Checkup ng Batang Walang Sakit: 5 Taong Gulang
Kahit na malusog ang iyong anak, ipagpatuloy pa rin ang pagdadala sa kanya sa mga taunang checkup. Tinitiyak nito na protektado ang iyong anak sa pamamagitan ng mga nakaiskedyul na bakuna at pagsusuri ng kalusugan. Matitiyak ng tagapangalaga ng kalusugan na mabuti ang progreso ng paglaki at pag-unlad ng iyong anak. Inilalarawan ng pahinang ito ang ilang maaari mong asahan.
Pag-unlad at mga tagumpay
Magtatanong at oobserbahan ng tagapangalaga ng kalusugan ang pag-uugali ng iyong anak upang magkaroon ng ideya tungkol sa kanyang pag-unlad. Sa pagbisitang ito, malamang na ginagawa ng iyong anak ang ilan sa mga sumusunod:
-
Sinusunod ang mga tagubilin o humahalili kapag nakikipaglaro sa iba pang bata
-
Sumasagot sa mga simpleng tanong tungkol sa libro o kuwento pagkatapos mong basahin o ikuwento sa kanya
-
Gumagamit o nakikilala ang mga simpleng rhyme (bat-cat)
-
Gumagamit ng mga salita tungkol sa oras, tulad ng “kahapon” at “bukas,”
-
Bumibilang hanggang 10
-
Sumusulat ng ilang letra sa kanyang pangalan at pinapangalanan ang ilang letra kapag itinuturo mo ang mga ito
-
Lumulundag sa 1 paa
-
Kumakanta, sumasayaw, o umaarte para sa iyo
Mga problema sa paaralan at pakikipagkapwa
Malamang na nasa preschool o kindergarten ang iyong 5-taong-gulang na anak. Magtatanong ang tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa karanasan ng iyong anak sa paaralan at kung paano siya nakikitungo sa ibang bata. Maaaring itanong ng tagapangalaga ng kalusugan ang tungkol sa:
-
Pag-uugali at pakikilahok sa paaralan. Paano kumikilos ang iyong anak sa paaralan? Sinusunod ba niya ang rutina sa silid-aralan at sumasali sa mga aktibidad ng grupo? Nasisiyahan ba ang iyong anak sa paaralan? Nagpakita ba siya ng interes sa pagbasa? Ano ang sinasabi ng mga guro tungkol sa pag-uugali ng bata?
-
Pag-uugali sa tahanan. Paano kumikilos ang iyong anak sa tahanan? Mas mabuti ba o mas masama ang pag-uugali sa tahanan kaysa paaralan? (Dapat mong malaman na pangkaraniwan sa mga bata na maging mas mabait sa paaralan kaysa bahay.)
-
Mga pakikipagkaibigan. Nakipagkaibigan ba ang iyong anak sa iba pang bata? Ano-anong uri sila ng kaibigan? Paano nakikitungo ang iyong anak sa mga kaibigang ito?
-
Paglalaro. Ano ang gustong laro ng iyong anak? Halimbawa, naglalaro ba siya ng "kunwa-kunwarian"? Nakikihalubilo ba sa iba ang bata sa oras ng paglalaro?
Mga payo tungkol sa nutrisyon at ehersisyo
Ang malusog na pagkain at aktibidad ay mahahalagang susi para sa malusog na hinaharap. Hindi masyadong maaga upang simulang ituro sa iyong anak ang malulusog na gawi na tatagal nang panghabambuhay. Narito ang ilang bagay na maaari mong gawin:
-
Limitahan ang katas ng prutas at mga sports drink. Maraming asukal ang mga inuming ito. Humahantong ito sa hindi malusog na pagtaas ng timbang at pagkabulok ng ngipin. Pinakamainam para sa iyong anak ang tubig at low-fat o nonfat na gatas. Limitahan ang katas ng prutas sa isang maliit na baso ng 100% katas ng prutas na hindi hihigit sa isang beses sa isang araw.
-
Huwag maghain ng soda. Pinakamabuti na huwag hayaan ang iyong anak na uminom ng soda. Kung pinahihintulutan mo ang soda, itabi ito para sa mga napakaespesyal na okasyon.
-
Mag-alok masusustansyang pagkain. Magtabi ng iba’t ibang masusustansiyang pagkain para sa mga meryenda, tulad ng mga sariwang prutas at gulay, karneng walang taba, at buong butil. Dapat paminsan-minsan lamang ihain ang mga pagkaing tulad ng french fries, kendi, at mga pangmeryenda.
-
Ihain ang bahagi na angkop sa bata. Hindi kailangan ng mga bata ng kasing dami ng pagkain ng matatanda. Maghain sa iyong anak ng sapat na dami para sa kanyang edad at laki. Hayaan ang iyong anak na tumigil sa pagkain kapag busog na siya. Kung nagugutom pa rin ang bata pagkatapos kumain, mag-alok pa ng mga gulay o prutas. Ayos lamang na limitahan kung gaano karami ang kinakain ng iyong anak.
-
Hikayatin ang hindi bababa sa 3 oras sa isang araw na pisikal na aktibidad sa pamamagitan ng aktibong paglalaro. Tumutulong ang paglibot sa paligid para mapanatiling malusog ang iyong anak. Isama ang iyong anak sa parke, magbisikleta, o maglaro ng mga aktibong laro tulad ng habulan o bola.
