Mga Impeksiyon sa Daanan ng Ihi sa mga Babae
Kadalasang sanhi ng bakterya ang mga impeksiyon sa daanan ng ihi (urinary tract infections o UTI). Pumapasok sa daanan ng ihi ang mga bakteryang ito. Maaaring magmula sa loob ng katawan ang bakterya. O maaaring maglakbay ang mga ito mula sa balat sa labas ng tumbong o puwerta papunta sa urethra. Pinadadali ng anatomiya ng babae ang bakterya mula sa bituka na makapasok sa daanan ng ihi ng isang babae. Ito ang pinakakaraniwang pinagmumulan ng UTI. Ibig sabihin nito na nagkakaroon ng mga UTI ang mga babae nang mas madalas kaysa sa mga lalaki. Karaniwang sintomas ng UTI ang pananakit sa o sa paligid ng daanan ng ihi.
Nagagamot ng mga antibayotiko ang karamihan sa mga UTI. Pinapatay ng mga ito ang bakterya. Depende sa uri ng impeksiyon ang tagal ng panahon na kailangan mo para inumin ang mga ito. Maaaring kasing-ikli ito ng 3 araw. Kung umuulit ang iyong mga UTI, maaaring kailangan mo ng mababang dosis na antibayotiko sa loob ng ilang buwan. Inumin ang mga antibayotiko nang eksakto ayon sa itinagubilin. Huwag itigil ang pag-inom ng mga ito hanggang sa maubos ang lahat ng gamot. Kung huminto ka sa pag-inom ng antibayotiko nang masyadong maaga, maaaring hindi mawala ang impeksiyon. Maaari ka ring magkaroon ng resistensya sa antibayotiko. Maaaring maging mas mahirap na gamutin ito sa hinaharap.
Pangangalaga sa tahanan
Makakatulong sa pag-alis ng iyong UTI ang mga pagbabago sa pamumuhay na nasa ibaba. Maaari ding makatulong ang mga ito upang maiwasan ang mga UTI sa hinaharap:
-
Uminom ng maraming likido. Kasama rito ang tubig, juice, at iba pang inumin na walang caffeine. Tumutulong sa pag-alis ng bakterya mula sa iyong katawan ang mga likido.
-
Alisin ang laman ng iyong pantog. Palaging alisin ang laman ng iyong pantog kapag nakaramdam ka ng pag-ihi. At laging umihi bago matulog. Maaaring humantong sa impeksiyon ang ihi na nananatili sa iyong pantog. Subukan ding umihi bago at pagkatapos makipagtalik.
-
Isagawa ang mabuting personal na kalinisan ng katawan. Punasan ang iyong sarili mula sa harap hanggang sa likod pagkatapos gumamit ng banyo. Tumutulong ito na pigilan ang bakterya na makapasok sa urethra.
-
Gumamit ng condom habang nakikipagtalik. Tumutulong ang mga ito na maiwasan ang mga UTI na dulot ng bakterya na naililipat sa pakikipagtalik. Huwag ding gumamit ng spermicide habang nakikipagtalik. Maaaring mapataas ng mga ito ang panganib para sa mga UTI. Pumili na lang ng iba pang paraan ng pagkontrol sa pag-aanak. Para sa mga babaeng may posibilidad na magkaroon ng mga UTI pagkatapos makipagtalik, maaaring gamitin ang mababang dosis ng antibayotiko upang makaiwas. Tiyaking talakayin ang opsyong ito sa iyong tagapangalaga ng kalusugan.
-
Subukan ang mga holistic na suplemento tulad ng mga cranberry tablet at D-mannose. Maaaring makatulong ang mga ito na maiwasan ang mga UTI.
-
Subukan ang ipinapahid na vaginal estrogen. Magagamit mo ito upang makatulong na maiwasan ang mga UTI kung dumaan ka na sa menopause.
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan ayon sa itinagubilin. Maaari siyang magsuri upang matiyak na naalis na ang impeksiyon. Kung kinakailangan, maaaring simulan ang mas maraming paggamot.
Kailan hihingi ng medikal na payo
Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:
-
Madalas na pag-ihi
-
Kirot o mahapdi kapag umiihi
-
Lagnat na 100.4ºF (38ºC) o mas mataas, o ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan
-
Mukhang maitim, malabo, o mapula-pula ang kulay ng ihi. Maaaring mangahulugan ito na may ihi ang dugo.
-
Mabaho ang ihi
-
Nakakaramdam ng pananakit kahit na hindi umiihi
-
Pagkapagod
-
Pananakit sa bahagi ng tiyan (abdomen) sa ibaba ng pusod, o sa likod o tagiliran, sa ibaba ng mga tadyang
-
Pagkahilo o pagsusuka
-
May matinding udyok na umihi, ngunit kaunting ihi lamang ang nailalabas
-
Hindi komportableng presyon sa itaas ng buto sa singit
-
Nakakaramdam ng pagkalito o sobrang pagod (sa mga mas nakatatanda)
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.