Kapag may Kakulangan sa Glucose-6-Phosphate Dehydrogenase (G6PD) ang Iyong Anak
Tinatawag ding kakulangan sa G6PD ang kakulangan sa Glucose-6-phosphate dehydrogenase. Nangyayari ito kapag walang sapat na enzyme ang katawan na tinatawag na G6PD. Kailangan ang enzyme na ito upang tulungan ang mga pulang selula ng dugo (red blood cell, RBC) para gawin ang kanilang trabaho. Nagdadala ng oxygen ang mga RBC sa buong katawan. Kapag may kakulangan sa G6PD, mas malamang na masira o mawasak ang mga RBC. Kung walang sapat na malulusog na RBC ang katawan, nagdudulot ito ng anemia. Masusuri ang iyong anak ng kanyang tagapangalaga ng kalusugan at talakayin sa iyo ang mga pagpipiliang paggamot.

Ano ang nagdudulot ng kakulangan sa G6PD?
Namamana ang kakulangan sa G6PD. Ibig sabihin nito na naipasa ito ng magulang sa anak. Kapag may ganitong kalagayan ang isang bata, dapat ding masuri ang mga magulang at magkakapatid.
Sino ang nanganganib?
Mas madalas na naaapektuhan ng kakulangan sa G6PD ang ilang tao kaysa iba. Kabilang dito ang mga African American at mga taong mula sa Mediterranean at Timog Silangang Asya. Mas karaniwan din ito sa kalalakihan kaysa kababaihan.
Ano-ano ang karaniwang nagpapasimula ng mga sintomas?
Ginagawa ng ilang bagay na mas malamang na mabuo ang mga sintomas. Tinatawag na mga trigger ang mga ito. Kabilang sa mga ito ang:
-
Pagkalantad sa ilang kemikal (tulad ng naphthalene, natatagpuan sa mga mothball)
-
Pagkain ng ilang pagkain (tulad ng mga fava bean)
-
Pag-inom ng ilang gamot (tulad ng ilang uri ng mga antibayotiko)
-
Pagkakaroon ng impeksyon sa bakterya o virus, o ilang iba pang karamdaman
Ano-ano ang mga sintomas?
Walang sintomas ang karamihang bata. O nagkakaroon lamang sila ng mga sintomas kapag nalantad sa ilang trigger. Karaniwang may normal na bilang ng dugo ang mga batang ito kapag walang sakit o nalantad sa isang trigger. May nagpapatuloy na mga sintomas ang ibang mga bata, kahit ang pangmatagalang (hindi gumagaling) anemia. Kasama sa mga posibleng sintomas ang:
-
Maputlang balat
-
Biglaang pagtaas ng temperature ng katawan
-
Ginaw
-
Kakulangan sa enerhiya o mabilis mapagod (pagkapagod)
-
Labis at mabilis na paghinga
-
Pagduduwal
-
Maitim na ihi
-
Mahina at mabilis na pintig ng puso
-
Hindi kayang gumawa ng normal na dami ng pisikal na gawain (hindi kayang mag-ehersisyo)
-
Pagkahilo o pagkahimatay
-
Paninilaw ng balat, mata, o bibig (jaundice)
-
Pananakit ng tiyan
-
Pananakit ng likod
Paano nasusuri ang kakulangan sa G6PD?
Maaaring isangguni ang iyong anak sa pediatric hematologist para sa pagsusuri at paggamot. Isa itong doktor na dalubhasa sa mga sakit sa dugo (hematology). Susuriin ng doktor ang iyong anak at itatanong ang tungkol sa mga sintomas, gamot, diyeta, at kalusugan ng iyong anak at kasaysayan ng pamilya. Ginagawa rin ang mga pagsusuri. Ginagawa ang karamihang pagsusuri sa pamamagitan ng pagkuha ng sample ng dugo mula sa isang ugat sa braso o mula sa isang daliri o sakong. Maaaring kabilang sa mga pagsusuri ang:
-
Kompletong bilang ng dugo (complete blood count o CBC) Sinusukat nito ang dami ng mga uri ng mga selula sa dugo.
-
Blood smear. Tinitingnan nito ang laki at hugis ng mga selula ng dugo. Tinitingnan ang isang patak ng dugo gamit ang mikroskopyo. Idinaragdag ang isang mantsa upang gawing mas madaling makita ang mga bahagi ng mga selula ng dugo.
-
Reticulocyte count. Sinusukat nito ang dami ng mga bagong RBC na ginagawa ng utak ng buto (bone marrow).
-
Iba pang pagsusuri sa dugo. Ginagawa ang partikular na mga pagsusuri sa dugo para masuri ang antas ng aktibidad ng enzyme na G6PD sa mga selula ng dugo.
Paano ginagamot ang kakulangan sa G6PD?
-
Layunin ng paggamot na tanggalin ang sanhi o trigger ng mga sintomas ng iyong anak. Talakayin sa doktor kung paano tutulungan ang iyong anak para mapigilan ang mga sintomas. Kabilang sa ilang karaniwang trigger ng kakulangan sa G6PD ang mga fava bean, mothball, at tonic water. At, trigger para sa mga sintomas ang ilang gamot. Humingi sa doktor ng listahan ng mga gamot na ito at ng iba pang trigger. Siguraduhing alam mo kung kailan ka dapat tumawag sa doktor ng iyong anak.
-
Sa malulubhang kaso, kailangan ang pangangalaga sa ospital para tumulong na pamahalaan ang mga sintomas.
Ano-ano ang mga pangmatagalang alalahanin?
Sa karamihang kaso, matututunan ng mga batang may kakulangan sa G6PD na pamahalaan ang kanilang kondisyon. Maaari silang maging kasing sigla at malaya tulad ng iba pang bata. Sabihin sa lahat ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak, kabilang ang parmasyutiko, na may ganitong kondisyon ang iyong anak.
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.