-
Limitahan ang “screen time” sa 1 oras bawat araw. Kasama rito ang panonood ng TV, paggamit ng computer, at mga video game.
-
Itanong sa tagapangalaga ng kalusugan ang tungkol sa timbang ng iyong anak. Sa ganitong edad, dapat madagdagan ng humigit-kumulang 4 hanggang 5 pound ang timbang ng iyong anak bawat taon. Kung labis dito ang nadaragdag na timbang sa kanya, makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa mga malulusog na gawi sa pagkain at mga patnubay sa pag-eehersisyo.
-
Dalhin ang iyong anak sa dentista nang di-kukulangin sa dalawang beses sa isang taon para sa pagpapalinis at pagpapasuri ng ngipin.
-
Siguraduhing nakukuha ng iyong anak ang iminumungkahing dami ng pagtulog sa bawat gabi. Iyon ay 10 hanggang 13 oras sa isang 24 na oras na panahon para sa mga edad na 3 hanggang 5.
Mga payong pangkaligtasan
 |
Nakatutulong ang pag-aaral na lumangoy na masiguro ang panghabambuhay na kaligtasan ng iyong anak. Turuang lumangoy ang iyong anak, o ipatala ang iyong anak sa isang swim class. |
Kabilang sa mga iminumungkahi upang mapanatiling ligtas ang iyong anak ang:
-
Kapag nagbibisikleta, dapat magsuot ang iyong anak ng helmet na may nakakabit na strap. Habang nagro-roller-skate o gumagamit ng scooter o skateboard, pinakaligtas na magsuot ng mga wrist guard, elbow pad, knee pad, at helmet.
-
Ituro sa iyong anak ang kanyang numero ng telepono, tirahan, at pangalan ng mga magulang. Mahalagang malaman ang mga ito sa isang emergency.
-
Patuloy na gumamit ng car seat hanggang sa makalakhan ito ng iyong anak. Itanong sa tagapangalaga ng kalusugan kung mayroong mga batas ng estado hinggil sa paggamit ng car seat na kailangan mong malaman.
-
Kapag nakalakhan na ng iyong anak ang car seat, gumamit ng high-back booster seat sa kotse. Pinahihintulutan nito na magkasya nang maayos ang seat belt. Dapat gamitin ang booster hanggang sa 4 na talampakan at 9 na pulgada ang taas at nasa pagitan ng 8 at 12 taong gulang ang bata. Dapat umupo sa likod na upuan ng kotse ang lahat ng batang wala pang 13 taong gulang.
-
Turuan ang iyong anak na huwag makipag-usap o sumama saanman sa hindi kakilala.
-
Turuang lumangoy ang iyong anak. Maraming mga komunidad ang nag-aalok ng murang pagtuturo sa paglangoy.
-
Kung mayroon kayong swimming pool, dapat itong bakuran sa lahat ng gilid nito. Dapat isara at ikandado ang mga gate o pinto papunta sa pool. Huwag hayaan ang iyong anak na maglaro sa pool o sa paligid nito nang walang nagbabantay, kahit na marunong siyang lumangoy.
-
Turuan ang iyong anak tungkol sa kaligtasan sa baril. Hindi kailanman dapat humawak ng baril ang mga bata. Kung mayroon kang baril, siguraduhing palagi itong nakatabi nang walang bala at nakakandado.
-
Gumamit ng tamang pangalan para sa lahat ng bahagi ng katawan, at turuan ang iyong anak ng tamang pangalan ng lahat ng bahagi ng katawan. Turuan ang iyong anak na walang sinuman ang dapat humiling sa kanya na magtago ng mga sikreto sa kanyang mga magulang o tagapag-alaga, upang makita o mahawakan ang kanyang mga pribadong bahagi, o para sa tulong sa mga pribadong bahagi ng isang matanda o ibang bata. Kung kailangang suriin ng isang propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan ang mga bahaging ito ng katawan, dapat naroon ka.
-
Turuan ang iyong anak na OK lang na magsabi ng "hindi" sa mga paghawak na hindi siya komportable. Halimbawa, kung ayaw ng iyong anak na yakapin ang isang miyembro ng pamilya o kaibigan, igalang ang kanyang desisyon na sabihing "hindi" sa pagkontak na ito.
Mga bakuna
Batay sa mga mungkahi mula sa CDC, maaaring makuha ng iyong anak ang mga sumusunod na bakuna sa pagbisitang ito:
-
Dipterya, tetano, at pertussis
-
Trangkaso (flu), taon-taon
-
Tigdas, beke, at rubella
-
Polio
-
Varicella (bulutong-tubig)
-
COVID-19
Panahon na ba para sa kindergarten?
Marahil nag-iisip ka kung handa na para sa kindergarten ang iyong 5-taong-gulang. Narito ang ilang bagay na dapat nagagawa niya:
-
Humawak ng pen o lapis nang tama
-
Isulat ang kanyang pangalan
-
Alam kung paano sabihin ang alpabeto, magbilang hanggang 10, at tukuyin ang mga kulay at hugis
-
Umupo nang tahimik sa loob ng maiikling oras (halos 5 minuto)
-
Magbigay-pansin sa guro at sumunod sa mga tagubilin
-
Makipaglaro nang maayos sa mga kaedad
Dapat masagot ng distrito ng iyong paaralan ang anumang tanong mo tungkol sa pagsisimula sa kindergarten. Kung hindi ka pa rin sigurado kung handa na ang iyong anak, makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan sa checkup na ito.
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.