Related Reading
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Atrial Fibrillation

Ang “Atrial Fibrillation” ay isang kalagayan kung saan tumitibok ang puso sa isang pattern na hindi regular. Dahil ito sa isang pagkagambala sa mga electrical pathway ng puso. Isa itong senyales ng sakit sa puso o ibang problema sa kalusugan na nakakaapekto sa puso.

Ang pinakakaraniwang sintomas ay ang di-regular at mabilis na tibok ng puso ("palpitations"). Ito ang pakiramdam na ang iyong puso ay mabilis na tumitibok, malakas o hindi regular. Kapag masyadong mabilis ang tibok ng puso hindi ito nakakabomba ng dugo nang maigi. Maaari itong magsanhi ng ibang sintomas gaya ng pagkabalisa, pagkapagod, kakapusan sa paghinga, pananakit sa dibdib, pagkahilo o pagkahimatay. Maaaring dumating at mawala ang Atrial Fibrillation, na tumatagal mula ilang oras hanggang ilang mga araw. O, maaari itong maging pangmatagalan, na tumatagal ng ilang buwan kung minsan, o mas matagal.

Side view ng puso na ipinakikita ang mga chamber ng puso at ang mga daanan ng kuryente.

Maaaring sanhi ng sakit sa puso ang Atrial Fibrillation o ibang mga kalagayan sa katawan na nakakaapekto sa puso:

  • Sakit sa coronary artery (atherosclerosis) (Coronary artery disease)

  • Mataas na presyon ng dugo

  • Sakit sa mga balbula ng puso

  • Lumaking puso

Maaari ring mangyari ang Atrial Fibrillation kahit walang sakit sa puso dahil sa:

  • Overactive na thyroid (hyperthyroid)

  • Pangmatagalang sakit sa baga (COPD, emphysema, bronchitis)

  • Labis na paggamit ng alkohol

  • Mga stimulant sa puso (cocaine, amphetamines, diet pills, ilang gamot sa sipon na decongestant, caffeine o nicotine)

  • Impeksyon

  • Pamumuo ng dugo sa baga (pulmonary embolus)

Ang paggamot o pagtanggal sa mga sanhing ito ay makakadagdag sa tagumpay ng paggamot ng Atrial Fibrillation at mabawasan ang panganib sa iyo ng pagkakarong muli.

Maaaring magpapalit-palit ang Atrial Fibrillation sa isa pang di-normal na ritmo na tinatawag na Atrial Flutter. Ang panganib ng stroke ay tumataas sa alinman sa mga kalagayang ito. Pwedeng mabawasan ng tamang paggamot ang iyong panganib na ma-stroke.

PANGANGALAGA SA BAHAY:

  • Ipagpatuloy ang iyong mga karaniwang gawain kapag normal na ang iyong pakiramdam.

  • Kung naninigarilyo ka, tumigil sa paninigarilyo. Makipag-ugnay sa iyong doktor o sa isang lokal na programa sa paghinto sa paninigarilyo upang matulungan.

  • Iwasan ang mga cardiac stimulant (cocaine, amphetamines, diet pills, ilang gamot sa sipon na decongestant, caffeine o nicotine).

  • Kung nagpayo ng gamot upang maiwasan ang pag-ulit ng Atrial Fibrillation, gamitin ito gaya ng ipinag-uutos. Dapat na gamitin ang ilang gamot nang araw-araw, hindi lamang kapag may sintomas ka, upang maging epektibo.

  • Kung pinayuhan kang gumamit ng warfarin (Coumadin) upang mabawasana ng panganib ng stroke, ipasuri ang iyong dugo nang regular gaya ng ipinapayo ng iyong doktor. Masisiguro nito na tama ang dosis na nakukuha mo para sa iyo at mabawasan ang panganib ng mga side effect.

MAG-FOLLOW UP sa iyong doktor gaya ng ipinapayo ng aming staff.

[TANDAAN: Kung nagpa-X-ray ka o EKG (cardiogram), susuriin ito ng isang espesyalista. Papaalalahanan ka ng anumang mga bagong matutuklasan na maaaring makaapekto sa iyong pangangalaga.]

MAKAKUHA NG MABILIS NA ATENSYONG MEDIKAL kung mangyari ang alinman sa sumusunod:

  • Tumitinding kakapusan ng hininga o pamamaga sa parehong binti

  • Hindi inaasahang pagbigat ng timbang

  • Pananakit ng dibdib o di-regular at mabilis na tibok ng puso (ang pakiramdam na ang iyong puso ay mabilis o malakas na tumitibok)

  • Lagnat na 100.4ºF (38ºC) o mas mataas, o gaya ng ipinag-uutos ng iyong healthcare provider

  • Ubong may kasamang may-kulay o madugong sputum (mucus)

  • Pananakit, pamumula o pamamaga sa isang binti

  • Mga senyales ng stroke:

    • Panghihina ng isang braso o binti o isang bahagi ng mukha

    • Nahihirapang magsalita o makakita

    • Labis na pagka-antok, pagkalito, pagkahilo o pagkahimatay

Online Medical Reviewer: Lu Cunningham
Online Medical Reviewer: Ronald Karlin MD
Online Medical Reviewer: Steven Kang MD
Date Last Reviewed: 11/1/2019
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer