Related Reading
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Diabetes at ang Iyong Anak: Ligtas na Ehersisyo

Malaki ang ginagampanang tungkulin ng ehersisyo sa pamamahala ng asukal sa dugo ng iyong anak. Tumutulong ito upang mabawasan ang dami ng naiipong glucose (asukal) sa dugo. Ang naiipong ito ay tinatawag na mataas na asukal sa dugo (hyperglycemia) Ngunit, maaaring maging sanhi ang sobrang ehersisyo na sobrang bumaba ang asukal sa dugo ng iyong anak. Tinatawag ito na mababang asukal sa dugo (hypoglycemia). Kaya mahalagang bantayang mabuti ang asukal sa dugo ng iyong anak kapag nag-eehersisyo siya. Kakailanganin mong balansehin ang ehersisyo sa pagkain at insulin upang masiguro na nasa target na saklaw ang asukal sa dugo ang iyong anak. 

Isang mahalagang bahagi ng pangkalahatang kalusugan at pamumuhay ng iyong anak ang ehersisyo. Ang mga batang edad 6 hanggang 17 taong gulang ay dapat magkaroon ng 60 minuto ng katamtaman hanggang sa masiglang pisikal na aktibidad bawat araw. Isama ang pagsasanay sa kalakasan ng kalamnan at buto nang hindi bababa sa 3 araw sa isang linggo,

Mahalaga ang pag-iwas

Ang pinakamainam na paraan upang pamahalaan ang asukal sa dugo ng iyong anak habang nag-eehersisyo ay pagplanuhan ito. Ito ang iba pang bagay na magagawa mo para makatulong na panatilihing ligtas ang iyong anak habang nag-eehersisyo:

  • Sa una, suriin ang asukal sa dugo ng iyong anak bago, habang, at pagkatapos mag-ehersisyo upang makita kung paano ito naaapektuhan ng ehersisyo. Pagkatapos, suriin ang asukal sa dugo ng iyong anak bago at matapos ang bawat sesyon ng ehersisyo.

  • Turuan ang iyong anak kung paano tukuyin ang mga kritikal na sintomas at kung paano pamahalaan ang kanyang diabetes.

  • Pakainin ng meryenda ang iyong anak bago mag-ehersisyo kapag mababa sa target na saklaw ang kanyang asukal sa dugo. Subukan ang kalahating sandwich, isang piraso ng prutas, o isang energy bar.

  • Huwag gumamit ng mga pinagkukunan ng carbohydrate na mataas sa protina, gaya ng gatas o mani. Maaari nitong dagdagan ang pagtugon ng insulin sa mga carbohydrate.

  • Siguraduhing malapit ang mga mabilis ang bisa na tabletang glucose at emergency glucagon kit ng iyong anak. Isang iniksyon ang glucagon na mabilis na nagpapataas ng asukal sa dugo. Itanong sa tagapangalaga ng iyong anak ang tungkol sa nasal glucagon.

  • Kung nasa 250 mg/dL o mas mataas pa ang asukal sa dugo ng iyong anak, magsuri para sa mga ketone. Kung mataas ang mga lebel ng ketone, huwag hayaan ang iyong anak na mag-ehersisyo. Tumawag sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak. Kung mababa ang mga lebel ng ketone, maaaring magsagawa ang iyong anak ng banayad hanggang katamtamang-tindi na ehersisyo. Huwag hayaan ang iyong anak na magsagawa ng matinding ehersisyo hanggang mas mababa sa 250mg/dL ang lebel ng asukal sa dugo. Maaaring mas tumaas ang mga lebel ng asukal sa dugo dahil sa matinding ehersisyo. 

Paglalaro ng sports

Maaaring bumaba ang asukal sa dugo kapag nag-eehersisyo ang iyong anak. Maaaring tumagal ang mga mababa hanggang 8 oras matapos mag-ehersisyo. Kaya napakahalaga na suriin ang asukal sa dugo ng iyong anak bago at pagkatapos maglaro ng sports. Narito ang ilang payo upang makasiguro na ligtas ang iyong anak habang naglalaro ng sports:

  • Sabihin sa mga tagapagsanay na may diabetes ang iyong anak.

  • Bigyan ang tagapagsanay ng iyong anak ng isang listahan ng mga sintomas ng mababang asukal sa dugo. At, magbigay ng mga tagubilin sa kung ano ang gagawin kapag mababa ang asukal sa dugo ng iyong anak. Siguraduhing alam ng coach kung kailan tatawag sa 911.

  • Pabaunan ang iyong anak ng mga meryendang mataas sa carb. Maaari itong isang granola bar at sports drink.

  • Siguraduhing mayroong dalang asukal na mabilis ang bisa ang iyong anak, tulad ng mga tabletang glucose o meryerda, kung sakaling bumaba ang kanyang asukal sa dugo. Siguraduhing alam ng tagapagsanay kung saan nakalagay ang mga meryenda at tableta.

  • Pakiusapan ang tagapagsanay na maglagay ng mga meryenda, tableta ng glucose, at glucagon sa sports bag ng team. Siguraduhin na sinanay ang tagapagsanay o isa pang adulto sa paggamit ng glucagon.

  • Huwag hayaan ang iyong anak na magsanay o maglaro kung labis na mataas ang kanyang asukal sa dugo at mayroong mga ketone. Muli, siguraduhing alam ng tagapagsanay ang tungkol sa mga ketone at hindi dapat mag-ehersisyo ang iyong anak kapag mayroon ng mga ito.

Pagtitiyak ng kaligtasan kasama ang mga kaibigan

Maaaring bumaba ang asukal sa dugo ng iyong anak kapag malayo siya sa bahay. Ipasuot sa iyong anak o dalhin ang medikal na ID na nagsasabing mayroon siyang diabetes at kung sino ang dapat kontakin kung sakaling magkaroon ng emergency. Narito ang ilang payo upang maiwasan ng iyong anak ang pagbaba ng asukal sa dugo kapag malayo siya sa bahay:

  • Sabihin sa mga magulang ng mga kaibigan ng iyong anak ang tungkol sa diabetes ng iyong anak. Kung hindi tututol ang iyong anak, maaari mo ring turuan ang kanyang mga kaibigan tungkol sa diabetes.

  • Ituro sa mga kaibigan ng iyong anak at sa kanilang mga magulang kung paano makita at gamutin ang mababang asukal sa dugo. Nangangahulugan ang paggamot sa mababang asukal sa dugo na paggamit ng mga pagkain, meryenda, at pinagmumulan ng asukal na mabilis ang bisa, tulad ng mga tabletang glucose o juice, upang ibalik sa target na saklaw ang asukal sa dugo.

  • Magpabaon ng inihandang pagkain at meryenda, kung maaari. Gagawin nitong mas madali para sa ibang magulang na tulungan ang iyong anak na maiwasan ang mga pagbaba ng asukal sa dugo. Samahan ng paalala na nagsasabi sa magulang kung kailan dapat kumain ang iyong anak.

  • Siguraduhin na agad kang matatawagan ng iyong anak at ng mga adulto sa bahay kung saan siya bumibisita, kung kailangan.

  • Makipag-usap sa mga magulang tungkol sa mga panganib ng labis na mababang asukal sa dugo. At, sabihin sa mga magulang kung kailan tatawag sa 911.

Online Medical Reviewer: Dan Brennan MD
Online Medical Reviewer: Heather M Trevino BSN RNC
Online Medical Reviewer: Shaziya Allarakha MD
Date Last Reviewed: 4/1/2024
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer