Related Reading
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Bacterial Gastroenteritis

Madalas na tinatawag ang gastroenteritis na stomach flu (trangkaso sa tiyan). Ito ay pamamaga ng GI (gastrointestinal) tract, kasama rito ang sikmura at mga bituka. Karamihan ng kaso ng gastroenteritis ay sanhi ng mga virus. Ang bacterial gastroenteritis (sanhi ng bakterya) ay hindi gaanong karaniwan pero maaaring magdulot ng malalang mga sintomas. Maaari din itong maging dahilan ng pagkamatay. Ang sheet na ito ay nagsasabi sa iyo ng higit pa tungkol sa bacterial gastroenteritis, paano ito mapipigilan, at kung paano ito ginagamot.

Paano kumakalat ang bacterial gastroenteritis?

  • Kontaminadong pagkain o tubig. Malamang na magkaroon ka ng gastroenteritis sa pamamagitan ng pagkain o tubig na may nakakapinsalang bakterya (tulad ng salmonela, Campylobacter, at E. coli). Pwedeng maging kontaminado ang pagkain kapag hindi naghugas ng kanilang mga kamay ang mga humawak ng pagkain. O kapag ang pagkain ay hindi itinago, hinawakan, o niluto nang tama.

  • Dumi na napupunta sa bibig. Ang mga taong may bacterial gastroenteritis ay may nakapipinsalang bakterya sa kanilang dumi. Kapag hindi sila naghugas ng kanilang mga kamay pagkatapos nilang gumamit ng banyo, pwede nilang maikalat ang mga mikrobyo sa mga bagay. Kung mahahawakan mo ang gayong mga bagay, kakapit ang mga mikrobyo sa iyong mga kamay at naililipat ito sa iyong bibig.

Ano-ano ang mga sintomas ng bacterial gastroenteritis?

Maraming uri ng bakterya na nagdudulot ng gastroenteritis. Kaya magkakaiba rin ang mga sintomas. Sa ilang uri ng gastroenteritis, mabilis na nagsisimula ang mga sintomas. Sa iba naman, hindi lumilitaw ang mga ito sa loob ng 24 hanggang 48 oras. Ang mga sintomas ay maaaring mula sa banayad hanggang sa malubha at maaaring may kasamang:

  • Matubig na pagtatae

  • Masamang pakiramdam sa tiyan (pagduduwal) at pagsusuka

  • Lagnat at ginaw

  • Pananakit ng tiyan (bahaging tiyan)

  • May dugo sa dumi (sa mga malalang kaso)

Paano sinusuri ang bacterial gastroenteritis?

Kukunin ng iyong provider ng pangangalagang pangkalusugan ang kumpletong rekord ng iyong kalusugan. Tiyaking banggitin ang anumang kamakailang byahe at kung ano ang kinain mo bago ka nagkasakit. Tandaan na ang mga sintomas ay maaaring hindi lumitaw ng 1 o 2 araw pagkatapos mong maimpeksyon. Maaaring hilingan kang magbigay ng sampol ng dumi. Ipinadadala ito sa laboratoryo para suriin. Huwag kalimutang magtanong sa iyong provider o emergency room ng ospital para malaman ang resulta ng pagsusuri. Sa ilang kaso, hihilingan ka na makipagkita sa iyong provider para sa follow-up na pangangalaga.

Paano nilulunasan ang bacterial gastroenteritis?

  • Madalas na gumagaling ang bacterial gastroenteritis nang walang gamutan. Sa ilang kaso, nawawala ang mga sintomas pagkalipas ng 1 o 2 araw. Sa iba, nanatili ang mga sintomas nang ilang linggo. Sa ilang partikular na kaso, pwedeng tumagal ng ilang buwan bago bumalik sa normal ang iyong pagdumi.

  • Ang pagpapanauli ng nawalang tubig dahil sa pagtatae at pagsusuka ay mahalaga para sa ganap na paggaling. Kung maraming tubig ang nawala sa iyong katawan, malamang na kailangan mo ng likidong padadaanin sa pamamagitang ng IV (intravenous) line sa ospital.

