mga pagsusuring ito para maiwasang magkaroon ng mga problema at mapanatili kang malusog.
Mga eksaminasyon sa paa
Maaaring unang maapektuhan ang iyong mga paa ng mga problema sa nerbiyo at daluyan ng dugo. Ipasuri sa iyong tagapangalaga ang iyong mga paa sa bawat pagbisita. Hubarin ang iyong mga sapatos at medyas kapag pumasok ka sa silid ng eksaminasyon. Makakatulong ito sa iyo na matandaan na ipasuri ang iyong mga paa. Suriin din ang iyong mga paa sa bahay bawat araw. Maghanap ng mga sugat o pinsala dahil sa presyon. Gumamit ng salamin para makita ang lahat ng bahagi ng iyong paa. Makipag-ugnayan kaagad sa iyong tagapangalaga kung makakita ka ng mga problema.
Mga eksaminasyon sa mata
Maaaring may mga problema ka sa iyong mga mata kahit na wala kang problema sa paningin. Bibigyan ka ng isang tagapangalaga ng kalusugan ng mata (ophthalmologist) o espesyal na sinanay na optometrist ng isang eksaminasyon sa mata nang nakadilat nang hindi bababa sa isang beses kada taon. Sabihin kaagad sa iyong tagapangalaga kung ikaw ay:
-
Makakita kg maiitim na spot, kumikislap na mga ilaw, o mga floater
-
Hindi makakita nang malinaw sa madilim na ilaw
-
May pananakit o presyon sa mata
-
May anumang iba pang problema sa paningin
Mga eksaminasyon sa ngipin
Tinatawag din ang sakit sa galagid na periodontal disease. Karaniwan sa mga taong may diabetes ang sakit sa galagid at iba pang problema sa bibig. Upang makatulong na maiwasan ang mga problemang ito, magpatingin sa iyong dentista 2 o mas maraming beses kada taon. Sabihin sa iyong dentista na mayroon kang diabetes. Sabihin sa kanya ang lahat ng gamot, mga bitamina, at mga suplemento na iniinom mo.
Itanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung anong iba pang eksaminasyon ang kakailanganin mo nang regular.
Online Medical Reviewer:
Chris Southard RN
Online Medical Reviewer:
Rajadurai Samnishanth Researcher
Online Medical Reviewer:
Rita Sather RN
Date Last Reviewed:
3/1/2024
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.