Paano Magpasuso sa Bote
Kailangan ng mga bagong silang na sanggol ng nutrisyon at maraming pagmamahal. Pareho itong maibibigay mo habang nagpapasuso sa bote. Maaaring ibigay sa isang bote ng iyong sanggol ang parehong gatas ng ina at formula.
 |
Siguraduhing ilagay ang utong sa dila at nang maayos sa bibig ng iyong sanggol. |
Mga payong pangkaligtasan
Hindi mo kailangang ipainit ang gatas ng ina o formula bago ito ibigay sa iyong sanggol. Huwag kailanman gumamit ng microwave kung gusto mong ipainit ang gatas ng ina o formula. Hindi pantay ang pag-init ng microwave. Maaaring mapaso ng mainit na gatas ang bibig ng iyong sanggol. Sa halip, painitan ang bote sa pamamagitan ng paglalagay nito sa mangkok ng maligamgam (hindi mainit) na tubig. Maaaring mapaso ang bibig o lalamunan ng iyong sanggol gamit ang mainit ng tubig para magpainit ng formula o gatas ng ina. Maaari ding sirain ng labis na init ang mga bahagi ng gatas ng ina na pampalusog sa iyong sanggol. Subukan ang temperatura ng gatas sa pamamagitan ng pagpapatulo ng ilang patak sa iyong galanggalangan. Siguraduhing hindi ito mainit bago ito ibigay sa iyong sanggol.
Pangangalaga sa bote
Gumagamit ka man ng gatas ng ina o ng formula, dapat malinis ang mga bote, tsupon, at kasangkapan na ginamit mo upang maihanda ang formula. Nasa ibaba ang mga mungkahi para sa pangangalaga sa bote. Ngunit makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa kung paano pangalagaan ang mga bote:
-
Hugasan ang iyong mga kamay ng malinis, dumadaloy na tubig bago mo haluin ang formula, salinan ang bote, o magbigay ng bote. Gawin ito sa bawat pagkakataon. Gumamit ng panlinis ng kamay na may alkohol kung walang sabon at tubig.
-
Linisin ang mga babasaging bote at tsupon sa dishwasher. Gumamit ng setting ng mainit ng tubig na may hot drying cycle. O hugasan ang mga bote at tsupon ng mainit at mabulang tubig. Siguraduhing banlawan nang lubos ang pareho. Kung wala kang dishwasher, i-sanitize ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapakulo sa mga ito sa loob ng 5 minuto. Palamigin ang mga ito bago gamitin.
-
Siguraduhin na ganap na tuyo ang lahat ng bahagi ng bote bago pagsama-samahing ilagay ang mga ito sa taguan. Maiiwasan nito na magkaroon ng amag.
-
Kung gagamit ka ng mga plastik na bote na may mga disposable liner, kakailanganin mo pa ring siguraduhing malinis ang mga bote at tsupon.
-
Itabi ang malinis at mga hindi nagamit na bote nang may takip. Mapananatili nitong malinis ang mga tsupon.
Kaalaman sa formula
Gawa sa gatas ng baka ang karamihan sa mga formula na para sa sanggol. Dapat may kasamang iron ang lahat ng formula na ginagamit. Siguraduhing maghanap ng may iron. Talakayin ang napili mong formula sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong sanggol. Ito ay para makasiguro na pinakaangkop ito para sa iyong sanggol.
Formula na hindi na tinitimpla
Pinakamadaling gamitin sa pagpapasuso ang ready-to-feed formula o hindi na tinitimpla, ngunit pinakamahal din ito. Mas mahal ang mga branded kaysa mga formula na store-brand dahil gumagastos ng mas maraming pera ang mga kompanyang ito sa pagpapatalastas.
-
Isalin ang nais na dami ng formula na hindi na tinitimpla sa malinis na bote ng sanggol. Itanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung gaano karaming formula ang ibibigay sa iyong sanggol sa bawat pagpapasuso.
-
Agad na gamitin ang binuksan at nakahandang formula o itabi ito nang ligtas. Maaari itong masira kung iiwanan sa karaniwang temperatura. Dapat itong gamitin kaagad. O, kung hindi nagamit, ilagay ito sa refrigerator.
-
Kung hindi mo kaagad nailagay sa refrigerator nakahandang formula, gamitin ito sa loob ng 2 oras ng paghahanda at sa loob ng 1 oras mula nang magsimula ang pagpapasuso. Kung hindi naubos ng iyong sanggol ang laman ng bote sa loob ng 1 oras, itapon ang natirang formula.