  • Maaari kang resetahan ng mga gamot na nagpapabagal sa pagtatae. Depende ito sa kung ano ang iniisip ng iyong provider na sanhi ng iyong mga sintomas. Pero pwedeng patagalin ng mga gamot na ito ang iyong pagkakasakit.

  • Magrereseta lamang ang iyong provider ng mga antibayotiko kung ang mga sintomas mo ay sanhi ng partikular na uri ng bakterya o kung malala ang iyong mga sintomas.

  • Posibleng maospital ka kung napakalala ng mga sintomas mo.

Pagpapahupa ng mga sintomas ng mga bacterial gastroenteritis

Sa karamihan ng kaso, nagagamot sa tahanan ang bacterial gastroenteritis. Para humupa ang mga sintomas at mapigilan ang mga kumplikasyon:

  • Magkaroon ng maraming pahinga.

  • Uminom ng maraming likido para palitan ang nawalang tubig dahil sa pagtatae at pagsusuka. Tubig, malinaw na sabaw, at mga electrolyte solution ang pinakamabuti. (Makakahanap ka ng mga electrolyte solution sa halos lahat ng parmasya.) Huwag uminom ng mabubulang (carbonated) inumin, alak, kape, tsaa, cola, gatas, at katas ng prutas. Maaari nitong palalain ang mga sintomas. Kung nahihirapan kang uminom dahil sa pagduduwal at pagsusuka, subukang sumipsip ng tipak yelo.

  • Kumain lamang ng ayon sa itinagubilin ng iyong provider ng pangangalagang pangkalusugan.

  • Hangga't hindi pa nawawala ang pagtatae, huwag kakain ng prutas o anumang may gatas maliban sa yogurt. Maaaring palalain ng mga ito ang pagtatae.

Pagpigil sa bacterial gastroenteritis sa tahanan

  • Ugaliin ang kalinisan sa kamay. Laging hugasang mabuti ang iyong mga kamay bago at pagkatapos gumawa ng pagkain, at pagkatapos humawak ng hilaw na karne at poultry. Hugasan din ang mga ito pagkatapos gumamit ng banyo, magpalit ng lampin, o mag-alaga ng isang may sakit. Tingnan ang seksyon ng "Mga tip para sa mahusay na paghuhugas ng mga kamay" sa ibaba.

  • Hugasan ang lahat ng hindi pa nalulutong prutas at gulay (kahit na ang naka-pack) gamit ang pangkuskos o panlinis ng gulay.

  • Magkaroon ng sangkalan na gagamitin para lamang sa karne. Hugasan ang lahat ng sangkalan at kutsa at tinidor sa mainit, may sabong tubig pagkatapos gamitin. Linisan ang mga kitchen counter gamit ang bleach o pang-disinfect pagkatapos gamitin.

  • Lutuin ang mga karne sa ligtas na temperatura para mamatay ang bakterya na posibleng nasa karne. Gumamit ng thermometer para sa pagkain kapag nagluluto. Sundin ang mga tagubiling ito sa temperatura:

    • Lutuin ang giniling na karne (baka, karne ng bisiro, baboy, tupa) at mga panghalo sa karne sa hindi bababa sa 160°F (71°C).

    • Lutuin ang sariwang karne ng baka, karne ng bisiro, karneng baboy (steak, inihaw, ginayat) sa hindi bababa sa 145°F (63°C).

    • Lutuin ang poultry (kasama na ang giniling na karne ng pabo at manok) sa temperaturang hindi bababa sa 165°F (74°C).

  • Magsuot ng gwantes kapag humahawak ng mga damit, sapin sa higaan, diaper, o tuwalya ng isang taong may sakit. Itapon ang mga gwantes pagkatapos ng isang gamit. Pagkatapos kuskusin ang mga kamay mo gaya inilarawan sa ibaba sa Mga tip sa mahusay na paghuhugas ng mga kamay. Labhan ang mga sapin sa higaan at iba pang personal na bagay nang hiwalay sa mainit na tubig gamit ang detergent at liquid bleach.

Pag-iwas sa gastroenteritis sa lugar ng pangangalagang pangkalusugan

Maraming ospital at nursing home ang gumagawa ng mga hakbang na ito para tulungang maiwasan ang pagkalat ng gastroenteritis:

  • Paghuhugas ng kamay. Naghuhugas nang mabuti ng kanilang mga kamay ang mga healthcare worker gamit ang sabon at tubig o gumagamit ng may alkohol na panlinis sa kamay bago at pagkatapos humawak sa pasyente. Hinuhugasan din nila ang kanilang mga kamay pagkatapos humawak ng anumang bagay na maaaring kontaminado.

  • Proteksyong damit. Nagsusuot ng mga gwantes ang mga healthcare worker at kung minsan ay mga gown kapag nag-aasikaso ng mga taong may gastroenteritis. Tinatanggal nila ang mga bagay na ito bago lumabas ng silid.

  • Mga pribadong kuwarto. Inilalagay sa mga pribadong silid ang mga taong may bacterial gastroenteritis. Ito ay para maiwasan ang pagkalat ng impeksiyon.

  • Ligtas na paghawak ng pagkain. Madalas na hinuhugasan ng mga nagtatrabaho sa kusina ang kanilang mga kamay, niluluto nang tama ang mga pagkain, at dini-disinfect ang lahat ng lugar na kung saan sila gumagawa.

Mga payo sa tamang paghuhugas ng kamay

Malapitang kuha ng mga kamay na hinuhugasan gamit ang sabon at tubig.
Ang paghuhugas ng kamay ay isa sa mga pinakamagandang paraan upang mapigilan ang pagkalat ng bakterya na nagiging sanhi ng gastroenteritis.

Hugasan nang madalas ang iyong mga kamay. Laging hugasan ang mga kamay pagkatapos gumamit ng banyo, makipaglaro sa mga alagang hayop, at bago kumain o gumawa ng pagkain. Linisin ang buong kamay, singit ng iyong mga kuko, pagitan ng iyong mga daliri, at hanggang sa mga pulsuhan:

  • Maghugas nang hindi bababa sa 20 segundo gamit ang malinis at umaagos na tubig. Huwag pupunasan lang. Kuskusin ito nang mabuti. Himigin ang kantang Happy Birthday nang dalawang beses kung kailangan mo ng timer.

  • Banlawan. Hayaang dumaloy ang tubig pababa sa iyong mga daliri, hindi pataas sa iyong mga galang-galangan.

  • Tuyuin nang mabuti ang iyong mga kamay gamit ang disposable na tuwalyang papel. Gumamit ng tuwalyang papel para isara ang gripo at buksan ang pinto.

Paggamit ng mga hand gel na may alkohol

Kapag walang magagamit na sabon at tubig, magandang piliin ang gel para sa kamay na nagtataglay ng hindi bababa sa 60% ng alkohol.

  • Pumisil ng halos 1 kutsara ng gel sa palad ng iyong kamay.

  • Pagkuskusin nang mabilis ang iyong mga kamay. Linisin ang likod ng iyong mga kamay, mga palad, sa pagitan ng iyong mga daliri, at pataas sa iyong mga pulsuhan.

  • Kuskusin hanggang mawala ang gel at ganap na tuyo ang iyong mga kamay.

Kailan dapat tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan

Tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mayroon ka ng alinman sa mga ito:

  • Mas lumalala ang iyong mga sintomas

  • Dugo sa iyong dumi o kulay itim ito

  • May mga sinyales ka ng pagkatuyo ng tubig sa katawan, tulad ng panunuyo ng bibig, matinding pagkauhaw, pagkatuliro, at may kaunti o walang iniihi

  • Lagnat na 100.4°F ( 38°C) o mas mataas, o ayon sa ipinayo ng iyong tagapangalaga

Online Medical Reviewer: Chris Southard RN
Online Medical Reviewer: Rita Sather RN
Online Medical Reviewer: Sabrina Felson MD
Date Last Reviewed: 3/1/2024
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer