Para sa mga Batang Edad 12 hanggang 17: Pagharap sa Diabetes
Sinasabi ng iyong tagapangalaga ng kalusugan na mayroon kang diabetes. Isa itong seryosong problema sa kalusugan na maaaring makapagpasama ng iyong pakiramdam kung hindi magagamot. Ngunit matututuhan mo kung paano mamuhay nang may diabetes at manatiling malusog. Gumawa ng ilang pagbabago sa iyong buhay upang hindi ka nito mapigilan sa paggawa ng mga bagay na gusto mong gawin. Sinasabi ng pahinang ito ang ilan sa mga pangunahing kaalaman ng pagkaya sa diabetes. Maaari kang makipag-usap sa iyong team ng tagapangalaga ng kalusugan at pumunta sa internet upang matuto nang higit pa.
Hindi ka nag-iisa
Maaaring maging mahirap ang malaman na mayroon kang diabetes. Ngunit hindi mo ito kailangang harapin nang mag-isa. Maraming tao ang tutulong sa iyo. Maaaring kabilang sa iyong diabetes team ang iyong mga magulang, kapatid, at tagapangalaga ng kalusugan ng iyong pamilya. Mayroon ding ilang espesyal na miyembro ng team na maraming nalalaman tungkol sa diabetes. Ang mga taong ito ay:
-
Endocrinologist. Isa itong doktor sa medisina na gumagamot sa mga batang may diabetes.
-
Dietitian. Tinuturuan ka ng dietitian tungkol sa pinakamaiinam na pagkain na kakainin. Maaari niyang sabihin sa iyo kung paano nakaaapekto ang pagkain sa iyong asukal sa dugo.
-
Tagapagturo sa diabetes. Katulad ng isang nars, pharmacist, occupational therapist, o social worker ang isang tagapagturo sa diabetes. Tinuturuan ka niya kung paano pamahalaan ang iyong asukal sa dugo.
-
Occupational therapist. Isa itong tagapangalaga ng kalusugan na maaaring tumulong sa iyo na malaman kung paano gawin ang ilang bagay nganong mayroon ka nang diabetes. Maaaring kabilang dito ang paglalaro ng sports at pagtatrabaho.
-
Pediatrician o tagapangalaga ng kalusugan ng pamilya. Isa itong tagapangalaga ng kalusugan na nag-aalaga sa anumang problema sa kalusugan. Madalas siyang tinatawag na primary care physician o doktor ng pangunahing pangangalaga.
-
Pharmacist. Ibinibigay ng taong ito ang iyong mga gamot sa diabetes ayon sa mga reseta. Maaari niyang sagutin ang anumang tanong na mayroon ka tungkol sa iyong mga gamot. Maaari niyang sabihin sa iyo kung ano ang reaksyon ng iyong mga gamot sa mga pagkain at iba pang gamot.
-
Podiatrist. Hinaharap ng tagapangala ng kalusugan na ito ang anumang problema sa paa.
-
Dentista. Sinisiguro ng tagapangalaga ng kalusugan na ito na malusog ang iyong mga ngipin hangga't maaari.
-
Ophthalmologist. Sinisiguro ng tagapangalaga ng kalusugan na ito na malusog ang iyong mga mata hangga't maaari.
-
Tagapangalaga ng kalusugan ng pag-iisip. Maaaring mahirap mag-adjust sa diabetes. Makatutulong sa iyo at sa iyong pamilya ang isang tagapayo, psychologist, psychiatrist, o social worker na makayanan ang diabetes.
Ano ang iyong tungkulin?
Maaaring kailanganin mo ng kaunting suporta mula sa iyong pamilya at sa iyong diabetes team. Ngunit malamang na handa ka nang gawin nang mag-isa ang ilang pangangalaga sa diabetes. Maaaring kasama rito ang pagsusuri ng iyong asukal sa dugo at pagtuturok ng insulin sa iyong sarili. Makipag-usap sa iyong mga magulang at tagapangalaga ng kalusugan. Sabihin sa kanila kung gaano mo gustong makisali sa pangangalaga ng iyong diabetes. Huwag harapin ang lahat nang sabay-sabay. Ngunit kapag mas napapamahalaan nang mag-isa ang iyong diabetes, mas makakayanan mong makapagsarili. Magsalita lamang kung naguguluhan ka na. Magdala ng listahan ng mga tanong na mayroon ka tungkol sa iyong diabetes kapag bumibisita sa iyong mga tagapangalaga ng kalusugan. Makatutulong ito na makuha mo ang impormasyon na iyong kailangan upang magkaroon ng kontrol sa iyong kalusugan.

Pangangasiwa ng iyong asukal sa dugo sa paaralan
Malamang na uubusin ng mga klase, sports, at iba pang aktibidad ang karamihan ng iyong oras. Maaaring maging mas mahirap alalahanin ang pamamahal sa iyong asukal sa dugo kapag abala sa paaralan. Kahit ano pa man, mahalagang sundin ang iyong plano ng pamamahala:
-
Bago magsimula ang taon ng paaralan, maupo kasama ang iyong mga magulang, guro, at opisyal ng paaralan. Siguraduhing alam nila ang iyong plano ng pamamahala sa diabetes. Dapat alam mong mayroon kang karapatan sa anumang tulong na kailangan mo para pamahalaan ang iyong diabetes sa anumang sitwasyon.
-
Kakailanganin ding malaman ng mga guro at opisyal ng paaralan kung ano ang gagawin sakaling magkaroon ka ng mababang asukal sa dugo (hypoglycemia) o mataas na asukal sa dugo (hyperglycemia). Huwag matakot na humingi ng tulong kung kailangan mo nito. Laging siguraduhin na isuot ang iyong medical ID. Sa ganitong paraan, malalaman ng mga tao na mayroon kang diabetes kung magkaroon ka ng emergency.
Pagiging aktibo
Tulad ng pagkain at insulin, maaaring makatulong sa iyo ang pagiging aktibo na mapangasiwaan ang iyong asukal sa dugo. Maaaring makatulong ang aktibidad, tulad ng paglalaro ng sports o pagbibisikleta, na maiwasang maging napakataas ang iyong asukal sa dugo. Kung minsan, maaaring bumaba nang husto ang iyong asukal sa dugo dahil sa labis na aktibidad. Kaya mahalagang suriin nang mas madalas ang iyong asukal sa dugo kapag aktibo ka. Maaaring kailanganin mo ring i-adjust kung gaano karaming insulin ang iyong itinuturok kapag aktibo ka. Maaaring sabihin sa iyo ng iyong diabetes team kung paano. Huwag magturok ng insulin sa kalamnan, tulad ng iyong binti, bago ka magsimula sa isang aktibidad, tulad ng pagtakbo o paglalaro ng soccer. Sisipsipin nang napakabilis ang insulin.
Makatutulong ang iyong mga kaibigan
Hindi mo kailangang makipag-usap sa sinuman tungkol sa diabetes maliban kung gusto mo. Ngunit maaari mong matuklasan na maaaring makatulong ang pagsasabi sa iyong mga kaibigan tungkol sa iyong diabetes. Susuportahan ka ng iyong mga tunay na kaibigan. Maaari pa nga nilang alamin ang mga palatandaan ng mababang asukal sa dugo. Kaya kung ipinapakita mo na “mababa,” makakukuha sila ng nakatatanda upang tumulong. Ngunit mag-ingat sa “diabetes police.” Sila ang mga taong pinupuna ang mga pinipili mong pagkain o laging nangungulit sa iyo tungkol sa iyong asukal sa dugo. Kung pakiramdam mo na hinuhusgahan ka ng iba pang bata, makipag-usap sa iyong mga magulang o diabetes team tungkol sa kung paano sila haharapin.
Mapapanganib na pag-uugali
Narinig mo na ito noon: Maaaring makasama sa iyo ang alak, paninigarilyo, droga, at hindi protektadong pagtatalik. At totoo ito. Ngunit mas mapanganib pa ang mga bagay na ito kapag mayroon kang diabetes. Nagsisikap ka na manatiling malusog. Sisirain lamang ito ng alak, mga sigarilyo, at droga. Maaaring humantong sa mga sakit na naipapasa sa pakikipagtalik (mga sexually transmitted infection o mga STI) at di-planadong pagbubuntis ang hindi protektadong pagtatalik. Maaaring maging napakapanganib ang hindi nakaplanong pagbubuntis kung mayroon kang diabetes. Maaaring mapinsala ng mataas na asukal sa dugo ang sanggol sa sinapupunan. Makipag-usap sa iyong diabetes team o sa iyong mga magulang upang humingi ng payo kung natutukso kang uminom, manigarilyo, magdroga, o makipagtalik.
Normal na magkaroon ng tagumpay at kabiguan
Magkakaroon ng mga pagkakataong nadarama mong nagtatagumpay ka. Sa ibang pagkakataon, maaaring ma-stress o mapagod ka sa pagharap sa diabetes. Kapag nangyayari ito, huwag sumuko. Humingi ng tulong. Nariyan ang iyong diabetes team upang tulungan kang maghanap ng mga paraan upang mapadali ang mga bagay-bagay. Hindi mo kailangang maging perpekto. Maaari kang gumawa ng mga pagbabago sa iyong plano at manatili pa ring malusog. Isang paraan upang makatulong sa stress ang pagsali sa grupo ng suporta para sa diabetes. Binubuo ang grupong ito ng iba pang batang kaedad mo na mayroong diabetes. Nauunawaan nila ang iyong pinagdaraanan dahil pinagdaraanan din nila ito. Mayroon din ang ilang lugar ng mga kampo para sa mayroong diabetes. Itanong sa iyong diabetes team ang impormasyon kung interesado ka sa kampo.