-
Kung hindi mo sinimulang gamitin ang nakahandang formula sa loob ng 2 oras, ilagay kaagad ang bote sa refrigerator. Maaari lang itong iimbak sa loob ng 24 na oras. Pagkatapos niyon, dapat na itong itapon.
-
Maaari mo lamang lagyan ng formula ang mga bote hanggang sa 24 na oras nang patiuna. Dapat mong panatilihin ang mga ito sa refrigerator hanggang gamitin mo ang mga ito.
Mga purong likidong formula
Kinakailangang haluan ng tubig bago gamitin ang mga concentrated liquid formula o purong likidong formula. Sunding mabuti ang mga direksyon na nasa lata. Maaaring makapinsala sa iyong sanggol ang paggamit ng labis o kakaunting tubig. Sundin ang mga payo na ito:
-
Gumamit ng may fluoride na tubig sa gripo na pinakuluan at pagkatapos ay pinalamig. O gumamit ng distilled bottled water.
-
Isalin ang buong lata ng purong likido na formula sa loob ng isang malinis na pitsel.
-
Lagyan ng tubig ang lata hanggang mapuno at idagdag ito sa pitsel. Haluin nang mabuti.
-
Isalin ang nais na dami ng formula sa malinis na bote ng iyong sanggol.
-
Itabi ang pitsel ng pinaghalong formula sa refrigerator. Panatilihin ito sa loob lamang ng 24 na oras. Kung hindi inilagay sa refrigerator, ligtas lamang ang formula sa karaniwang temperatura sa loob ng 1 oras. Pagkatapos niyon, dapat na itong itapon.
-
Itanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung gaano karaming formula ang ibibigay sa iyong sanggol sa bawat pagpapasuso.
Purong powder na mga formula
Dapat ihalo sa tubig ang mga powdered formula bago gamitin. Walang mikrobyo (sterile) ang mga liquid formula. Ngunit maaaring magkaroon ng mikrobyo (bakterya) ang powdered formula kapag inihahanda o iniimbak mo ito. Sundin ang mga payo na ito upang maprotektahan ang iyong sanggol mula sa pagkakasakit dahil sa mga mikrobyong ito:
-
Kailangan haluan ng malinis na tubig mula sa isang ligtas na mapagkukunan ang mga purong powder na formula. Maaaring distilled bottled water ito o may fluoride na pinakuluang tubig mula sa gripo. Kung hindi ka sigurado na ligtas ang iyong tubig sa gripo para gamitin sa paghahanda ng formula ng sanggol, tumawag sa inyong lokal na departamento ng kalusugan o ng tubig.
-
Hugasan at patuyuin ang ibabaw ng lata ng formula bago mo ito buksan. Siguraduhing malinis ang pambukas ng lata, mga kutsara, pansalok, at iba pang kasangkapan na iyong ginagamit sa paggawa ng formula.
-
Huwag ihalo ang formula sa tubig hangga't hindi mo pa ito ipapasuso sa iyong sanggol.
-
Idagdag ang tamang dami ng tubig sa bote. Pagkatapos, idagdag ang tamang dami ng powder na formula. Mahalagang idagdag muna ang tubig. Maaaring maging matapang ang pagdaragdag muna ng formula at maging sanhi ng pagtitibi.
-
Paghaluing mabuti ang tubig at formula.
-
Kung wala kang balak gamitin kaagad ang inihandang formula, ilagay ito sa refrigerator at gamitin sa loob ng 24 na oras.
-
Mahalaga na panatilihing tuyo ang powder sa lata ng formula upang maiwasan ang pagkakaroon ng bakterya.
-
Itanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung gaano karaming formula ang ibibigay sa iyong sanggol sa bawat pagpapasuso.
Paghawak sa sanggol at bote
Upang hawakan ang iyong sanggol at pasusuhin siya sa bote, sundin ang mga payong ito:
-
Iugoy sa iyong braso ang iyong sanggol, hinahawakan ang ulo ng iyong sanggol na bahagyang mas mataas kaysa sa kanyang ibaba.
-
Maaaring mapababa ang tsansa na mabulunan ang iyong sanggol sa paggamit ng tamang posisyon.
-
Haplusin ang ibabang labi ng iyong sanggol. Kapag bumukas ang bibig ng iyong sanggol, ilagay ang tsupon sa dila niya at pakiramdaman na hinihila niya ang tsupon sa bibig.
-
Itaas ang bote nang bahagya upang mapuno ng gatas ang tsupon. Dapat sumuso ang iyong sanggol para alisin ang gatas mula sa tsupon. Kung nahihirinan o nagkakaprolema ang iyong sanggol sa "pagsabay" sa agos, ihilig ang gatas mula sa tsupon. Mabibigyan nito ng pagkakataon ang iyong sanggol na makahinga at "makahabol" sa bilis ng pagpapasuso. Mahalagang gawin ang pagpapasuso ayon sa bilis na kayang sabayan ng sanggol, at hindi sobrang mabilis.
-
Para sa kaligtasan, huwag tutukuran ang bote. Maaaring mahirinan ang iyong sanggol kapag iniwanan mo siyang nag-iisa habang tinutukuran ang bote. Maaari din nitong pataasin ang panganib ng pagkakaroon ng mga impeksiyon sa tainga at pagkabulok ng ngipin.
-
Maaaring gawing oras ng pagsasama at pagpapatibay ng tiwala ang pagpapasuso sa iyong sanggol. Ilapit ang iyong sanggol sa iyong katawan, tingnan siya sa mata, at kausapin siya. Mahahalagang paraan ang mga ito upang tulungan siyang umunlad.
Kung tila nagugutom ang iyong sanggol ngunit hindi sumususo nang maayos, maaari kang sumubok ng tsupon na iba ang hugis. Maaari mo ring suriin ang bukana ng tsupon. Mas gusto ng ilang sanggol ang mas mabilis na pagdaloy ng gatas. Maaari silang mainis kapag masyadong mabagal ang pagdaloy. Kung naduduwal o nahihirinan ang iyong sanggol, maaaring kailangan mo ang tsupon na may mas maliit na butas. Pinababagal ng mas maliit na butas ang pagdaloy.
Mag-eksperimento sa mga tsupon ng bote. Hayaan ang iyong sanggol na pumili kung aling tsupon ng bote ang pinakamainam para sa kanya.
Pagpapadighay sa iyong sanggol
Madaling makalunok ng hangin ang mga sanggol habang sumususo sa bote. Tumutulong sa iyong sanggol ang pagpapadighay upang alisin ang hanging iyon. Kabilang sa mga payo sa pagpapadighay ng iyong sanggol ang:
-
Padighayin ang iyong sanggol kapag malikot siya, sinusubukang umiwas sa tsupon, o binabagalan ang kanyang pagsipsip. Kadalasang pagkatapos ito ng pagsuso ng kada 1/2 hanggang 1 onsa ng formula at kapag natapos na siyang sumuso.
-
Maaaring padighayin ang iyong sanggol nang nakaupo habang hawak mo ang kanyang panga, nakadapa sa iyong kandungan, o nakatayo habang nakasandal ang kanyang tiyan sa iyong balikat.
Huwag pasusuhin nang labis
Sundin ang mga payong ito upang hindi mapasobra ang pagpapasuso sa iyong sanggol:
-
Huwag pasusuhin nang labis o pilitin ang iyong sanggol na ubusin ang laman ng bote kapag nagpapakita siya ng mga senyales ng pagkabusog. Maaari itong humantong sa pagpapasuso sa iyong sanggol nang higit sa kanyang kinakailangan at magsanhi ng pagiging maselan. Ilang beses na padighayin ang iyong sanggol habang at pagkatapos pasusuhin. Pinahihintulutan nito na palabasin ang hangin. Lalagyan din nito ng espasyo ang pagsuso at bibigyan ng oras ang pagtunaw.
-
Panatilihin ang iyong sanggol sa nakatayong posisyon habang pinasususo at sa loob ng 20 hanggang 30 minuto pagkatapos sumuso.
-
Maghintay ng kahit 2 hanggang 3 oras sa pagitan ng pagpapasuso upang mailabas ang laman ng sikmura ng sanggol. O mas madalas na magbigay ng tig-kakaunti.
Mga hudyat sa pagpapasuso
-
Huwag hintaying umiyak ang iyong sanggol bago magpasuso. Huli na ang pag-iyak bilang senyales na handa nang sumuso ang iyong sanggol.
-
Handa nang sumuso ang iyong sanggol kapag nililikot niya ang kanyang mga mata at isinusubo ang kanyang mga kamay pagkagising.
-
Igalang ang mga hudyat na tapos na ang iyong sanggol. Kabilang sa mga ito ang pagbitaw sa bote, pagpihit ng ulo, tila inaantok, o pagtigil sa pagsuso.
Magbigay ng pacifier kung tila gusto ng iyong sanggol na sumipsip kapag naubos na ang formula na ipinayo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan. Nasisiyahan ang mga sanggol sa pagsipsip. Ngunit maaaring sumobra ang bilis ng pagsuso ng mga sanggol kaya hindi na siya magkaroon ng sapat na oras sa pagsipsip.